Ang Istorya Nating Dalawa.

Simulan natin sa pinakauna
hindi sa gitna
hindi sa dulo
kundi sa simula.
Sa simula ng istorya nating dalawa.

Nagsimula ang lahat sa isang pagbati,
pagbati na nagdulot ng kasiyahan sa pusong sawi.
Hi at hello ang iyong sinambit
ngunit ito'y aking isinantabi,
dahil sa takot na aking nadama na
ako'y masaktan muli

Ngunit patuloy mo akong sinusuyo
samantalang palagi kitang itinutulak palayo.
Patuloy kang nagtyatyaga
upang ika'y bigyan ko ng halaga.
Patuloy kang nag-aantay
sa araw na puso ko sayo'y ibibigay

Noong una'y ayaw ko, sabi ko huwag na muna.
Na kung tatanungin ako, aayaw at aayaw ako
hanggang sa puntong kaya ko pa.
Dalawang bagay ang aking naramdaman,
at ito ay ang takot at pangangamba
noong napagtanto ko na ang tadhana pala ang may sala.
Na ito pala ang gumagawa ng paraan.
Paraan upang makilala ka nang lubusan,
paraan upang magkaroon ng nararamdaman
para sayo na tapat at totoo.

Hindi nagtagal ay naging tayo.
Hindi ba't ang sarap sa pakiramdam na
ikaw, na aking mahal, ay mahal din ako.
Na sa dinamirami ng taong iyong pwedeng mahalin
ay ako ang napili ng puso mo.


Ngunit nakalipas ang ilang buwan,
bigla ka nalang nagbago at nanlamig.
Sa tuwing ika'y tatanungin ng kung anong problema,
ang tanging sagot mo lang ay "wala".

"Wala" na salitang binubuo ng apat na letra
Ngunit napakaraminmg pwedeng maging dahilan.
Wala, dahil pagod ka na.
Wala, dahil ayaw mo na.
Wala, dahil pasuko ka na.
O, wala dahil may iba ka na.
Na dating ako ang dahilan ng iyong mga ngiti,
Ngunit ngayon ay siya na.

Sa pagkakataon na ito ay masasabi kong tama nga.
Tamang nasaktan nanaman ako.
Tamang nangyari ang kinakatakunan ko na ako'y masaktan at mapaglaruan.
Masyado akong natakot,
na umabot ako sa puntong nakalimutan ko na,
nasasaktan ka rin pala,
napapagod ka rin pala,
at nagsasawa ka rin pala.

Mahal, nais kong sabihin sa iyo na
mahal kita, ngunit tama na.
Mahal kita, ngunit nais kong itigil nalang natin 'to.
Mahal kita, ngunit hindi na ako ang nasa puso mo.
Mahal kita kahit hindi na ako.
Mahal kita kahit may iba ka na.
Nais 'man kitang mahalin kahit mula sa malayo,
ngunit alam kong sobra na.
Kaya mahal, hanggang dito nalang.
Mahal, ito na ang wakas.
Ito na ang hangganan.
Dito na nagtatapos ang istorya nating dalawa.
Mahal, paalam.

spilled ink [compilation]Where stories live. Discover now