KABANATA PITO: Zena at Miyela

504 20 0
                                    


MABILIS lumipas ang panahon. Natapos ang dalawampung taon ng pagkakatapon kina Prinsipe Solomon at Polaya. Ngayon nga ay larawan ng kaligayahan ang mga taga Bilona at Garnaya sapagka't nakaabang na sila sa pagbabalik ng mga nilalang na naging parte ng mga buhay nila minsan at nagbigay kulay din noon sa kanilang kaharian.

Nang makita ng parating ang mga ito kasama ang hukom at mga Ideyo ay nagpasabog ng mga bulaklak na maliliit at may lumabas ding mga mumunting nilalang na lumilipad. Agad niyakap ng hari at reyna ang kani-kanilang kapatid.

Subali't nabahiran ng pagtataka si Laksana nang walang makitang pagtugon mula kay Polaya. Bagkus ay nakatulala lamang ito at mistulang walang alam sa nangyayari sa paligid.

Ang hukom ang nagsalita upang sagutin ang pagtataka ni Laksana, "Marahil ay nakasama kay Polaya ang sinapit nila sa yungib ng mga makasalanan. Nang mailabas namin sila doon ay ganyan na siya. Tinanong namin si Higante Sur at ang tanging naisagot niya lamang ay nag-umpisa ito noong dalawin niyo sila. Hindi na siya umiimik mula noon. Sumusunod siya sa mga naipag-uutos subali't hindi alintana ang parusa sa tuwing siya ay nagkakamali."

Napahagulgol ng iyak ang ina nilang si Dana nang marinig ito. Wala silang nagawa kundi yakapin na lamang si Polaya.

"Anak ko, ipinapangako kong gagaling ka at magbabalik ang iyong sigla. Babawiin namin ang mga nasayang mong panahon," umiiyak na sambit ni Dana habang yakap ang anak.

Si Prinsipe Solomon noon ay tahimik lang na nakatingin sa kanila.

PABALIK-BALIK sa paglalakad si Reyna Laksana sa silid nito. Napuna iyon ng hari at kinausap ang kabiyak.

"Ipanatag mo ang iyong kalooban mahal kong reyna. Gagawin natin ang lahat upang mapagaling si Polaya," pang-aalo nito sa kabiyak.

"Subali't alam mong hindi iyon ang dapat nating unahin hindi ba? Kailangan pa nating mahanap ang susunod na reyna kahit pa sabihing matagal pa naman bago ang pagpasa ng korona. Paano natin matutulungan ngayon ang aking kapatid?" namomroblemang sabi ni Reyna Lakasana.

Napabuntung-hininga ang hari.

"Kaya nga naisip ko na kailangan ng ating anak ng maagang pagsasanay upang maging handa na rin. Dahil kapag walang lumitaw na nagtataglay ng sinag ay ang anak natin ang hahalili sa iyo," sagot ng hari.

Tumanaw si Laksana sa ibaba mula sa bintana ng silid nila sa itaas. At doon ay nakita niya ang anak na buong giliw na nakikipaglaro sa mga mumunting nilalang na lumilipad.

Tuwang-tuwa si Zena nang ibalita ng ama nitong hari na siya ay sasanayin upang maging malakas sakaling siya nga ang papalit na reyna.

"Umasa kayo ama na pagbubutihin ko ang aking pagsasanay," ani Prinsesa Zena.

Bakas talaga ang kasiyahan kay Prinsesa Zena. Si Prinsesa Zena ay tunay na nagtataglay ng kagandahan sa katotohanang siya ay parang nanggaling talaga sa mga diwata ng araw, buwan at ulan. Simple lang ang kasuotan nito. Isang tuwid na mahabang kulay krema at malalaki ang pagkakulot ng kaniyang buhok na hanggang balikat. May bulaklak ding mistulang korona ang ulo nito. Lumaki itong mahilig maglaro sa labas kasama ang mga maliliit na lumilipad na mga nilalang doon. Lagi sila sa mga punong may mahahabang baging kayat nakasanayan nito ang paghawak ng mga iyon. Kaya naman sa naging pagsasanay niya ay isang mistulang mahabang latigo na natitiklop ang naging sandata nito.

Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ