C-1

7.4K 131 1
                                    

©hapter uno

~KRISTINE~

Papunta sana si Kristine sa sala ngunit nahinto ang kanyang paghakbang nang matanaw ang kanyang kapatid na kahalikan ang nobyo nitong si Nicco. Umatras siya, bahagyang napayuko, may kung anong kirot na nadama sa dibdib.

Mas matanda siya kay Kresha. Dalawa lamang silang magkapatid. Tatlong taon siya ng isinilang ito.

Mabuti na rin at hindi na sila na dagdagan sapagkat hindi naman sila isinilang na maginhawa ang buhay.

Ilang buwan nang nakabalik sa Pilipinas si Kresha. Galing ito sa Japan at doon ay nagtrabaho sa isang hotel bilang guest relations officer. Ito lamang sa kanilang pamilya ang nakapagtapos ng kolehiyo.

Iginapang sila sa pag-aaral ng kanilang mga magulang at noong mabuntis siya sa ikalawang semester ng unang taon niya sa kolehiyo, ang pangarap niyang makapagtapos ay tuluyan ng nawala sa kanya.

Pumanaw na ang kanyang inay limang taon na ang nakalipas. Ang kanyang ama na lamang ang kasama niya sa bahay na iyon at ang kanyang anak na sampung taong gulang na. Ngayon dumating na si Kresha, nadagdagan na sila ng isa.

Kulang ang sabing iginapang niya ang kanyang anak at ama sa araw-araw. Matanda na ang kanilang ama. Marami na itong sakit at palaging kailangan ng gamot.

Laking pasasalamat na lamang niya at si Joey, ang kanyang anak, ay malusog, matalino, at mahilig sa pag-aaral.

Lahat ng pangarap niyang hindi natupad ay inilalaan na lamang niya rito. Alam niya, siya na lamang ang magtataguyod dito.

Noon, binigyan siya ng ilang libo ng kanyang nobyo upang ipalaglag ang bata sa kanyang sinapupunan. Pagkatapos niyon ay hindi na niya ito nakita.

Maaga niyang naunawaan ang kanyang pagkakamali. Wala siyang ibang dahilan kung bakit siya nabuntis kundi mapusok siya.

Nagkamali siya at ngayon ay nagpipilit buhayin ang kanyang anak, sarili, at ama sa paggawa ng mga kakanin na ibibenta niya sa canteen ng mga eskwelahan. Negosyo iyon ng kanyang ina noong nabubuhay pa ito.

Kung may sama siya ng loob kay Kresha iyon ay ang kulang na tulong pampinansiyal na ibinibigay nito sa kanilang ama. Dalawang pagkakataon pa lamang itong nag-abot ng pera sa kanya mula pa noong nagsimula itong magtrabaho.

Nang mag-abroad ito ay kinailangan nilang ibenta ang dating bahay nila. Ang sabi nito ay bibilhan sila nito ng bagong bahay kapag nagtrabaho na ito. Hanggang ngayon, hinihintay pa rin niya ang bahay na ipinangako nito.

Mahirap ang buwan-buwan siyang namomroblem sa pambayad sa upa nila.

Hindi sila kailanman naging malapit na magkapatid. May pakiramdam siyang naiisip nitong isinilang ito ng mga maling magulang. Bata pa lamang ito, kinakitaan na niya ito ng mataas na ambisyon. Sumasagut-sagot din ito sa kanilang mga magulang. Kung magsalita ito, minsan ay halata niyang mataas ang tingin nito sa sarili.

Ngunit sabihin pang ganoon ang ugali nito ay proud siya rito. Ito ang paborito ng kanilang ama mula nang siya ay mabuntis. Lahat ng atensiyong nakuha niya sa kanyang ama ay nabaling dito. Itinuring siya ng kanyang amang malaking kabiguan nito. Hindi naman niya ito masisi.

At kahit na ano ang gawin niya, hindi na niya kailanman maibabalik ang lahat.

Marami siyang pagsisisi sa buhay ngunit hindi na niya hinahayaan iyon na makaapekto sa kanya. Ang mahalaga ngayon ay maitaguyod niya ang anak niya, ang pamilyang iyon.

Kristine "Ang Batang Ina"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon