KABANATA LABING-LIMA: Pagtuklas

377 16 0
                                    

SA kagustuhan ni Miyela na mahanap si Jhez-Yael ay naisip nitong gamitin ang natuklasang kapangyarihan. Pumikit ito at bumuntung-hininga bago nagsalita.

"Dalhin sana ako ng aking mga paa kung nasaan si Jhez-Yael ngayon din."

Nagulat pa si Miyela nang kusang humakbang ang mga paa niya. Tuwa rin agad ang pumalit sa gulat niya nang mapagtantong gumana muli ang kapangyarihan nito.

"Bilisan mo," utos nito sa sariling mga paa.

Ilang saglit pa nga ay narating ni Miyela ang Bilona kung nasaan si Jhez-Yael. Manghang-mangha ito sa nakitang taas ng mala-palasyong nasa harapan niya. Maging ang magandang kapaligiran ay nakapagpagaan sa pakiramdam nito. Nangunot lang ang noo niya nang mapansin ang bahagharing nasa itaas ng kahariang iyon.

"Bakit ganoon... parang walang buhay ang bahaghari..." anito sa sarili

Natigil lamang ito nang may mga lumapit sa kaniyang mga tagapagbantay doon at tutukan siya ng espada ng mga ito. Napangiti si Miyela sa isiping magagamit na rin niya sa totoong laban ang naging pagsasanay nila ni Jhez-Yael. Dahil sa bilis ng pagkakahugot niya sa espada ay hindi na ito napigilan ng mga tagapagbantay. Hindi naman pinatamaan ni Miyela ang mga ito sa halip ay pawang mga espada ng mga ito ang pinatamaan niya at isa-isang tumalsik ang espadang hawak ng mga ito. Isang tagapagbantay ang nakatakbo at agad nasabi sa mga nasa loob ng kaharian ang nangyayari.

"Ano? May nakapasok na namang ibang nilalang dito?" hindi maipinta ang mukhang bulalas ng hari.

"Hindi ko alam kung anong klaseng mga tagapagbantay ba ang naglilingkod sa inyo rito at nakakapag-papasok sila ng mga hindi taga rito," naiiling na saad ng hukom.

Habang nasa likod ng hukom ang mga kamay nito katulad ng nakakagawian ay nagpatiuna itong palabas upang tingnan ang nangyayari sa labas. Nagsunuran naman ang mga naroon at dahil nakakulong si Jhez-Yael sa kulungang sinadyang gawin para sa kaharian ng Bilona ay hindi nito nagawang sumunod. Ngunit waring alam nito kung sino ang nasa labas.

"Miyela..." anas ni Jhez-Yael.

"Sino ka naman?" mabilis na tanong ng hari kay Miyela nang makalabas na sila.

Dahil sa kaguluhan ay napalabas din si Prinsipe Solomon na noo'y nagbabantay kay Polaya sa silid nito.

"Ipagpatawad ninyo kung ako'y nagpunta rito ng walang pahintulot. Nais ko lamang malaman kung narito ang aking kaibigan. Si Jhez-Yael. Nawawala siya kagabi pa," magalang naman ang pagkakasagot ni Miyela.

Nagkatinginan ang mga naroon. Ang hukom ang sumagot dito.

"Paano mo naman masasabing narito nga ang hinahanap mo?"

Hindi na nakapag isip nang mabuti si Miyela sa isinagot nito.

"Inutusan ko lang ang aking mga paa na dalhin ako kung nasaan ang aking kaibigan."

Naningkit ang mga mata ng hukom, "Niloloko mo ba kami babae?!"

Hindi agad nakasagot si Miyela dahil napagtanto rin niya na mali ang kaniyang isinagot.

"Paano kung sabihin naming wala rito ang hinahanap mo?" biglang sabi ni Reyna Laksana.

"Kaya mabuti pang umalis ka na dahil kung hindi ay isasama kita sa aking hukuman at parurusahan sa ginawa mong pagpasok nang walang pahintulot dito. Pero dahil may sapat na dahilan ka sa iyong pagpunta rito ay pinaaalis na kita. Wala rito ang hinahanap mo," pagtataboy kay Miyela ng hukom.

Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)Where stories live. Discover now