KABANATA SIYAM: Pagtalilis

475 19 0
                                    

SINILIP ni Miyela ang ina at nang matiyak na nahihimbing na rin ito sa pagtulog ay mabilis itong lumabas sa kanila. Nagtalukbong ito sa ulo upang hindi siya mapansin ng ibang mga taga tribu suhbar na nasa labas pa. Pero hindi nakaligtas sa paningin ni Jhez-Yael ang dalaga. Pasimple niya itong sinundan. Sa kanilang isang maluwang na taniman ng mga prutas tumigil si Miyela. Agad itong namitas at inilagay sa sisidlan na hawak nito. Doon na lumabas si Jhez-Yael.

"Anong pina-plano mo, Miyela?"

Nagulat man si Miyela ay sinagot niya pa rin si Jhez-Yael.

"Magtutungo ako sa Garnaya upang kumuha ng gintong maipamamalit sa mga taga Morne," mahina nitong sabi.

"Ano? Hindi ako tututol kung nais mong magtungo sa Garnaya sapagka't naiintindihan kong nais mong tumulong sa iyong pamilya. Subali't ang pagtungo mo sa Morne ang hindi ko mapapahintulutan," gulat na pahayag ni Jhez-Yael.

Tigas ang naging pag-iling ni Miyela.

"Hindi mo ako puwedeng diktahan, Jhez-Yael. Kaibigan kita kaya sana naman ay maintindihan mo ako," nakatitig kay Jhez-Yael na wika ni Miyela saka ito nagpatuloy sa paglalakad.


"Kung ganoon ay mas makabubuti kung isasama mo ako," sabi ni Jhez-Yael na nagpatigil kay Miyela.

Nilingon ni Miyela si Jhez-Yael at muling umiling.

"Hindi na kailangan, Jhez-Yael. Magpahinga ka na lamang upang makapag ipon ka pa ng lakas dahil tiyak na mahihirapan ka na naman sa ensayo natin bukas," ngiting-ngiti ito habang sinasabi iyon at alam ni Jhez-Yael na inaasar siya nito sapagka't ni minsan sa kanilang pag-e-ensayo ay hindi niya natatalo si Miyela.

Nang tumalikod si Miyela ay agad hinugot ni Jhez-Yael ang espadang nasa likuran nito at sumugod kay Miyela.

Mabilis naman ang naging pagkilos ni Miyela at nilabanan si Jhez-Yael. Dahil likas na maliksi si Miyela ay minsan pa nitong nasukol ang lalaki. Inikutan niya ito at pagkatapos mula sa likod ni Jhez-Yael ay hinawakan niya ang mga kamay ng lalaki at itinutok ang espada sa leeg nito. Natatawa si Miyela bago nagsalita.

"Huwag ka nang makulit, Jhez-Yael," anitong tuluyan ng napatawa bago dinugtungan ang sinasabi, "Huwag mo ng aksayahin ang oras ko sapagka't kailangan kong makabalik dito sa ating tribu bago pa magbukang-liwayway."

Pagkatapos ay pinakawalan niya ito ay magwikang muli, "Isa pa, sa susunod ay titiyakin mong hindi ko maririnig kahit kaunting kaluskos ng espada mo sa kaniyang kaluban," anito bago muling nagpatuloy sa paglalakad.

Pero bago pa man makalayo si Miyela, agad itong pinatid ni Jhez-Yael dahilan upang matumba ang babae. Agad itong nasalo ni Jhez-Yael bago matumba at marahang inilapit ang mukha nito kay Miyela. Pinamulahan naman ng mukha si Miyela sapagka't bigla nitong naramdaman ang bilis ng tibok ng puso niya.

Diyata't may iba siyang nararamdaman para sa binata?

"Isasama mo ako o ipapaalam ko sa iyong ina at ama ngayon mismo ang pag-alis mo?" mahinang bigkas ni Jhez-Yael habang titig na titig sa mga mata ni Miyela.

Amoy na amoy ni Miyela ang hininga nito dahil sa lapit nila sa isa't-isa. Napahigpit ang pagkakahawak niya sa kuwelyo ng kasuotan ni Jhez-Yael.

Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)Where stories live. Discover now