"Bakit mo ako hinayaang mamatay?! Bakit?! Pinatay mo na ang asawa ko, pati ako pinatay mo rin! Dapat kang mamatay!" anito na puno ng pangigigil.

Nag-angat ito ng mga kamay at inilapat ang mga iyon sa leeg ni Alex. Sa pagkakataong iyon, tuluyan ng nakagalaw si Alex dahil sa humihigpit na pagkakahawak sa kanyang leeg. Hindi siya makahinga! Para siyang kakapusin dahil sa pag-ipit sa daluyan ng hangin.

Pilit siyang kumakawala pero higit na mas malakas ang kanyang Tiya Jennifer. Buong pwersa siya nito isinasandal sa pader.

"T-Tama na po! H-Hindi ko po kasalanan ang pagkamatay niyo! P-Patawarin niyo po ako!" pagmamakaawa niya. Pero tila yata'y bingi ang kanyang Tiya Jennifer, patuloy lang ito sa ginagawa, humigpit nang humihigpit hanggang sa mamula na ang buong mukha ni Alex.

Alam ni Alex na anumang oras ay papanawan na siya ng ulirat. Hindi na niya kaya pang huminga. Ramdam niya ang mga kuko ng kanyang Tiya na dumaragdag pa sa kanyang pasakit. Bumabaon ang mga iyon upang magdugo ang parte ng kanyang leeg.

"T-Tama na po!" pagsusumamo niya. Napapapikit na siya dahil sa panghihina. Unti-unti na ring lumalabo ang rehistro ng paligid sa kanyang paningin.

Bago pa man siya mawalan ng malay, isang pamilyar na boses ang narinig niya. Pilit nitong tinatawag ang kanyang pangalan hanggang sa...

"Alex! Alex!" sigaw ng isang boses sa kanyang harapan. Nagmulat siya ng mga mata. "Alex! Alex! Thank God! Gumigising na siya!" buong galak nitong sabi.

Pinilit ni Alex tanawin ng mas malinaw ang paligid. Mula sa kanyang harapan, dalawang lalaki ang nakatayo – sina Christian at Jacob. Bakas sa mukha ng dalawa ang pag-aalala. Mabilis na inabot ni Jacob ang hawak niyang bote ng tubig sa habol hiningang si Alex.

Lumagok siya ng tubig upang mahimasmasan. Ilang sandali lang, naramdaman niyang umaayos na ang pagdaloy ng kanyang paghinga.

"Ayos ka lang ba?" tanong ni Christian.

Sinapo ni Alex ang nananakit niyang ulo. Pinakiramdaman niya ang kanyang leeg. Wala naman siyang maramdamang lumapat na kamay sa bahaging iyon. Iginala niya ang kanyang paningin at natagpuang wala roon ang kanyang Tiya.

Bangungot? Marahil bangungot nga ang lahat dahil sa kanyang madalas na pag-iisip sa tunay na nangyari sa kanyang Tiya. Kaya maging sa panaginip ay sinunsundan siya nito.

"Uuwi na ako," aniya kahit na halos matuyot ang kanyang lalamunan. Bago lumabas ay binalikan niya ng tingin ang dalawa. "S-Salamat," saad niya.

Nginitian na lamang siya ng dalawa hanggang sa makalabas. Hindi pa rin siya makapaniwala dahil sa nangyari. Parang totoo! Halos bawian siya ng buhay matapos ang bangungot na iyon. Huminga siya nang malalim at pinipilit na i-relaks ang buong katawan dahil sa tensyon.

Malamig ang mga palad niyang lumabas ng gusali at nagtungo sa kanyang sasakyan. Nang magawa niyang ikondisyon ang sarili, kinuha niya ang kanyang cellphone sa bag.

Mula roon ay nabasa niya ang isang mensahe na nagsasabing...

"Surprise! It's showtime!"

***

NAG-IIMPAKE ng kanyang mga gamit si Jess na kakailanganin sa isang linggong shooting nang pumasok sa kwarto ang kanyang asawa mula sa trabaho. Tulad sa mga nakaraang pag-uwi, bitbit nito sa kanang kamay ang bag samantalang sa kabila ay ang pasalubong para sa mag-ina. Lumapit ito kay Jess at nag-iwan ng isang masuyong halik sa labi.

Red Tape (Book Two of Red Ribbon)Kde žijí příběhy. Začni objevovat