Chapter 25

135 25 0
                                    

            MAS lalo pang nilamon ng takot ang klase matapos basahin ni Mariel ang pinakahuling papel. Wala na silang ibang nakita pa kundi ang anino ng kamatayan at kadiliman dahil sa pananakot ng killer sa kanila. Pilit naman silang pinapakalma ni Mariel, subalit hindi siya nagtagumpay.

Gaya ng dati ay nagsisiiyakan ang karamihan. Walang ibang naririnig sa mansion kundi ang mga palahaw, hagulgol at mga hikbi. Syempre, may mga kani-kaniyang bintang na naman sila kung sino ang killer. Wala naman nang nagawa pa si Mariel kundi pabayaan mga kaklase niya. Kusa naman silang natahimik noong mapagod na sila.

Padilim na ngunit wala pa ring nagluluto ng hapunan nila. Nanatili silang nakaupo sa sala ng first floor. Ang iba ay nakayakap sa kani-kanilang mga kaibigan o kasintahan, at ang iba naman ay nakayakap lang sa sarili. Ayaw nilang maghiwa-hiwalay—natatakot sila na kapag humiwalay sila, maaari silang patayin na lang basta ng killer.

"Ako na ang magluluto," pagpe-presenta ni Mariel. Napatingin sa kaniya si Eliana, at sa paraan ng pagtingin niya ay parang tumututol ito sa gusto ni Mariel.

"Ikaw ang magluluto? Sila dapat ang magluto hindi ikaw," pagtutol ni Eliana, at hinawakan ang braso ni Mariel upang pigilan ito sa pagtayo.

"Natatakot sila, Eliana. Intindihin na lang natin sila. Sasamahan na lamang ako ni Leianne sa kusina. Magbantay ka na lamang dito," pagpapaliwanag ni Mariel at nginitian si Eliana.

"Ano na bang nangyayari sa'yo, Mariel? Bakit tila natitibag na iyang pader diyan sa puso mo?" tanong ni Eliana at umiling-iling.

"Hindi naman sa gano'n dahil gan'on pa rin naman ako. Pero tama sila, hindi ito makatutulong lalo na at nasa bingit na tayo ng kamatayan. Malay mo, mamaya, ako o ikaw na ang isunod ng killer. Kahit sa huling saglit lang ng buhay mo maging mabait ka naman," tugon ni Mariel kaya lumuwag ang pagkakahawak ni Eliana sa braso niya.

Nagtungo na sila ni Leianne sa kusina upang kumuha ng mga iluluto, at inumpisahan na nila ang kanilang gagawin. Si Leianne ang nagsasaing ng kanin habang si Mariel naman ay ipiniprito ang apat na latang meat loaf. Kulang man iyon ay paghahati-hatian na lamang nila upang may makain pa sila sa susunod.

Mabuti na lamang, kahit na gan'on ang pag-uugali ni Mariel, alam niya pa ring magluto. Kahit na buhay senyorita siya noon, alam pa rin niya ang kaniyang mga ginagawa.

"Ano na kaya ang susunod na plano ni Ma'am Kate?" tanong ni Leianne kaya napatingin sa kaniya si Mariel.

"Hindi ko rin alam kaya pupunta ako bukas nang umaga sa kanila para tanungin ang susunod na hakbang," tugon ni Mariel, at muling itinuon ang pansin sa kaniyang ipiniprito.

Mayamaya pa'y ibinaling niya ulit ang tingin kay Leianne. "Oo nga pala, 'di ba nakasagupa mo 'yong killer kanina? Hindi mo ba talaga nakita ang mukha niya?"

Napakunot naman ang noo ni Leianne. "Masyado siyang mabilis, tapos may suot pa siyang maskara. At sigurado rin akong 'yong lola niya ang nagtakip sa ilong ko ng panyong may pampatulog."

Lingid naman sa kaalaman ni Leianne, ang kasabwat ng killer ang nagtakip sa ilong niya. Hindi niya alam na isa rin sa mga kakaklase nila ay tumutulong sa killer. Hindi lang ang lola niya ang kalaban nila. Maging sina Ced at Ma'am Kate ay hindi alam iyon.

"Pero akala ko ba napahina na natin 'yong lola niya noong sinunog natin lahat ng mga kalansay at rebulto?" pagtataka naman ni Mariel. Nagkibit-balikat na lamang si Leianne at binuksan ang maliit na kaldero nang kumulo na ang sinasaing niya.

Pagkatapos ng kalahating oras ay natapos na sila sa paghahanda ng hapunan, kaya tinawag na nila ang mga kaklase nila. Bumaba na sila at kaniya-kaniya ng nagsandok ng pagkain. Tahimik lamang naman silang kumain at wala ni isang nagsalita.

✓Evil's Bloody RevengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon