Chapter 11

301 4 0
                                    

CHAPTER ELEVEN

HINDI mapigilan ni Dana ang mga luhang mabilis na nag-unahan sa magkabila niyang pisngi habang titig na titig sa mukha ni Bayani. Ilang oras na ang lumipas mula nang matapos na operahan ang binata.
Tatlong bala ang nakuha sa katawan nito. Mabuti at walang tinamaang vital organ. Nag-fifty-fifty ang buhay nito sa dami ng nawalang dugo sa katawan.
Tulog pa rin ito dahil sa painkiller na itinurok dito. Pero kahit tulog ay napapaungol pa rin ito.
Mayamaya'y kumilos ang talukap ng mga mata nito. Dahan-dahang nagmulat. "D-Dana...?" mahinang sambit nito.
"Nurse! Nurse! Nagkakamalay na siya!" natatarantang sabi ni Dana sa nurse na nagbabantay. Hilam sa luhang hinawakan niya ang kamay ng binata. "Salamat sa Diyos, nagkamalay ka na!"
Hirap na ngumiti si Bayani bago muling pumikit.
Dumating ang doktor na tinawag ng nurse.
"Doon na tayo maghintay sa labas." Inakay na siya ng kararating pa lang na si Tagumpay palabas ng ICU.
Naghihintay sa labas sina Magiting, Marangal at Trese. Nakahinga nang maluwag ang mga ito nang malamang nagkamalay na ang kapatid.
Nang lumabas ang doktor ay sinabi nito na nakalagpas na sa krisis ang pasyente. "Tulog na siya. Bukas na ninyo siya makakausap. Mabuti pa'y umuwi na muna kayo para makapagpahinga."
"Tayo na, Dana. Ihahatid na kita," sabi ni Marangal. Hindi na siya nito binigyan ng pagkakataon na tumanggi.

NAPATITIG si Dana sa salamin. Tatlong araw pa lang ang nakalipas buhat nang sapilitan siyang ihatid ni Bayani sa farm ng mga ito, pero pakiwari niya ay tumanda siya nang maraming taon sa loob ng tatlong araw na iyon. Nanlalalim ang kanyang mga mata. Haggard ang kanyang itsura kahit nakaligo at nakabihis na siya.
Pinatuyo niya ang buhok at saka nahiga sa kama. Nakahinga siya nang maluwag dahil pareho pang nasa trabaho ang mga magulang nang dumating siya. Kung nagkataon, tiyak na magtataka ang mga ito sa kanyang itsura. Tanging ang kanyang maliit na carryall bag ang bitbit niya.
Pagod at puyat siya pero ayaw pa rin siyang dalawin ng antok.
Nang malaman niyang isa sa mga sugatan si Bayani, pakiwari niya ay siya ang namatay ng mga sandaling iyon.
Kinailangang dalhin ito sa Maynila para operahan. All she wanted was to be with him. Sumama sila ni Tagumpay sa helicopter na magdadala kay Bayani sa V. Luna Memorial Hospital.
Nagpapasalamat siya at naroroon ang panganay ng mga Braganza. Ito ang nag-asikaso ng lahat. Ang umalalay sa kanya.
May tumulong luha sa magkabilang sulok ng kanyang mga mata. Maagap niyang pinunasan iyon. Ayaw na niyang muling maranasan ang sakit at paghihirap ng loob na nadama.
Dahil baka sa susunod ay hindi na niya makayanan.

INIS na itinigil ni Dana ang pag-type sa keyboard ng kanyang computer.
Mag-iisang buwan nang wala siyang nabubuong kuwento. Wala rin palang silbi ang pagpipilit niyang balikan ang naiwanang computer sa bahay-bakasyunan. Puro siya hanggang simula lang. Pagdating sa ikalawang kabanata ay hindi na niya magawang dugtungan. She ended up playing solitaire again.
"Kumusta ang pagsusulat mo?" usisa ng kanyang ama sa harap ng agahan.
Ikinibit niya ang mga balikat.
"Dana, parang wala ka namang kinabukasan sa pagsusulat. Bakit hindi ka na lang bumalik sa dati mong trabaho?" suhestiyon ni Aling Lourdes. "Kakausapin ko ang boss mo. Puwede kang isingit sa plantilla."
"Ayoko na hong bumalik doon, 'Nay."
"Okay, kung ayaw mo ro'n, maghanap ka ng iba. Huwag 'yang nandito ka lang sa bahay. Maghapon kang nagmumukmok sa kuwarto mo. Hindi na healthy 'yan."
"Niyayaya nga ako ni Ysbeth sa kompanya nila. Mag-underwriter daw ako sa insurance."
"Magbebenta ka ng insurance?" Napailing si Mang Johnny. "Palagay mo naman kaya ay may mabebentahan ka?"
"Gusto ko hong subukan." Hindi niya gusto ang trabahong iyon pero habang hindi siya makapagsulat ay gusto niyang magkaroon ng ibang pagkakaabalahan.
"Kumusta na kayo ni Egay?" mayamaya ay tanong ng tatay niya. "Hindi ko na siya napapansing dumadalaw rito. Dapat nga'y palagi kayong nagkakasama dahil minsan sa isang taon lang kung magbakasyon siya rito."
"Umalis na ho uli siya," matabang niyang sagot.
"Nakita ko lang siya no'ng isang araw," sabi naman ng nanay niya. "Akala ko ba ay magpapakasal na kayong dalawa?"
"Hindi na ho matutuloy 'yon," walang-ganang sabi niya.
"Aba'y bakit?" halos panabay na tanong ng mag-asawa. Parehong napakunot-noo.
"Ayoko hong mag-asawa ng lalaking paminsan-minsan ko lang makakapiling," katwiran niya.
"Hindi naman sa nanghihimasok ako, Dana. Pero suwerte ka na kay Egay. Kahit hindi ka magtrabaho ay mabubuhay ka nang maalwan," ani Aling Lourdes.
"Hindi ko na siya mahal, 'Nay." Nanggaling ang rebelasyong iyon sa kaibuturan ng kanyang puso.
"Hayaan mo nga ang anak mo kung sino ang gustuhin niya," sabi ni Mang Johnny.
Naitirik ng matandang babae ang mga mata. "Kayo talagang mag-ama, laging magkakampi. Gusto ko lang namang maging practical ang anak mo."
Alam ni Dana, matatagalan bago siya muling matutong umibig sa iba. Dahil hanggang ngayon, mahal pa rin niya si Bayani. Kahit sandali lang ang pagsasama nila ay malalim ang naging lugar nito sa kanyang puso.
Inilayo na niya ang plato niyang wala nang laman. "Dadaanan ho ako ni Ysbeth ngayon. Pupunta kami sa office nila."
"Sabado ngayon," paalala ng kanyang tatay.
"May orientation daw ho ngayon. Kailangan ko raw dumalo ng isang araw na seminar para ma-qualify na underwriter."
Nang sa pagtayo niya, bigla siyang nakaramdam ng matinding pananakit ng puson. Namutla siya. Mahigpit na napakapit sa silya.
"D-Dana...? Bakit, anak?" Bago pa siya bumagsak sa sahig ay nasalo na siya ng ama.

HINDI pa dapat na lumabas ng ospital si Bayani pero napilitan na ang doktor nito na palabasin ito. Nakiusap sina Tagumpay at Magiting na sa Tuguegarao na lang nila itutuloy ang gamutan.
Iniuwi na nila si Bayani sa farm. Naging mainitin ang ulo nito. Hindi ito makausap nang matino. Laging nakasinghal. Minsan ay napipikon na kay Bayani ang mga kasambahay.
Si Magiting, na laging maiksi ang pasensiya, ay malapit-lapit nang patulan ang kapatid. "Kapag hindi ako nakapagpigil, masasapok ko ang lalaking 'yon," galit niyang sabi sa asawa.
"Bakit na naman ba?" tanong ni Annabeth.
"Nag-collapse na naman kanina. Sukat ba namang hilahin 'yong isang kabang feeds, 'ayun... bumuka ang sugat. Itinakbo na naman ni Kuya sa doktor. Kung hindi pa iyon nawalan ng malay, hindi pa iyon padadala sa doktor. Nagpapakamatay na nga yata ang gagong 'yon."
Napabuntong-hininga si Annabeth. "Bakit hindi mo puntahan si Dana?" naitanong nito.
"Bakit?"
"Alam mong siya lang ang makakatulong sa kapatid mo."
"Maliwanag na ayaw na niya kay Ani. Halos isang buwan 'yong tao sa ospital, ni minsan ay hindi niya sinilip."
"May dahilan siya, sweetheart. Siguro, nanaig ang takot niya. Walang masama kung susubukan mong lapitan siya at pakiusapan. Kahit hanggang sa lubusan lang na gumaling ang kapatid mo."
Malakas na umiling si Magiting. "Kung mahal n'on si Bayani, hindi niya iiwan ang kapatid ko."
"Paano, hihintayin na lang ninyong mamatay ang kapatid n'yo?"
"Gago kasi 'yon. Para babae lang..."
Inirapan ni Annabeth ang asawa. "Para babae lang? Kung iwanan kaya kita?" natatawang hamon nito.
"Subukan mo!" galit niyang sabi.
Nangingiting niyakap siya ng asawa. "Tingnan mo nga, binibiro lang kita, para ka nang mamumuntal niyan."
Pinupog ni Magiting ng halik ang asawa.
"Yuck! Hinahalikan na naman ni Daddy si Mommy, Yumi. Huwag kang titingin." Tinakpan ni Junjun ang mga mata ng bunsong kapatid.
Nagkatawanan ang mag-asawa.
"Daddy, bakit gustong-gusto mong hinahalikan si Mommy?" tanong ni Junjun.
"Dahil mahal ko siya."
"Yuck!" Tinakpan ni Junjun ang mga labi.
Napahalakhak ng malakas si Magiting. "Paglaki mo, anak, hindi na 'yuck' ang sasabihin mo, kundi 'yes.'"
Kinurot ni Annabeth nang pino ang kanyang tagiliran.

NASA ICU ng OB-Gyn si Dana sa PGH. Threatened abortion. Pangatlong araw na niya sa ospital nang mag-round ang mga doktor kasama ang mga intern.
Nabigla siya nang makita si Trese. Ganoon din ang reaksiyon nito nang makita siya.
Ito ang unang nakabawi. "Hi..."
"Magkakilala kayo?" usisa ni Dr. Cruz.
"Yes, Doc," ani Trese. "Ano ang case niya?"
"Threatened abortion. We will try to save the fetus," sagot ng doktor. "Kailangan lang, Misis, ay huwag kayong masyadong mag-iisip. Pilitin mong huwag masyadong maggagalaw. Mahina ang kapit ng fetus. Try to relax para mailigtas ang baby mo." Bumaling ito sa nurse. Ipinahanda nito ang syringe. Pagkatapos ay iniksyunan si Dana ng pampakapit.
Nagpunta ang mga ito sa ibang pasyente. Nakatingin pa rin si Trese sa kanya. Umiwas naman siya ng tingin.
Nakahinga lang siya nang maluwag nang umalis na ang mga ito. Nang dumating ang kanyang ina ay sinabi niyang gusto na niyang magpalipat ng ospital.
"Gusto mo bang tuluyang malaglag ang anak mo?" galit na sabi nito. Siyempre pa, hindi ikinatuwa ng kanyang mga magulang na malamang buntis siya; pero ayaw rin naman ng mga ito na tuluyang malaglag ang kanyang dinadala. Miyembro ng Pro-Life ang mga ito.
Bawal ang bantay sa ICU. Pagkaraan ng sampung minuto ay muling pinalabas si Aling Lourdes. Hindi naman nagtagal ay bumalik si Trese.
"Kumusta ka na?" ang tanong nito.
"Heto..." Nagkibit-balikat si Dana.
Noon lang niya natitigan nang husto ang bunsong kapatid ni Bayani. Matangkad ito tulad ng mga kapatid. Pero may kapayatan. Guwapo rin ito, maputi at mukhang mabait. Na para bang kapag nagkasakit ka at ito ang gagamot ay mabilis kang gagaling.
Sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan nila.
"S-si Bayani, kumusta na?" di-nakatiis niyang tanong.
"Not good, I guess. Katatawag lang ni Kuya Umpay. Ibabalik daw nila sa V. Luna si Kuya Ani. Bumuka raw uli ang sugat. Napakaimposible kasi ng taong iyon. Matigas ang ulo. Hindi masaway na huwag magtrabaho sa farm. Nauubusan na nga rin ng pasensiya sina Kuya. Parang sawa na raw sa buhay si Ani," napapabuntong-hiningang sabi ni Trese.
Nag-init ang mga mata ni Dana. Nag-iwas siya ng tingin.
Ayaw naman ni Trese na ma-upset siya. Nagpaalam na ito.
Mula noon ay araw-araw na siyang dinadalaw ni Trese. Palagi itong may bitbit—magazine, prutas, pagkain, at kung ano-ano pang puwedeng ipasalubong. Pahapyaw din itong nagbabalita nang tungkol kay Bayani.
"Galing ako sa V. Luna kanina. Medyo behaved na si Ani ngayon pagkatapos ng pangalawang operasyon. Natakot na rin yata. Hindi na rin ito nagpilit na umuwi. Hindi tulad noong una na pati na ang mga nurse sa ospital ay halos ayaw nang lumapit sa kanya."
"M-mabuti naman. S-sinabi mo ba sa kanya na naririto ako?"
Umiling ito. "'Di ba nangako ako sa 'yo na hindi ko sasabihin?"
"Salamat." Tipid na ngumiti siya.

NANG sumunod na araw ay nagulat si Dana nang si Marangal Braganza naman ang dumalaw sa kanya. May bitbit itong bouquet ng puting rosas.
"R-Rangal..." alanganing bati niya.
Napansin niyang mas maputi ang dalawang pinakabata kaysa limang nakakatanda na pawang mga sunog sa araw ang balat. But he had the same good looks. Matangos na ilong, makakapal na kilay na maganda ang pagkakatubo. Ang kaibahan ni Marangal ay nakasalamin ito na makapal.
"Huwag kang magalit kay Trese. I knew that you wish to be alone. Gusto lang naman kitang dalawin at kumustahin. How's the baby?"
"Ang sabi ng doktor, na-stabilize na rin daw. Wala na nga akong spottings."
"Idinadasal din namin ang kaligtasan mo at ng baby mo. Siyanga pala, lumabas na ng ospital si Ani. Nasa bahay ko siya ngayon. Ayaw na muna ni Kuya Umpay na iuwi ang kapatid namin sa Tuguegarao. Baka kapag nainip ay kung ano-ano na naman ang maisipang gawin."

Braganza (Bayani) - Maureen ApiladoWhere stories live. Discover now