17

316 14 0
                                    

Totoong Ako

Buong araw ay walang ipinagawa sa akin si Sophia kundi ang magmasid habang sila ni Galleo ay nagdi-date. Nakakabagot nga iyon lalo pa't para lamang akong naging chaperone nila, ng palihim. O mas malala'y stalker. Isa lang ang nabatid ko, nagkakamabutihan na silang dalawa. Hindi ko talaga maintindihan ang plano ni Sophia? Bakit niya naman nilalandi ang isang werewolf? Gusto niya rin bang maging werewolf?

Binisita rin namin si Achea, ngunit kapag kinakausap namin siya ay hindi siya umiimik. Pansin kong medyo pumayat at tumamlay siya. Mas lalo tuloy akong nagi-guilty sa kapabayaang ginawa ko, kahit na ba sinasabi ng instinct ko na nararapat lang sa kanya iyon dahil siya ang sa tingin kong werewolf. Ang sama ng instinct ko.

Naihatid ko na si Sophia sa condo niya, may mga dinaldal na naman siyang ebidensiya sa akin ukol kay Galleo pero paulit-ulit lang. Puro na lang ako tango, hihintayin ko na lang kung kailan niya makukuhaan ng dugo si Galleo at nang mapatunayan na talaga.

Matapos ko siyang ihatid, ay tinahak ko na ang daan papunta sa headquarters namin kasi mag-uusap pa kami ng boss ko. Wala ng masiyadong dumadaang mga sasakyan ngayon dahil gabi na, masiyado ring madilim dahil sa walang mga street lights sa dinaraanan ko at natatabunan ng mga ulap ang liwanag ng buwan.

Pagkarating ko ay dumiretso na ako sa silid ni boss at akmang kumatok. Pero bago ko pa gawin iyon ay nagbukas na ang pinto. Sabagay, inaasahan niya namang darating ako.

"Kamusta Clark?" Bati niya kaagad sa akin, kung makakamusta siya ay para bang hindi kami nagkita kanina lang. Napatango na lang ako bilang tugon sabay umupo ako sa kulay itim na sofa na nasa kanang bahagi ng desk niya, siya nama'y nakatayo pa ring nakahawak sa kanyang bulsa. Hindi ko siya ininda at isinandal ko ang aking katawan at pumikit. Napagod ako sa kakamasid ng walang kwentang ligawan.

"Sigurado kang ayos ka lang? Wala bang mga katanungang bumabagabag sa iyo?" Napaisip ako sa mga sinabi niyang iyon. Marahil may nais siyang iparating at siguro ay tungkol iyon sa instinct ko o kaya naman sa issue ng mga magulang ko.

"Kahit naman idulog ko sa iyo ay hindi mo naman sasagutin, hindi ba?" Paninigurado ko, pero kung makakapagbigay man siya ng karagdagang impormasyon ay ikasasaya ko, subalit hindi ako aasa. Ilang taon na niyang ipinalimot sa akin ang bagay na iyon.

"May naikuwento sa akin si Sophia, tungkol sa hinala niyang dahilan ng pagkapatay ng iyong mga magulang." Napamulat ako sa sinabi niyang iyon, saktong nagtama kagad ang mga mata namin habang kasalukuyan siyang nakaupo ngayon sa kanyang desk. Tiningnan ko siya ng puno ng pagdududa, may sasabihin na kaya siya ngayon ukol doon?

"Tama ang kanyang hinala. Na napatay sila ng mga werewolf, at kasapi rin sila dati ng organisasyon natin."

"Bakit ngayon mo lang sa akin ito sinabi?" Napaupo ako ng maayos habang seryosong nakatingin sa kanya.

"Dahil, hindi ka naman maniniwala kapag sinabi kong pinatay siya ng werewolf hindi ba? Baka isipin mo pang nababaliw ako." Nakangisi niyang wika, "Kaya ba ngayon, ang naisip mong tamang panahon para sabihin sa akin ito dahil sa naniniwala na akong totoo ang mga werewolf?"

"Oo, pupuwede. Pero hindi lang iyon ang dahilan."

"E ano pa?"

"Para mas mapabugso ang iyong damdaming kitilin ang natitirang taong-lobo na iyon, at mabuhay ang dugong assassin na alam kong nananalaytay sa iyo." Dugong assassin? Pero... detective agent ako.

"Sinasabi mo bang..."

"Tumpak." Napatayo siya at napalapit sa akin, mula rito ay nakita ko ang kanyang namumuti ng buhok dahil sa katandaan na rin niya ngunit malaki pa rin ang kanyang katawan dahil sa siya ang dating magiting na detective agent na napalitan ko.

"Ang totoo'y assassins ang mga magulang mo, kaya nga sila ang pumuksa sa mga taong-lobo noon at hindi ang mga detective agents na tulad namin." Ibigsabihin ba nito'y, isa rin dapat akong assassin? Hindi ito ang totoong ako?

"Pero bakit ako naging detective agent? Dahil ba sa kagustuhan mo?" Medyo may pait ang pagkasabi ko noon. Pakiramdam ko kasi'y ipinagkait sa akin ang tunay kong pagkatao, hindi sa nagsisisi akong naging detective ako at gusto kong maging assassin. Kung hindi dahil sa mga impormasyong nakakalap ko ngayon tungkol sa mga magulang ko, sa nakaraan ko, sa dapat totoong ako. Napapaisip tuloy ako na, kung buhay pa sila ay paniguradong sa assassins department ako nakatalaga ngayon.

Tumango siya, napakuyom ako ng aking kamay. C-in-ontrol niya ako mula pa no'ng bata pa ako, gusto ko siyang kondenahin ngunit... hindi ko siya maaring masisi. Pinalaki naman niya ako ng maayos, ginusto ko naman ang posisyong kinatatayuan ko ngayon, at dahil na rin siguro hindi siya nabibiyayaan ng anak kaya ako ang tinuri niya ng anak at sinunod niya sa kanyang yapak. Ang tanging kinaiinis ko lang ay ang pagtatago niya sa akin ng lahat ng ito.

"Hindi naman kita pipiliin sa misyong ito, kundi dahil sa alam kong puwede ka ring magaling na assassin! Hindi mo pa nga lamang ito natutuklasan, subalit sa tingin ko'y ito na ang tamang panahon..." hinawakan niya ang aking balikat,

"Para matuto na rin akong pumatay?" Tumango-tango siya. Pumiglas ako sa pagkakahawak nia at saka ako napatayo para umalis, tinanong niya pa ako kung saan ako pupunta ngunit iba ang sinagot ko.

Siguro ang mga magulang ko ay kayang gawin iyon, malamang, sabi nga ni Sophia ay para sa mga assassins ay masaya ang pumatay. Ngunit ako na pinalaking isang detective agent.

"Hindi ko magagawang pumatay."

Kahit halimaw pa 'yan, kahit na karapatdapat silang patayin, talagang labag ito sa aking kalooban. Pero ipinapangako ko, sa mga yumao kong mga magulang, na ipaghihiganti ko sila sa paraang makakaya ko.

:;:;

The Last LycanthropeWhere stories live. Discover now