KABANATA LABING-SIYAM: Alaala

399 13 0
                                    

GULAT na gulat si Jhez-Yael nang marinig ang mga isiniwalat ni Prinsipe Solomon.

"Kung ganoon ay hindi nga tunay na anak nina Himena at Lator si Miyela. Engkantada si Miyela at siya ang nakatakdang susunod na reyna..." napaanas si Jhez-Yael.

"Wala ng panahon, Jhez-Yael. Dalhin mo kami ngayon din sa Bilona upang malaman na nila ang tunay na ginagawa ng hukom," mayamaya ay sabi ni Prinsipe Solomon.

Subali't bago pa man madampot ni Jhez-Yael ang mga mumunting kristal ay bumungad ang hukom sa pintuang iyon.

Gumagaralgal sa galit ang boses ng hukom nang makita si Jhez-Yael.

"Ikaw na naman!"

Ginamit muli ng hukom ang kapangyarihan nito at kahit hindi niya nahahawakan si Jhez-Yael ay nagawa niya itong sakalin at unti-unting itaas.

Nahirapan sa paghinga si Jhez-Yael.

Napatigil ang hukom nang makitang gumulong gulong ang mga bilog na kristal at nagtangkang makalabas sa pintuan dahil hindi ito nakasara. Agad na ibinalibag ng hukom si Jhez-Yael at hinabol ang mga kristal na nakalabas sa pintuan ng silid na iyon. Dahil wala namang kakayahan para mapabilis ang paggulong ng mga kristal ay nakuha rin ito ng hukom. Pinalutang niya ito palapit sa kaniya at muling nahawakan. Saka ito nagmadaling pumasok sa silid kung nasaan si Jhez-Yael. Subali't napasigaw na lang ito sa galit nang makitang wala na roon si Jhez-Yael at mapagtantong dumaan ito sa bintana ng silid na iyon. Tiningnan nito ang dalawang bilog na kristal na hawak-hawak.

"Pagsisisihan niyo ito! Bago niya pa maiparating sa Bilona ang katotohanan, sisiguraduhin kong hindi na nila kayo makikita pa kasama ang iyong anak na si Miyela!" puno ng galit na sabi ng hukom.

Tumalikod ito na dala-dala ang mga kristal. Tiyak ang patutunguhan na pinasok nito ang yungib ng mga makasalanan.

HUMAHANGOS na narating ni Jhez-Yael ang kaharian ng Bilona nguni't hinarang siya ng mga tagapagbantay.

"Patuluyin ninyo ako! Kailangan kong makausap ang hari at reyna!"

Dahil sa lakas ng boses ni Jhez-Yael ay narinig iyon ni Polaya at lumabas ito.

"Sino ka? Anong kailangan mo?"

"Nais kong makausap ang hari at reyna. May kailangan silang malaman tungkol sa hukom. Bihag niya si Prinsipe Solomon at isang babaeng nagngangalang Layni," hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa at sinabi na agad niya ang mga nalaman.

"Si Prinsipe Solomon? N-nasaan siya?! Nasaan ang mahal ko..." tila mas lalong napapabuti ang kalagayan ni Polaya sa tuwing maririnig ang pangalan ni Prinsipe Solomon.

"Marahil ay ikaw si Polaya kung ganoon. Nasa panganib si Prinsipe Solomon at kailangan niyo siyang puntahan maging ang inyong—"

Nang biglang lumabas ang hari at reyna.

"Anong kaguluhan ito? Ikaw na naman?" tila naiinis na sabi ng reyna.

"Mahal na reyna, makinig muna kayo sa akin. Si Prinsipe Solomon ay binihag ng inyong hukom dahil nadiskubre niya ang mga kasamaang ginawa ng hukom noon," pagsisiwalat ni Jhez-Yael.

"Tigilan mo ito! Huwag kang gumawa ng dahilan para sundan ang iyong kaibigan. Umalis ka na," ang mariing sabi ni Reyna Laksana.

"Mahal na reyna, nagsasabi ako ng totoo at nasa panganib ngayon si Prinsipe Solomon," umaasa si Jhez-Yael na paniniwalaan din siya ng reyna.

Nilingon ni Polaya ang kapatid.

"Nais kong pakinggan ang mga sasabihin niya. Maaari mo ba akong pagbigyan sa pagkakataong ito?" pakiusap ni Polaya sa kapatid.

Bumuntung-hininga ang reyna.

"Sige, para lamang sa iyo, aking kapatid. Nguni't sana ay huwag mong basta-basta paniwalaan ang sasabihin ng lalaking iyan," wika ni Reyna Laksana, "Papasukin siya!" utos na nito sa mga pumipigil kay Jhez-Yael.

Nang makapasok sa loob ay walang sinayang na oras si Jhez-Yael. Isinalaysay nito ang lahat-lahat na tunay na ikinagulat ng mga ito lalo na ni Polaya.

"A-anak? May anak kami ni Prinsipe Solomon? Kaya ba pakiramdam ng puso ko ay may kulang sa buhay ko?" napaiyak si Polaya sa isiping iyon.

"Mapapatunayan mo ba ang mga sinasabi mo?" ang nananantiyang tanong ng hari.

"Kung hindi ako nagkakamali, isang paraan lamang ang alam ko para maniwala kayo," wika ni Jhez-Yael.

"Sabihin mo."

"Base sa pagkakasalaysay sa akin ni Prinsipe Solomon, inatasan lang ng hukom si Polaya na tanggalin ang kaniyang alaala maging si Karta. Sa pamamagitan ng mahika ng hukom ay napasunod niya si Polaya. Kung ganoon, maaaring gamitin ni Polaya ang kapangyarihan niya upang pabalikin ang alaala niya at ni Karta upang mapatunayan ninyo sa kanila mismo," pagbibigay suhestiyon ni Jhez-Yael.

Tiningnan ng hari si Polaya at tumango bilang pagsang ayon. Ipinatawag din nila si Karta.

"Kung tunay ngang may nawawala sa aking alaala at ni Karta, inuutusan ko ang aking kapangyarihan na ibalik ito!" ang malakas na sambit ni Polaya.

Waring may kung anong lakas ng hangin ang pumalibot kina Karta at Polaya. At ilang saglit pa ay napaluha si Polaya.

"A-ang aking anak... pinatay ng hukom ang aking anak..."

Lumuluha si Polaya ng mga oras at nanghihina itong napaupo sa sahig. Bumakas ang galit sa hari at reyna nang mapagtantong nagsasabi ng totoo si Jhez-Yael.

"Hindi namatay ang anak ninyo. Si Miyela. Siya ang anak ninyo ni Prinsipe Solomon. Ginawan ng paraan ng hukom para maikubli ang sinag niya," isa pang rebelasyon galing kay Jhez-Yael.

Doon ay biglang lumuhod si Karta.

"Patawarin ninyo ako! Patawarin ninyo dahil naduwag akong sabihin sa inyo ang totoo idagdag pang inutusan ng mahika ng hukom si Polaya para matanggal ang aming mga alaala," paghingi ng tawad ni Karta.

"Kailangan nating magmadali. Balak ng hukom na patayin si Prinsipe Solomon. Kailangan na nating magtungo roon," sabi sa kanila ni Jhez-Yael.

"Sisingilin ko siya sa lahat ng ginawa niya!" nagpupuyos ang kaloobang sabi ni Polaya.

Nagtungo na nga ang mga ito sa hukuman.

Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang