Hindi Ko Alam

119 2 1
                                    

for 6/18/17

written: 6/19/17

------

Mahal, alas dose ng gabi, naisulat ko ang tulang 'to, para sa'yo

Kahapon ko pa naisipan ngunit ngayon lang naisulat ang munting tula

Dahil hindi mawala sa aking isipan ng narinig ko ang isang kanta na tumatak sa aking isipan

So, eto na. Magsisimula na ako, sana'y makinig ka ng maigi 

Mahal, hindi ko alam kung bakit mo ako nagawang iwan

Hindi ko mawari ang tunay na dahilan

Ng tuluyan ka ng lumisan

Siguro paulit-ulit ng naririnig ang linyang ito pero sa pang ilang-libong beses,

Uulitin ko sa iyo, kung saan nga ba ako nagkulang? 

Mahal, naaalala mo pa ba nung palagi tayong magkasama kahit kapos tayo sa pera?

Naalala mo pa ba kung gaano mo ako napapangiti sa simpleng pagkain sa may eskinita?

Naalala mo rin ba kung gaano ako kasaya na makita ka minsanan sa isang buwan?

Alam ko naalala mo iyon, mahal. 

Pero hindi mo alam kung paano ako umiyak mag-isa sa tuwing oras mo ng umalis 

Hindi mo alam kung gaano ko gustong sabihin na sana'y manatili ka nalang palagi sa aking tabi

Hindi mo alam ang totoong dahilan kung bakit palagi kitang inaalapin sa tuwing nandiyan ka

Dahil kesa ituon mo ang iyong atensyon sa mga kaibigan, gusto ko sa akin na 

Hindi man halata, pero gustong gusto ko na abot kamay lang kita

Ang sarap sarap mo magluto, buhay ko'y parang prinsesa

May panahon na nagbakasyon ako sa iyo, sa maliit na mumurahing tirahan

Sa hindi kamahalang pagkain na naibibigay pero ang saya-saya ko na makasama lang kita

Nakabuntot ako sa iyo palagi at ayokong naiiwan mag-isa dahil masaya ako sa iyong tabi

Mahal, andami nating pinagsamahan 

Hindi ko man masabi-sabi, pero ikaw ang paborito ko 

Hindi mo kasi ako sinasaktan ng sa kahit anong paraan 

Hindi mo magawang magalit sa akin at kung magalit man ay nananahimik lang

Ganoon mo ako kamahal. Ang kaisa-isang babaeng pinakamamahal mo sa lahat.

Sa pagkakaalam ko. 

Pero anong nangyari?

Ikaw ba'y nagsawa na? 

Hindi mo man lang ba naisip ang masasayang ala-ala noong tayo'y magkasama?

Kung ika'y nagsawa man, hindi ba kayang higitan ng masaya ang pagkasawa? 

Hindi ba lahat ng problema may solusyon? 

Pero bakit, mahal? 

Akala ko ba higit pa sa sarili mo ang pagmamahal mo sa akin simula nung unang araw na tumama ang iyong mga mata sa aking mukha? 

Kampante ako pero ano nga bang nangyari at unti-unti kang bumitaw, mahal? 

Kung napuno ka na sa lahat ng tao sa paligid mo, hindi pa rin ba ako sapat para maibsan ang inis mo? 

Hindi mo man lang ba naisip kung ilang beses kitang napangiti at napatawa kahit sa mumunting paraan?

Alam kong marami akong pagkukulang at hindi ko masabi-sabing mahal kita 

Pero sana, sinabi mo man lang nang ang pagkukulang ay mapunan ng hindi ka sana lumisan

Pero hindi. Walang pag-aalinlangan, walang pagdadalawang-isip, tuluyan mo akong iniwan

Nanatili akong walang kibo. Hindi kita pinigilan.

Dahil akala ko, hindi mo kakayanin at babalik ka pero mali ulit ang nasa aking isipan

Nang tuloy-tuloy ang iyong lakad na kahit isang tingin ay hindi mo na ginawa, wala pang dalawang minuto ay wala ka na 

Ganoon kabilis kang nawala ng napatingin na ako sa tinahak mong daan

Wala ka na 

Nagalit ako pero mas nainis ako dahil nakayanan mong iwan ako

Hindi ko alam

Paulit-ulit, hindi ko alam kung bakit ka agad lumisan

Sana simpleng pag-alis lang ang iyong ginawa pero walang awa mong dinala ang kalahati ng aking pagkatao 

Kaya eto ako mahal

Sinusubukan kong kumpuniin at ipinagtagpi-tagpi ulit ang nabasag kong puso

Pero sa tuwing naiisip kita, parang paulit-ulit nabubuwal ang pandikit na ginamit ko

Mahal, pupwede bang bigyan mo ako ng eksaktong sagot?

Eksaktong rason kung bakit nagawa mo ang isang bagay na pinaka hindi ko inasahan?

At sana'y maibalik mo ang piraso ng pagkatao kong tinangay mo? 

Dahil mahal, nahihirapan akong magtiwala

Paningin ko'y lahat ng makikilala ko magagawa akong iwan dahil ikaw mismo hindi nag-alinlangan

Hindi ko mapigilang isipin na ako palagi ang may mali kaya iniiwan

Sobrang nahihirapan akong magtiwala at magmahal ng walang halong kaba sa kalooban

Hindi ko alam

Ilang beses ba itong pumasok sa aking isipan? 

Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang magalit sa'yo ng lubusan

Hindi ko alam kung mayroon pang pagmamahal na natira ng ako'y iwasan

Hindi ko alam kong minahal mo ba akong talaga o ika'y napilitan

Hindi ko alam kung bakit hindi kita magawang limutin kahit paulit-ulit na akong nasabihan na ika'y kalimutan

Hindi ko alam kung bakit hindi mabawas-bawasan ang aking nararamdaman

Pero alam mo ba mahal, ang pinaka hindi ko makalimutan? 

Iyon 'yung kung bakit hindi ka man lang nagpaalam.  



Poems Of Different KindsWhere stories live. Discover now