Chapter 2 ♬ Welcome to the Band

Magsimula sa umpisa
                                    

"Hanggang kailan naman po kaya 'to?"

"Usually, isang linggo lang naman. Pero kapag nagustuhan ka ng teacher na sasamahan mo, pwedeng higit pa roon ang oras na maibibigay sa'yo. Gayunpaman, kapag nagkaroon ng problema at biglang nagbago ang isip mo at ayaw mo nang ituloy, you can talk to me right away. Pwede natin itong pag-usapan para maisaayos."

Ilang beses akong napatangu-tango habang binibigyan ko ng kunsiderasyon ang lahat ng impormasyong nakalap ko. Ngunit matapos din ang ilang sandali, pumayag na rin ako.

Tinalakay ni Mr. Alcantara sa akin ang lahat ng kailangang gawin. At dahil ako raw ang nauna, maluwalhati niya akong tinanggap na animo'y isa akong anghel na nahulog mula sa langit.

Noong dumating ang panibagong pagsikat ng araw, gano'n pa rin ang aking daily routine. Eat and run pagkatapos pasok! Sa klase namin wala pa ring pinagbago. Nakakabagot pa rin. Siguro hindi lang iyon dahil sa teacher namin na may sariling mundo kapag nagtuturo, kundi dahil din sa amin na mga estudyante niya na walang kagana-gana pagdating sa pag-aaral.

"Rene, may lakad ka ba mamaya? Tara, gala tayo mamayang uwian!" anyaya sa akin ni Abigail. Rene ang madalas niyang itawag sa akin para raw short-cut ng pangalan ko. Ito rin ang tawag sa akin ng mga kaibigan ko noong nasa Canada pa ako.

Ako naman sa ikalawang banda ay tinatawag siyang Abby. May kanya-kanya kasi kaming pet name sa isa't isa. Isang bagay na sa tingin ko naman ay normal na lamang sa panahon ngayon lalo na sa magkakaibigan.

"Naku Abby, pass muna ako riyan. May pupuntahan pa ako mamaya."

Hindi man niya sabihin pero sigurado naman ako na ang 'gala' na tinutukoy niya ay ang pagpunta sa mall para magboy-hunting. Buti na lang may volunteer work akong gagawin kundi baka wala akong ibang gagawin sa mga susunod na oras kundi panoorin at pakinggan si Abby na tumili at kiligin sa bawat cute na lalaking makikita namin sa mall.

Isa itong delubyo kapag nagkataon. Maniwala kayo sa akin.

"At saan naman iyon aber?" Tinaasan niya ako ng kilay. Parang ayaw niyang maniwala sa sinasabi ko.

"May volunteer work ako ngayong hapon dito sa school."

"Naks naman sumisipag ah! Parang kailan lang na pa-chill-chill ka lang sa life." Todo tudyo niya. Gayunman, agad ding bumalik ang mapanuri nyang mga mata. "Pero saan naman 'yon?"

"Hindi ko rin alam eh. Malalaman ko pa lang mamaya." Kibit-balikat kong sagot. Wala talaga akong alam kahit anong pilit pa ang gawin niya sa akin. Akala niya siguro gumagawa lang ako ng kwento para huwag sumama sa kanya. Pero totoo naman na may volunteer work ako kaya hindi ko kailangang magsinungaling.

Sinimangutan na lamang niya ako noong hindi niya ako napilit. Marami pa siyang ginawa para makumbinsi ako ngunit lahat ng iyon ay nauwi sa pagkadismaya. Hanggang sa nagpaalam na rin kami sa isa't isa at sinabing magkita na lang kami bukas. Pagkatunog ng bell na hudyat para sa uwian, dumiretso na ako sa office para malaman kung saang departamento ako mailalagay.

Binati ko agad si Mr. Alacantara pagkapasok ko sa loob ng opisina niya.

"Glad to see you again Ms. Lopez! Handa ka na ba? Ihahatid na kita sa department na i-a-assign namin sa'yo."

Pagdating namin sa isang kwarto, may kinausap si Mr. Alcantara bago ipinakilala sa akin. Si Mr. Valdez, Head ng Music Department. Pagkatapos ng maikling batian at pakikipagkilala sa isa't isa, umalis na agad si Mr. Alcantara.

"Good luck hija," sambit pa niya bago ako tuluyang iwan kasama si Mr. Valdez na kakikilala ko pa lamang. Muling kinuha ni Mr. Valdez ang atensyon ko matapos ang ilang pekeng pag-ubo. Napakamot na lamang ako sa ulo na may kabadong ngiti dahil sa kawalan ko ng focus.

Listen To My SongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon