Chapter 7 ♬ What was that all about?

Magsimula sa umpisa
                                    

"Hay Serene, huwag mong sabihin 'yan. Maganda ka naman, mabait na bata at mabuting tao."

"Kung gano'n nga ako ate, bakit niya ako iniwan?" Parang gusto ko biglang mang-away. Naiinis ako sa sarili ko dahil hanggang ngayon naaapektuhan pa rin ako sa tuwing naaalala ko siya.

Alam ni ate ang tungkol sa nakaraan ko kaya wala na akong kailangang itago sa kanya. Ibinaba niya ang sandok na hawak at bumuntong hininga ng napakalalim. Malungkot niya akong hinarap na tila ba nararamdaman niya rin ang sakit na nararamdaman ko. "Serene hija, baka hindi lang talaga siya para sa'yo kaya gano'n. Maghintay ka lang, darating din ang tamang tao para sa'yo."

"Kung hindi siya para sa akin, bakit hinayaan pa ng Diyos na makilala ko siya? Bakit kailangan ko pang masaktan?"

"Kailangan mong masaktan dahil kailangan mong matuto. Siguro isa siyang karma sa buhay mo na kailangan mong ayusin. Laging mong tatandaan na lahat ng nangyayari sa'yo at sa paligid mo ay may dahilan. Huwag kang panghinaan ng loob, pagsubok lang lahat ng 'yan."

"Sa tingin mo ate... may magmamahal pa kaya sa akin?" Wala sa sarili kong tanong sa kanya. Ayoko magmukhang mahina sa kanya o kahit pa sa kaninong tao kaya nahihiya ako na iyon pa ang sinabi ko. Tumayo ako ng maayos at ipinagpatuloy ang pagkain ko ng mansanas. "Ay, ate hayaan mo na nga 'yung tanong ko. Sige aalis na po ako baka hinihintay na ako ni Manong Raul—" hinawakan niya ang kamay ko at ngumiti sa akin.

"May taong darating na magmamahal sa'yo, 'yung mamahalin ka ng higit pa sa inaasahan mo. 'Yun ang nakikita ko."

Natawa ako ng konti. "Ate hindi ko alam na manghuhula ka na pala ngayon?" biro ko pa pero mukha siyang seryoso.

"You'll see. Maghintay ka lang." Ngumiti siya ng konti at saka ipinagpatuloy ang pagluluto.

Natahimik ako roon. Talaga bang si Ate Desi ang kausap ko ngayon? Nakakapanibago naman.

Bumalik ang masigla niyang aura at may itinuro sa akin na isang paper bag. "Napaghanda na kita ng baon mo. Huwag mong kalimutang kumain ah. Alagaan mo ang sarili mo."

Nagkibit-balikat na lang ako sa sarili at saka nagpaalam sa kanya na aalis na ako. Pagkalabas ay nakita ko kaagad si Manong Raul na naghihintay roon sa tabi ng kotse. 'Di tulad ng ibang pribadong drayber ay hindi naka-uniporme si Manong Raul. Nakasuot lamang siya ng plain blue t-shirt na may nakasulat na 'Iba na talaga pag pogi!' at isang simpleng maong na salawal at tsinelas. Ayokong pinag-uuniporme sila ni Ate Desi. Gusto ko 'yung simple lang. Gusto ko 'yung kaswal. Gusto ko 'yung normal lang—even I knew that my life was nothing but normal.

"Good morning po manong!" masaya kong bati sa kanya. Pinagbuksan niya ako ng pinto ng kotse sa likod na siya namang ipinagpasalamat ko.

"Magandang umaga rin sa'yo Serene. Maaga ka ngayon ah." Nakakatuwa naman. Buti na lang Serene na ang tawag niya sa akin. Minsan kasi 'ma'am' pa rin kaya sa tuwing ganu'n na ang naririnig ko, tinitingnan ko lang siya tapos tinatama niya na lang agad.

"Sinusubukan ko pong magbagong buhay. Sana po mapanindigan ko ang pagpasok ng maaga magmula ngayon."

"Aba, kaya mo 'yan. Ikaw pa!"

"Naks naman manong, kaya mahal ko kayo eh!" Binuksan ni manong ang radyo, sakto naman na 'yung paborito niyang lumang kanta ang tumugtog kaya nakisabay na siya roon at hindi na rin ako nagpahuli. Nag-duet kaming dalawa, full of emotions. Hanggang sa umabot sa mataas na parte at sobrang sinubukan talaga ni manong na abutin 'yun. Panay ang tawanan namin noong bigla siyang maubo. Tapos nagkwentuhan pa kami saglit at ipinagpatuloy ang kantahan na may kasamang sayaw noong masayang kanta ang tumutugtog sa radyo. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit isa siya sa pinaka 'the best' na drayber sa buong mundo!

Listen To My SongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon