KABANATA SAMPU: Tuso Laban Sa Talino

432 19 0
                                    

MALAYO pa sina Miyela sa Morne ay tanaw na nila ang kumikislap na lugar ng Morne. Nang marating nila ito ay namangha si Miyela sa nakita.

"Napakaganda naman dito. Pawang gawa sa ginto ang lahat. Sa Garnaya ay mangilan-ngilan lamang ang gawa sa ginto kahit pa sila ang may pinakamaraming ginto. Dito maging ang kanilang sahig ay gawa sa ginto. Napakaganda," buong pagpupuring sambit ni Miyela.

Nang walang ano-ano'y sumulpot ang isang lalaki at nagsalita habang kay Miyela nakatingin. "Kasing ganda mo ang lugar na ito binibini."

Gandang-ganda ang lalaki kay Miyela at nang akma nitong kukunin ang kamay ni Miyela upang hagkan sana ay hinarang ito ng espada ni Jhez-Yael.

"Lumayo ka sa kaniya. Naparito lamang kami upang kumuha ng halamang gamot kaya't umalis ka sa daraanan namin," matapang na sabi ni Jhez-Yael.

Kasabay ng pag-usod ng lalaki upang bigyang daan sila ay tinitigan pa nito nang masama si Jhez-Yael. Nang marating ang kinaroroonan ng kanilang pinuno ay nagsalita si Miyela.

"Ipagpaumanhin ninyo ang aking paggambala sa kalagitnaan ng gabi. Nais kong kumuha ng halamang gamot at may dala kaming ginto para pamalit," magalang nitong sabi.

Nagtaas ng tingin si Pinunong Bak. Pinasadahan nito ng tingin si Miyela.

"Sampung piraso ng ginto ang katumbas ng isang tangkay ng halamang gamot. Ilang halamang gamot ba ang kaya ng dala mong ginto?" nananantiyang tanong ng pinuno.

"Isang daan at dalawampung ginto ang dala namin. Ibigay mo muna ang labindalawang tangkay at ibibigay ko sa 'yo ang mga ito," ani Miyela na iginiya ang hawak na tatlong supot.

Nagulat naman si Jhez-Yael sa sinabi ni Miyela at binulungan ito.

"Ano bang sinasabi mo. Animnapu lang ang gintong dala natin," kinakabahan nitong wika.

"Huwag kang maingay..." paanas na sagot ni Miyela.

"Tatlong supot? Hindi ba't ang kada supot ay dalawampu lamang ang laman? Ibig sabihin, animnapu lang ang dala mo. Nililinlang mo ba ako?!" galit na napatayo ang pinuno.

"Maghunos-dili ka, mahal na pinuno. Wala sa bokabularyo ko ang manlinlang kaya't magtiwala ka lang," kampanteng sabi ni Miyela.

Muling naupo ang pinuno at tumingin kay Kanlas.

"Ibigay ang labindalawang tangkay ng halamang gamot sa babaeng ito," utos ni Pinunong Bak.

Katulad nang dati ay agad sumunod si Kanlas. Agad itong kumuha ng halamang gamot at iniabot kay Miyela.

"Ang ginto?" matiim ang titig na sabi ng pinuno kay Miyela.

Kinabahan si Jhez-Yael kaya naman naghanda itong hawakan ang espadang nasa likod. Mukhang ano mang sandali ay mapapalaban sila sa pinaggagawa ni Miyela. Agad ibinuhos ni Miyela ang isang supot ng ginto sa harap ng pinuno at walang sabi-sabing hinati sa dalawa ang bawat isang ginto. Ganoon din ang ginawa nito sa dalawang supot pang natitira. Ang animnapung ginto ngayon ay isang daan at dalawampung ginto na. Ngiting-ngiti si Miyela habang nakatingin sa pinuno. Napanganga naman ang ibang naroon maging ang pinuno. Si Jhez-Yael naman ay pinipigil ang matawa nang makita ang reaksyon ng mga naroon sa kabila ng kabang nararamdaman niya.

"Ayan na ang isang daan at dalawampung ginto kapalit ng labindalawang tangkay, Pinunong Bak," maluwang ang pagkakangiti ni Miyela sa sinabing iyon.

Napatayo si Pinunong Bak at galit na galit.

"Niloloko mo ba ako, lapastangang nilalang!"

Agad sumagot si Miyela, "Mahal na pinuno, ang sabi mo sa akin kanina ay sampung piraso ng ginto kapalit ng isang tangkay," pinakadiin-diin nito ang salitang piraso at muling ngumiti bago nagpatuloy, "Hindi ba't ang piraso ay katulad din ng salitang pira-piraso? Ang sabi mo ay sampung piraso kada tangkay at hindi mo sinabing sampung buong ginto kada tangkay. Kaya naman dapat nga ay magpasalamat ka pa at isang hati lang ang ginawa ko sa bawat ginto. Maaari na ba kaming umalis, Pinunong Bak?" nang-uuyam nitong tanong.

"Lapastangan ka! Akala mo ba'y makakaalis ka pa rito!" galit na galit ang pinuno ng Morne.

KAHARIAN NG BILONA

Kasalukuyang naroon si Alona, ang manggagamot ng mga taga Bilona at Garnaya. Sinusubukan nitong pagalingin si Polaya subali't....

"Wala akong makitang ano mang sakit niya..." nagtatakang saad ni Alona.

"Kung ganoon ay bakit siya nagkakaganyan?" tanong ni Hari Abraham.

"Marahil ay dala nang matinding kalungkutan. Hindi kinaya ng puso't isipan niya ang lahat ng pinagdaanan niya," pagsasaad ni Alona.

"Kung ganoon ay ano ang maaari naming gawin?" tanong naman ni Reyna Laksana.

"Wala kayong ibang dapat gawin kundi iparamdam sa kaniya ang pagmamahal ninyo. Ipakita ninyong hindi siya nag-iisa at nandiyan lang kayo lagi para alalayan siya. Bigyan ninyo siya nang sapat na atensiyon upang muling magising ang puso niya," nakatitig kay Polaya na saad ni Alona.

Awang-awa si Reyna Laksana habang nakatingin kay Polaya. Tulala lamang ito at paminsan-minsan ay nakikita nila itong lumuluha.

Nang makabalik na sa kanilang silid ang reyna at hari ay nag-usap ang mga ito.


"Alam kong may suliranin ka pa sa iyong kapatid at nais mo siyang matulungan. Subali't nais kong ipaalala sa iyo ang obligasyon natin bilang hari at ikaw bilang reyna. Kailangan na nating umpisahan ang paghahanap sa nagtataglay ng sinag," umpisa ng hari.

"Paano kung wala tayong matagpuan?" nangangambang tanong ni Reyna Laksana.

"Si Zena. Siya ang hahalili sa iyo kapag wala talaga," mabilis na sagot ni Hari Abraham.

Ngumiti si Laksana.

"Nakasisigurado akong magiging mabuti siyang reyna," panatag ang kaloobang sabi ng reyna.

ISANG sampal mula kay Himena ang sumalubong kay Miyela nang umagang iyon. Nalaman kasi ni Himena na umalis siya sapagka't inabot nang umaga sina Miyela bago nakabalik.

"Kailan ka pa natutong sumuway sa akin, Miyela!" sigaw ni Himena rito.

Ni hindi nagawang ilingon ni Miyela ang mukha sa ina bago sumagot.

"Nais ko lamang makatulong, ina," pagkatapos ay iniabot nito ang labindalawang tangkay ng halamang gamot sa ina.

Hindi iyon inabot ng ina at tuluyan nitong tinalikuran si Miyela bilang pagpapahiwatig na galit pa rin ito. Ang kapatid na si Mido ang kumuha sa halamang gamot na nasa kamay ni Miyela.


"Miyela, huwag mo na lamang pansinin ang ginawa ni ina. Masyado lamang siyang nag-alala sa iyo," pang-aalo ni Mido sa kaniya.

"Nag-alala? Bakit ikaw na mas bata sa akin kahit mag-isa kang umalis hindi siya nagagalit? Ibig bang sabihin niyon hindi siya nag-aalala sa iyo?" may hinanakit sa tinig na wika ni Miyela kaya naman hindi nito sinasadyang masabi iyon sa kapatid.

Nang makabawi ay agad itong lumuhod sa harapan ni Mido at niyakap ito bilang paghingi ng dispensa. Naintindihan naman ni Mido ang nararamdaman ng kapatid kaya't gumanti rin ito ng yakap kay Miyela. Naaawa na lang na nakatingin si Jhez-Yael sa mga ito.

Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)Where stories live. Discover now