KABANATA DALAWA: Ang Pagdiriwang

889 32 0
                                    

NAGDIWANG ang buong kaharian at napuno ng engkantado't engkantada at pariso't parisa ang bulwagan ng kaharian ng Bilona.

Nakatakda namang ihatid ng bagong hari at reyna sina Felipeo at Amaya sa labas upang hintayin ang hugis bilog na sasakyang pang himpapawid na siyang maghahatid sa mga ito sa puting kaharian. Matapos kumaway sa buong kaharian ng Bilona ang dating hari at reyna ay unti unti na silang naglaho sa himpapawid patunay na narating na ng mga ito ang Puting kaharian kung saan sila naman ang bagong Ado at Ada roon, ang magkakaloob ng sinag sa sinumang engkantada o parisa na papalit muling reyna sa Bilona.

Samantala, pagkabalik ng lahat sa loob ng kaharian ay namataan ni Reyna Polaya si Prinsipe Solomon sa tabi ng pinagkukuhanan ng alak habang umiinom. Nilinga muna ni Reyna Polaya ang kabiyak at nang makitang abala ito ay agad nilapitan ni Reyna Polaya si Prinsipe Solomon at pasimpleng kinausap.

"Ano't nagpalupig ka sa iyong kapatid?" simpleng pagtatanong nito.

"Nais mo ba talagang malaman Reyna Polaya?" nang-uuyam ang tinig ni Prinsipe Solomon kaya't medyo umasim ang mukha ni Reyna Polaya.

Lingid sa kanila ay nakamasid ang ina't ama ni Reyna Polaya na sina Adlino at Dana. Maging si Laksana ay nakamasid din sa di-kalayuan.

"Mula ngayon ay tapos na ang ating ugnayan, Prinsipe Solomon. Manatili na lamang sanang lihim ang naging relasyon natin," pigil ang inis na sabi ni Reyna Polaya.

Pagkasabi niyon ay akmang tatalikod na si Reyna Polaya nang magsalita si Prinsipe Solomon. "Alam mo bang sinadya kong magpagapi sa aking kapatid, Reyna Polaya?" nakangiting sambit nito.

"Anong ibig mong sabihin, Prinsipe Solomon?" nagtaas ng kilay na tanong ni Reyna Polaya.

Sumimsim muna ng alak si Prinsipe Solomon sa kopitang hawak nito bago sinagot si Reyna Polaya.

"Sinadya kong magpatalo sa aking kapatid upang siya ang iyong maging kabiyak. Hindi ba pumasok sa isipan mo, Reyna Polaya, na malalaman din ng aking kapatid na hindi ka na malinis sa sandaling magtabi na kayo? At iyon nga ang nais kong mangyari. Ang malaman niya ang totoo. Sa sandaling malaman niya iyon, aamin ako sa nagawa natin at ipatatapon tayo sa yungib ng mga makasalanan. Ang lugar na hindi mo pinapangarap na tuntungan, mahal na Reyna," ngumisi ng nakakaloko si Prinsipe Solomon at sasagutin pa sana ito ni Reyna Polaya nang marinig niya ang tinig ng kaniyang kabiyak sa likuran.

"Aking reyna at aking kapatid, narito pala kayo," si Haring Abraham na nakalapit na nang tuluyan sa kanila.

"Oo, mahal kong hari. Nabanggit ko lang kay Prinsipe Solomon n-na magiging mabuting prinsipe naman siya rito sa ating kaharian," medyo kinakabahang sagot ni Reyna Polaya.

"Oo naman, Reyna Polaya. Binabati rin kita mahal kong kapatid at hangad ko na maging maligaya kayo at nawa'y tumagal ang inyong pagsasama," makahulugan namang sagot ni Prinsipe Solomon.

Natapos ang pagdiriwang na mapayapa. Nagtungo na sa kanilang silid ang magkabiyak. Doon ay pinagsaluhan nila ang tagumpay na nakamit nila. Alangan man si Polaya, umaasa siyang hindi mahahalata ni Haring Abraham na hindi siya ang una sapagka't sinadya niya na maparami ang ininom ng hari na alak kanina sa pagdiriwang.

Natapos ang magdamag.

Nguni't wala ni isa siyang narinig kay Haring Abraham.

Tale Of The Crowned Queens (High Fantasy - PiP Collaboration Series)Where stories live. Discover now