Kabanata 57

615 25 23
                                    

|Kabanata 57|


Ikinuwento ko kay Isay ang lahat ng nangyari kanina at bakas sa kaniyang mukha ang gulat dahil sa nangyari sa mga Varteliego.


"Sa tingin mo, Senyorita, ayos lamang kaya si Don Carlos? Sana ay nasa maayos lamang siyang kalagayan."


"Hindi ko alam, Isay," iling ko. "Ngunit sana nga. Hindi ko na lubos pang maisip kung ano na ang mangyayari sa kanila kapag nawala pa si Don Carlos."


Bumuntong-hininga naman siya, "Talagang sinusubok nga kayo, Senyorita. Ano na ang mangyayari sa inyo ni Ginoong Joaquin? Lalo na ngayon ay nakasisiguro talaga akong hindi na papayag ang Don Agaton na magkaroon pa kayo ng ugnayan."


Kung tutuusin ay tama nga naman si Isay. Kabilang sa mga pinangangalagaan ng mga Del Veriel ay ang kanilang pangalan kaya nga hanggang sa 2020 ay ganoon din. Nakita ko kung gaano kahigpit sina Lolo at Mama sa amin.


"Hindi kami susuko, Isay. Dahil ang tunay na pag-ibig ay hindi susuko," wika ko.


Ngumiti naman siya sa akin at tumango. "Alam kong malalampasan niyo rin ang lahat ng ito."


"Martina?"


Pareho kaming napalingon nang may katok sa pinto at narinig namin ang boses ni kuya Lucio. Maya-maya pa ay bumukas ang pinto at pumasok siya kasama si kuya Marco. Hindi ko na naitago pa sa aking mukha ang lungkot at pagkadismaya dahil sa paglihim nila sa akin sa mga nangyayari.


"Martina, mayroon kaming sasabihin sa iyo," panimula ni kuya Lucio.


Napabuntong-hininga naman ako kasabay ng pagtayo at pag-alis ni Isay. Umiling na lang ako at tumingin sa malayo.


"Alam ko na ang tungkol sa bagay na iyan, Kuya," sagot ko.


"Ang alin?" Bakas sa kaniyang boses ang pagtataka. "Ang nangyari sa mga Varteliego? Paano?"


May inis akong lumingon sa kanila, "Bakit hindi niyo sinabi sa akin ang tungkol dito? Ang alam ko naman ay nalaman niyo ito matagal na. Bakit? Bakit niyo nilihim sa akin 'to?" maluha-luha kong turan.


"Martina, dahil ayaw naming may makakapagpabagabag sa iyo. Sinabi na ni Lucas na ilayo ka sa ganoong mga bagay," sagot naman ni kuya Marco.


"Hindi iyon mahalaga sa akin. Tignan ninyo, huli na ang lahat. Sana sinabi niyo sa akin para kahit papaano ay matulungan ko sila," katwiran ko.


"Tulong? Paano mo sila matutulungan, Martina? At isa pa, kabilang na ang pamahalaan sa kaganapang iyon at kapag kumilos ka na salungat sa nais nila ikaw naman ang pag-iinitan. Martina, hindi ka maaaring magpadalos-dalos sa ganitong mga bagay," ani kuya Lucio.


"Saka, inalalayan din naman namin sila. Binabanggit ka rin namin na kabilang sa mga taong nais tumulong at nagpapasalamat sila sa iyo," sabi naman ni kuya Marco. "Naroon si Lucas kasama nila ngayon upang usisahin ang kalagayan ni Don Carlos."

Sa Taong 1890Kde žijí příběhy. Začni objevovat