Ang bilis ng tibok ng puso ko nang marinig ang boses na iyon. Si Agustin nga! Ang akala ko ay nananaginip lamang ako. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko nang naging malinaw na ang aking paningin. Siya nga, nakatayo ilang metro ang layo mula sa akin. Maya-maya pa ay lumapit na ang ilang mga lalaking naka-uniporme kay Don Miguel at hinawakan na siya. Kinausap naman ni Agustin ang ilang mga lalaki na kaniyang kasama.

          "Ama! Ama, sandali! Tumigil kayo, walang kasalanan ang aking ama. Ano ito, Agustino?!"

          Nagmamadaling bumaba at lumapit si Primitivo sa kaniyang ama na dinakip na ng mga lalaki. Gulat naman at paiyak na si Donya Amelia na nakasunod sa kaniyang asawa. Napahawak ako kay Isay upang tumayo. Muli akong bumaling kay Agustin kasabay ng pagpatak ng mga luha mula sa aking mga mata. Mas naiyak pa ako nang masilayan siyang tumatakbo papalapit sa akin. Kaagad akong bumaba upang salubungin siya. Hindi na ako nag-atubili pa at mahigpit siyang niyakap nang makalapit kami sa isa't isa habang nakakapit sa kaniyang leeg. Kasabay ng kaniyang pagpulot ng kaniyang mga braso sa aking bewang ay siyang paghagulgol ko.

          "Agustin... akala.. akala ko wala ka na. Paano..."

          "Narito na ako, Biniibini. Huwag ka nang umiyak. Narito na ako," pagpatahan niya.

          Ngunit kahit pa ganoon ay hindi tumigil ang mga luha kong bumuhos habang mahigpit pa rin ang pagkayakap sa kaniya. Ayaw ko nang bumitaw pa sa kaniya dahil natatakot akong baka mawala na naman siya at kunin mula sa akin.

          "Ayos ka lamang ba? Mayroon bang masakit sa iyo?" usisa niya kasabay ng pagbitaw niya sa yakap.

          Mabilis akong tumango, "Wala. Ayos... ayos lamang ako."

          Pinahid naman niya ang mga luha sa aking pisngi kaya napatitig na lamang ako sa kaniya. Magkarugtong ang kaniyang mga kilay at nakakunot din ang kaniyang noo. Naroon din ang kalungkutan at pag-aalala sa kaniyang mga mata. Labis akong nalungkot nang hindi ko na nakita pang muli ang mukhang ito. At ngayon, hindi ko lubos na inasahang makikita ko pa siyang muli.

          "Nangulila ako ng sobra sa iyo," usal ko habang nakatitig pa rin sa kaniya.

          Bumaling naman ang kaniyang mga tingin sa aking mga mata mula sa pagkatingin sa aking kaliwang pisngi. Nasilayan kong muli ang kaniyang mga ngiti na ikinalundag ng aking puso.

          "Labis ang aking pangungulila sa iyo, Martina. Ngayon ay walang masidlan ang aking tuwa't galak nang muli kang makita. Masaya akong napigilan ko pang mapunta ka sa iba."

          Natawa naman ako sa kaniyang sinabi at kaagad siyang niyakap. "Alam mo bang sinambit ko ang iyong pangalan kanina? Hiniling kong sana ay dumating ka at gaya ng nakasanayan ay dumating ka't iniligtas ako."

          "Tumutupad ako sa aking pangako, Martina," aniya at mas humigpit pa ang kaniyang yakap. "Masayang-masaya akong kasama ka nang muli."

          Kayakap ko man siya ay may iilang katanungan naman na sumulpot sa aking isipan. Kung totoo nga ba talaga ang nangyayari ngayon. Kung paano siya nabuhay at nakarating dito. Namatay ba talaga siya?

          Mas lalo ko na lang siyang niyakap at sumiksik sa kaniyang leeg habang iniwala ang mga pag-iisip na iyon. Hindi na iyon mahalaga pa dahil ang importante ay narito na siya, at kayakap ko. Gagawin ko ang lahat nang hindi na siya muling mawala pa.

          "Agustino!"

          Napalingon ako kay kuya Lucio nang marinig ang kaniyang boses. Bumitaw kami sa isa't isa at parehong humarap kay Kuya. Kasama niya sina kuya Lucas at Marco, pati na rin si ate Guada. Kaagad na niyakap nila si Agustin at nakangiti naman si Ate habang nakatingin sa kanila.

Sa Taong 1890जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें