KABANATA LABING-TATLO: Kapangyarihan

429 14 0
                                    

"JHEZ-YAEL!"

Napatigil sa pagsakay sana sa bangka si Jhez-Yael nang marinig si Miyela. Patakbo namang lumapit si Miyela rito.

"Kukuha kayo ng ginto sa Garnaya? Maaari ba akong sumama?" tanong dito ni Miyela.

"Nguni't Miyela—"

"Huwag mong isipin si ina. Alam na naman niyang nakapunta na ako roon kaya wala naman na sigurong dahilan pa para pagbawalan niya ako," pagputol nito sa sasabihin ni Jhez-Yael.

Hindi na nakatanggi pa si Jhez-Yael dahil sumakay na ang dalaga sa bangka.

Hindi naman nagtagal at nasa Garnaya na sila. Inalalayan ni Jhez-Yael si Miyela sa pagbaba kaya naman parang nailang bigla si Miyela.

"Ano ka ba naman, Jhez-Yael, kaya ko namang mag-isa," pinilit ni Miyela na magpaka natural sa harap ng lalaki.

"Ayos lang, Miyela. Alam mo na, pinag-aaralan kong maging maginoo para kapag nagkita kami ng anak ng hari at reyna hahanga agad siya sa akin," anito na waring nangangarap.

"Halika na nga!" sagot naman ni Miyela na hinila agad ang braso mula rito.

Parang nakaramdam ng inis si Miyela at hindi niya naman malaman kung bakit.

Mabilis nilang naipamalit ang mga prutas sa ginto kaya't umalis na rin sila kaagad. Walang imik si Miyela na napansin naman agad ni Jhez-Yael.

"May problema ba, Miyela?"

Hindi pa rin ito umimik.

"Ayos ka lang naman kanina, hindi ba?" untag pa rin ni Jhez-Yael dito.

Maya-maya'y napangiti ang lalaki.

"Nag-umpisa lang 'yan nang sabihin kong nagsasanay akong maging maginoo para hangaan agad ng anak ng hari at reyna, eh."

"Anong ibig mong sabihin, Jhez-Yael? Na hindi ko gusto iyong sinabi mo? Na nagseselos ako, ganoon ba?" pagdedepensa agad ni Miyela.

Huli na para mapagtanto nito na hindi dapat ganoon ang naging reaksiyon niya.

"Ikaw ang may sabi niyan," ani Jhez-Yael na nakangiti pa rin.

"Siguro... may pagtingin ka ba sa akin, Miyela?" deretasahan pang tanong ng lalaki na talaga namang ikinagulat ni Miyela.

Pinamulahan si Miyela at bago pa siya makasagot nagulat sila nang maghisterikal ang mga kasama nila sa bangka.

"Lulubog ang bangka! Mahuhulog tayo! Malulunod tayo!"

"Masyadong marami ang gintong nakuha natin at sa tingin ko ay hindi tayo kinakayang lahat ng bangka!"

Napatayo na rin si Miyela mula sa pagkakaupo at agad na sumilip sa tubig. Ang iba nilang kasama ay kaniya-kaniyang diskarte kung ano ang gagawin.

"Kailangan nating bawasan ang mga gintong dala natin," suhestiyon ng sumasagwan sa bangka.

Ganoon nga ang ginawa nila at labis silang nalungkot sapagkat marami-rami ang mga gintong naitapon nila sa tubig. Lumong-lumo ang mga ito nang makabalik sa Tribu Suhbar. Maging si Jhez-Yael ay nawalan din ng imik at naglakad na rin papunta sa bahay nila. Naiwan si Miyela sa malawak na katubigan na iyon na nagsilbing pagitan nila sa Garnaya. Naglakad-lakad ito hanggang halos marating na niya ang dulo ng katubigang iyon. Lungkot na lungkot din siya sa nangyari.

Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora