524

202 2 0
                                    

10/12/16

Paano ba? Saan ba nagsimula? Hindi din siya sigurado basta ang alam niya, gusto niya lang siya. Nung una.

Paano ba nagkaganito? Bago sa matigas niyang puso ang pakiramdam na ito. Hindi niya alam kung kelan ba malalaman kung siguradong hulog ka na? Wala siyang ideya. Wala siyang paki. Nung una.

Hindi sya handa. Wala siyang oras. Dahil para sa kanya, madami pang kulang sa kanya at dagdag sa obligasyon lang ang romansa. Madami pang dapat ayusin sa sarili niya. Yung tipong dapat handa siya pag dumating na ang tamang tao. Na handa na siyang ibigay ang buo niyang pagkatao at hindi durog durog na kailangan pang ayusin.

Nananahimik siya.

Nung una.

Marami siyang pangarap sa buhay mag-isa. Mga pangarap na pinlano niya din mag-isa. Siguradong sigurado na siya..



...ng bigla siyang dumating sa di inaasahang panahon.

HER POV

Akala ko wala lang nung una. Simpleng pagkakagusto lang na nawawala din agad-agad pero kabaliktaran ang nangyari. Akala ko pareho lang siya nung iba na hindi nagseseryoso. Puro laro lang kaya makikipaglaro lang din sana ako. Pero maling-mali pala ang iniisip ko.

Sino bang TANGA ang hindi mahuhulog sa klase ng pagmamahal na binibigay niya?

Hindi ako 'yon. Dahil kahit gaano ko tinatanggi na hindi ko siya magugustuhan, sa bawat araw na lumilipas na magkasama kami, unti-unti, nahuhulog ako.

Sa bawat salita na binibitawan niya, madalas ngiti lang ang naisasagot ko. Kasi madalas din naiisip ko pa din kung karapat-dapat ba ako sa pagmamahal niya na sobra.

Bakit ako pa ang nakita niya? Sadyang ang dami namang iba na umaaligid lang at handang saluin siya.

Bakit ako pa na madaming pag-aalinlangan sa sarili?

Bakit ngayon pa, na ang dami ko pang dapat ayusin?

Minsan nasasabi ko sa sarili na "Ano bang nagawa ko at binigay niyo siya sa akin? Hindi ako mabait. Hindi ko kayang ipakita ang tinatawag nilang pagmamahal. Pero salamat Panginoon na dumating siya sa buhay ko. Biyaya man o aral sa buhay, masaya ako sa kanya sa oras na ito."

Hindi man siya kasing gwapo sa mga karakter na binabasa sa mga nobela, pero walang wala siya sa kanila. Sobrang naiiba.

Magkaiba kami ng mundo. Hindi ako mahilig makihalubilo at hindi din palakaibigan masyado samantalang siya ay pwede maging kaibigan ng lahat.

Nasanay ako masyadong gawin halos lahat ng bagay mag-isa para saking sarili.

Nasanay ako masyado na kayang-kaya kong tumayo mag-isa.

Mamroblema, umiyak, at bumangon ulit mag-isa ng hindi nalalaman ng iba.

Namihasa akong magtago ng damdamin. Magpaikot ng mga salita. Pero sa isang iglap, may mag-iiba ata.

Nahihirapan man ako minsan sa oras kong pinagsasabay ang trabaho at aral, pero kakayanin ko pa ring bigyan siya ng oras para hindi niya maramdaman ulit na siya ang may mali sa hindi sapat na oras na nilalaan. Okay lang, walang dapat ipag-alala dahil nakakawala siya ng pagod. Sulit na sulit ang bawat segundong kasama ko siya.

Wala pa akong iniyakang lalaki, pero alam ko sa sarili ko na kung gustuhin niya kahit anong oras, nabigyan ko na siya ng karapatang paiyakin ako. Ganoon ko na siya kagusto.

Nakakatakot, nakakakaba. Para siyang pagsubok. Isang pagsubok na handa kong ipusta kahit puso ko. Isang malaking sugal na kapag ako'y matalo, sobrang tindi ng aking babagsakan pero alam ko, wala akong pagsisisihan.

Iintindihin ko siya sa abot ng aking makakaya. Hindi ko siya susumbatan at huhusgahan agad. Uunawin ko siya at papakinggan ang anumang paliwanag. Ganoon ako katakot mawala siya.

Minsan ma'y nagseselos ako, huwag kang mag-alala, hindi ako eskandalosa.

Kung sakaling ika'y magsawa na, huwag kang mag-alala, iintindihin pa rin kita at papakawalan.

Pero pakiusap, kung ika'y mangangaliwa man, sabihan mo lang ako at agad kitang bibitawan kesa mag tanga-tangahan.

Sa tuwing kasama kita, palaging nakangiti ang aking puso. Minsan napapasulyap ako sa'yo at napapangiti ng sekreto. Ano bang pinakain ko sa'yo at sakin ka nahulog?

Ano bang gayuma ang napainom ko sa'yo para malaglag ka ng ganito?

Kung wala ako masyadong sinasabi o pinapakitang emosyon sa iyo, huwag ka ulit mag-alala. Malakas ang epekto mo sakin pero tinatago ko lang.

Kung sa tingin mo hindi ako takot na mawala ka, nagkakamali ka. Hindi mo lang alam kung gaano ako kinabahan ng hindi ka dumating agad dahil sa nasira mong motor. Akala ko, akala ko ano na dahil hindi ko kakayanin ang isa pang mawawala sa akin. Ikababaliw ko na. Hindi ko kakayanin maniwala ka.

Iniingatan kita hindi lang halata. Takot akong masaktan ka dahil ang tulad mo ay hindi dapat sinasaktan basta basta. Naiintindihan mo ba?

Hindi man ako palasalita, pero sana sa mga tingin ko, maintindihan mo. Sana mapaintindi ko hangga't hindi ko pa kayang bigkasin.

Sa pamaraang pagsusulat kung saan madalas kong sinasabi ang mga nararamdaman ko, sana maintindihan mo rin dahil nahihirapan akong ipahiwatig ang aking sarili.

At ang pinakahuli kong sasabihin. Alam mo ba?



524.

-ClaireMontecino



Poems Of Different KindsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon