15

372 12 0
                                    

Nililinlang

Sa una'y trabaho lang sa akin ito, na dapat tapusin. Pero ngayon, isa na itong hindi ko inaakalang katotohanan na bubugso sa aking damdamin para maghiganti. Hindi ko rin malaman kung bakit ko hinayaang tuklasin ni Sophia ang aking buhay, nais ko rin itong ipagdamot sa kanya dahil sa ni siya ay kakarampot lang ang binabahaging impormasyon ukol sa kanya. Nananatili siyang misteryosa sa akin pero sa tingin ko'y ganoon talaga ang mga nasa organisasyon namin. Trabaho ay trabaho, walang personalan. Pero sa puntong ito ay mukhang nahaluan na.

Tama rin ang desisyon kong ipahalungkat kay Sophia ang nakaraan ko, dahil sa nakatulong siya kahit papaanong masagot ang mga katanungang naibaon ko na halos sa limot.

Parehas na kaming may layunin ngayong makapaghiganti at ngayon ay mas pursigido akong malaman kung sino ang taong-lobo na iyon.

Naandito na kami ngayon sa loob ng room ni Achea, mabuti na nga lang at nadaan ang manager niya sa pakiusapan para makadalaw kami.

"Achea, ayos na ba ang pakiramdam mo?" Bungad agad na tanong ni Sophia, kung kanina'y nakatanaw siya sa binatana ngayo'y nabaling na sa amin ang kanyang atensyon. Namumutla pa rin siya, mukhang hindi pa siya magaling. Ni hindi siya nakangiti, ngunit nananatali ang kanyang kagandahan kahit na wala siyang make-up ngayon.

Napalayo ako ng tingin nang matamaan ng mata ko ang mata ni Achea na masamang-masama ang tingin. Bakit ganoon? Sa akin lang siya galit? Partner ko rin naman sa misyong ito si Sophia a?

"Hindi pa gaano, hindi ko pa maigalaw ng maayos ang aking mga binti." Tugon niya nang hindi nakangiti o nakabusangot. Wala siyang ekspresyon, na para bang naging manhid siya. Sigurado akong sinisisi na ako nito sa loob-loob niya, pero bakit naman niya ako sisisihin? Siya ang may kagustuhan ng lahat nang nangyari!

"Huwag mo na uuliting tumalon sa gusali." Paalala ni Sophia, napakagat lamang si Achea sa kanyang labi. Siguro ay iniisip niyang, namatay na lang sana siya ngayon.

"Dapat ay namatay na ako." Gaya nga ng naisip ko, "O kaya patayin niyo na ako ngayon, hindi ba't iyon naman ang pinunta niyo dito? Ang patayin ang huling taong-lobo?" Hindi pa rin siya nakatingin sa amin at nakatanaw lang muli siya sa bintana.

Heto na naman at naguguluhan ako, nagsasabi ba talaga siya ng totoo? Kung hindi ay bakit naman niya gugustuhing magpanggap na werewolf at mapatay?

"Hindi ikaw ang werewolf Achea, kung ikaw man ay hindi ka magpapangahas na umamin sa amin." Tutol ni Sophia ngunit tinutulan din ito ni Achea,

"Umaamin na nga ako bakit hindi niyo pa ako patayin? Ano pa bang patunay ang gusto niyo?" Napasigaw na lang bigla si Achea, ngunit imbes na si Sophia ang tuunan niya ng tingin ay ako ang napagtuunan niya. Ramdam ba niyang naniniwala ako sa kanya at si Sophia nama'y hindi? Mas lalo lang akong naguguluhan, gayong parehas silang may malaking punto.

Dahil sa hindi ko alam ang sasabihin ko ay bigla ko na lang kinuha ang litrato sa aking bulsa at iniharap ito kay Achea, napatigil siya sa ginawa kong iyon at ang kaninang matapang niyang mukha ay napalitan ng pagkagimbal, at lumuwag rin ang kaninang nakakuyom niyang kamay.

"Paano napunta sa iyo 'yan? Nabawi ko na ang libro." Siya pala ang bumawi sa libro, marahil ay may inutusan siya. Pero, 'yon ang akala niya, hindi niya alam na naiwan ito.

"Hindi ikaw ang taong-lobo. Fiorell ang apelyido mo at hindi Mclare." Sa pagkakataong ito ay ako naman ang kumausap kay Achea at nanahimik naman si Sophia.

"Nababaliw ka na ba?" Napataas ako ng kilay nang bigla naman siyang mapangisi ngayon. Mukhang siya ang nababaliw?

"Anong batayan mo para sabihing hindi ako taong-lobo dahil Fiorell ang apelyido ko at hindi Mclare? At sinasabi mo bang ang nasa litratong iyan ay ang mga taong-lobo? Ano ang patunay mo?" Lalo siyang napangisi, 'yung ngising mala-demonyo na. 'Yung ngising madalas ring gawin ni Sophia.

At may punto rin siya, ano nga ba ang naging batayan ko?

"Malakas ang aking kutob. At sa tingin ko'y tama ang aking instinct." Napatawa siya ng malakas sa tugon ko, kinilabutan ako sa tawa niyang iyon. Para na siyang nababaliw na ewan. Kanina lang gusto niyang mamatay at ang tapang niya, tapos biglang nagulat, at ngayo'y sobrang saya?

"Kutob? Sa tingin mo? Instinct? Nagpapatawa ka ba?" Hindi pa rin nawawala ang tawa niya, napatingin ako kay Sophia na nakayuko na lang ngayon. Bakit hindi ako tinutulungan ng partner ko sa sitwasyong ito ngayon? Siya ang nagdala sa amin dito a?

"Sinasabi mong napapatunayan ng kutob o instinct mo lahat ng bagay? Nahihibang ka na ata, kuya Clark. Hindi ba't ang mga detective ay saka lang nalalamang tunay ang isang bagay kung may mga sapat na matitibay itong ebidensiya? Iba ka ba sa kanila?" Napaurong ang dila ko sa sinabi niyang iyon, tama ang sinabi niya. Masiyado akong nagpadala sa kutob o emosyon ko at tumalon sa konklusyong ito na wala man lang mga patunay. Isa nga lang itong litrato e, pero kakaiba lang talaga ang kutob ko nang makita at mabasa ko ang nakasulat sa litratong ito. Pero gaya nga ng sabi ni Achea, wala akong sapat na ebidensiya.

kung ganoon, sino ang mga nasa litratong ito at... "Ikaw na ba talaga ang tunay na huling werewolf?" tanong ko at sana sa pagkakataong ito ay maliwanagan na. Sasagot na sana si Achea nang biglang sumabad ang nanahimik na si Sophia, "Hindi!" Mariing tutol niya, nagduda ako sa inakto niyang iyon, pero bago pa ako makapagtanong ay hinigit na lang niya ako palabas. Medyo masakit ang pagdiin ng kanyang mga mahahabang kuko nang higitin niya ako, kaya napapiglas ako.

"Bakit mo ba dinidepensahan si Achea? Umaamin na siya. Hindi ba't mas napapadali na nga ang kasong ito?"

"Clark, sinabi ko na sa iyo ito! Hindi porket may umamin, maniniwala ka na. Maaring nililinlang lang tayo nito." Paliwanag niya sabay hinarap ako, "At bakit naman tayo lilinlangin ni Achea? Ano ang kanyang dahilan?"

"Ewan ko? Pero ang tanging alam ko, hindi papahuli ng ganoon lang ang mga werewolf." Sa pagdi-depensa niya kay Achea ay unti-unti kong nakukuha ang ideyang gusto niyang ipahiwatig sa akin.

"Si Galleo ba?" Hindi siya umimik, senyales na oo ang kanyang sagot.

:;:;

The Last LycanthropeWhere stories live. Discover now