Chapter 04

13 2 0
                                    

"Bes, pahinging pulbo."

"Pre, dota tayo mamaya."

"Uy si crush nasa kabilang room!"

"Hala! Nalanta na ata 'yong tanim ko sa farmville."

"Late si ma'am. Baka wala tayong pasok."

Ilan lang 'yon sa narinig ni Sunny pagkapasok niya ng classroom. Napangiwi rin siya nang may makitang naggi-gwiyomi sa gilid. Napakagulo ng classroom.

Hindi niya pa rin maintindihan ang nangyayari. Kanina lang ay nasa party siya pero bigla-bigla na lang siyang bumalik sa high school.

Nananaginip ba 'ko? Prank ba 'to?

"Coffee," tawag niya sa kaibigan nang marating niya ang kinauupuan nito. "Anong petsa ngayon?"

Kumunot ang noo nito. "June 3. Bakit?"

"Anong taon?" inip na tanong niya.

"2013."

Umawang ang mga labi niya nang marinig mula sa bibig ng kaibigan ang sagot nito.

Napasinghap siya. "Imposible."

Pinalibot niya ang tingin sa paligid niya. Nasa loob siya ng classroom nila noong 4th year. Nagbibiruan ang mga kaklase niya samantalang ang iba naman ay nag-aaral. May iilan ding estudyante ang palakad-lakad sa may hallway na natatanaw niya mula sa malalaking bintana.

"Welcome Class of 2013-2014," basa niya sa nakasulat sa black board.

2013? Nakabalik ako ng 2013?

"Sunny."

Napaigtad siya nang maramdaman ang mahinang pagtapik ni Coffee sa balikat niya.

"Okay ka lang ba? Masama ba ang pakiramdam mo?" nag-aalalang saad ni Coffee nang mapansin ang itsura niya. "Kanina ka pa sa field."

"Hindi. Hindi ako okay," sagot niya rito. "Pwede ba kitang kurutin? Sisiguruhin ko lang na hindi ako nananaginip."

Pinag-krus ni Coffee ang mga kamay nito at iniharang sa katawan nito. "Ikaw ang nananaginip tapos ako ang kukurutin mo. Ano ka–"

Naputol ang sinasabi nito nang bigla niya itong kinurot sa kamay dahilan para mapahiyaw ito. Kaagad naman siya nitong tinampal sa braso ng malakas.

Mas lalong nanlaki ang mga mata niya nang maramdaman ang hapdi roon.

"Hindi nga 'to panaginip," bulong niya sa sarili habang hinihimas ang mahapding braso.

Napakaraming tanong ang pumasok sa isip niya. Paano siya nakarating roon? Bakit? Permanente na ba 'to? Kailan siya makakabalik sa present?

"Go back to your seats, class."

Naputol ang pag-iisip niya nang marinig ang boses ng teacher nila. Wala na siyang nagawa kung hindi umupo na rin sa tabi ni Coffee. Ang mga kaklase niya na kanina'y magugulo ay nagsi-upo na rin at tumahimik.

"Hi, 4 - Diamond," bati ng teacher sa kanila. Nagsimula na rin itong magsulat sa black board at tinuro iyon. "I'm Ms. Karen Masaca, your English teacher as well as your homeroom teacher."

"Good morning, Ma'am Karen," they exclaimed.

Ngumiti ito. Sa pagkakatanda niya, si Ma'am Karen ang pinakabata nilang guro. Sa tingin niya ay nasa mid-twenties pa lang ito base sa itsura at pananamit nito kaya naman madali itong nakagaanan ng loob ng mga estudyante. Bukod roon, ay maganda at mahinhin rin ito. Pero 'pag dating sa mga school works, lumalabas ang pagka-strikto nito.

"We'll skip the introduction process since magkakakilala naman na kayo."

Naghiyawan ang mga kaklase niya sa narinig. Kaagad naman silang pinatahimik ng guro.

Like YesterdayWhere stories live. Discover now