Chapter 3

349 3 0
                                    

CHAPTER THREE

"KUNG titira kayo rito, kailangang sundin ninyo ang mga house rule ko," sabi ni Dana. "Una, ayoko ng makalat."
Iginala ni Bayani ang paningin sa buong kabahayan. Masinop iyon.
"I am a busy woman. Wala akong katulong. Saka lang ako nakakapaglinis kapag naharap ko. Kaya hanggang maaari ay iniiwasan kong magkalat. Kung gusto ninyong kumain, magluto kayo. Walang magluluto para sa inyo. Puwede ninyong gamitin ang mga gamit sa kusina, linisin lang ninyo pagkatapos. Ang screen sa pinto, kailangang laging nakasara. Mabibilis ang mga lamok. Nakikipag-unahang pumasok sa loob."
Dumako sila sa pinakaloob ng cottage. "Ito ang banyo. Kapag naligo, alisin ang mga nalaglag na buhok. Baka bumara sa floor drain. Sa lahat ng ayaw ko ay ang nasasalaula ang CR." Naglabas siya ng bagong toothbrush, sabon, at shampoo. "Here. You can use these. Puwede kang makigamit ng toothpaste, huwag mo lang pipisilin sa gitna. I hate it. At kapag nag-toothbrush ka, kailangang malinis ang lababo bago mo iwanan. Ayoko ng may naiiwanang buo-buong toothpaste sa lababo."
Nilingon ni Dana ang lalaki. Nakahalukipkip ito at nakatayo sa may pinto habang titig na titig sa kanya.
"Nagkakaintindihan ba tayo?" nakatingalang tanong niya. Bahagya siyang nailang sa mga titig nito. And why should he be so tall? lihim niyang naireklamo. Para sa kanya, sapat na ang taas niyang five-three. Pero kompara sa lalaki, para siyang dwarf. Tantiya niya ay nasa limang talampakan at siyam na pulgada ang taas nito. At dahil sa massive built ng katawan ng lalaki, parang pagkalaki-laki nito.
"Baka may nalimutan ka pa?" naa-amuse na tanong ni Bayani.
Sandali siyang nag-isip. "Wala na sa ngayon. Pero kapag may naisip pa ako mamaya, sasabihin ko rin sa 'yo."
"Bakit hindi ka gumawa ng listahan at ipaskil mo sa dingding para tiyaking masusunod lahat ang house rules mo?" matabang na sabi nito.
Tumaas ang isa niyang kilay. "Why not? I might do that."
Inis na tumalikod ang lalaki.
Kumakalam na ang sikmura ni Dana. Napatingin siya sa relo. Tanghali na. Hindi pa siya nakakaluto. Kape lang ang ininom niya kaninang umaga. "Maiwan muna kita. Magluluto lang ako ng tanghalian."
"Magluluto ka pa? Bakit hindi na lang tayo sumaglit sa bayan at sa restaurant na lang tayo kumain?" suhestiyon nito.
"Mahirap mag-abang ng sasakyan kapag ganitong oras."
"Walang problema. May motorsiklo ako," sabi naman nito.
Sandaling napatitig si Dana sa lalaki. Nanaig ang pagiging cautious niya. "Sorry, I'll prepare something light for myself na lang."
Napatango si Bayani. "Good. At least, hindi ka naman pala agad-agad na nagtitiwala sa estranghero. Huwag ka nang magluto. Bibili na lang ako ng lutong pagkain sa bayan."
"Thanks pero huwag mo na akong idamay. Gagawa na lang ako ng sandwich para sa sarili ko," malumanay na tanggi niya.
Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa.
She knew she was not that extra beautiful; pero hindi naman siya masamang tingnan. She was an ordinary girl with an ordinary face. Karaniwan ang tangos ng kanyang ilong, ang mga mata niya ay hindi ma-distinguish kung itim o brown. May pagkabilugan ang hugis ng kanyang mukha.
Ang talagang maipagmamalaki ni Dana ay ang pagiging slim. Nasa tamang kurbada ang kanyang katawan. Marami sa mga kaibigan niya ay naiinggit sa kanya dahil kahit na ano ang kanyang kainin ay hindi siya tumataba. Mahubog at makinis ang kanyang mga hita. Hindi nga lang niya ugaling i-display iyon dahil ang paborito niyang isuot ay jeans at T-shirt.
Makinis ang kanyang balat. Dati, maputi siya pero dahil madalas siyang maarawan, bahagya siyang umitim na bumagay naman sa kanya.
Isa rin sa asset niya ay ang kanyang buhok. Her crowning glory. Unat at itim na itim iyon. Madulas at makapal; halos umabot sa baywang niya ang haba.
"Satisfied?" inis na tanong ni Dana sa lalaki.
Ngumisi ito. "Nice," sabi nito. "Sigurado kang ayaw mong sumama sa bayan para kumain?" ulit nito.
"Sige na. Ikaw na lang," pagtataboy niya.
Tinungo na nito ang pinto. Nasundan niya ito ng tingin, pagkatapos ay nagpunta na siya sa kusina para iayos ang mga pinamili. Narinig niya ang pag-angil ng motorsiklo nito.
Pumunta siya sa veranda. Malayo na ang lalaking sakay ng motorsiklo. Hindi niya napansin kung saan nito iyon ipinarada kanina.
Napailing si Dana. At ine-expect ng Bayani Braganza na ito na aangkas siya sa motorsiklo?
Gumawa siya ng sandwich at juice. Iyon na ang kanyang tanghalian. Muli siyang humarap sa computer. But she was too distracted. Hindi siya makapag-concentrate. Kaya tumayo siya at lumabas. Nagpunta sa mga kapitbahay. Gusto niyang magmasid-masid.
Nalibang siya sa pakikipagkuwentuhan sa mga babae habang naglalala ng sombrero ang mga ito.

MAKALIPAS ang isang oras ay muling binalikan ni Dana ang ginagawa. Hindi pa siya nakakaisang page nang muli niyang marinig ang malakas na ugong ng paparating na motorsiklo. Alam niyang si Bayani iyon. Dahil sa inis ay napariin ang pag-type niya sa keyboard. Kung kailan nagbabalik ang kanyang momentum ay saka naman muling bumalik ang istorbo.
Hindi na sana niya papansinin iyon kung hindi lang nirebolusyon ng lalaki ang motorsiklo. Nabibingi siya sa ingay. Inis siyang tumayo at lumabas.
Pagsasabihan sana niya si Bayani pero nang makitang may kasama ito ay itinikom na lang muna niya ang bibig. Ayaw naman niyang lumabas na bastos.
Parehong naka-jacket na maong at naka-helmet ang dalawa. Nakahinga nang maluwag si Dana nang makitang mas maliit ang katawan ng angkas ni Bayani. Mukhang less intimidating ito.
Nang bumaba ang nakaangkas, napansin niyang hindi lang mas maliit ang katawan nito, kundi pati ang height. Lihim siyang napangiti. Naalala niya ang comic character noong araw—sina Max at Jess. Baligtad nga lang ang dalawa. Iyong mas matangkad, mas malaki ang katawan. Iyong mas mababa, mas maliit ang katawan. Parang babae.
Pumasok si Dana sa loob. Nagtimpla siya ng orange juice sa pitsel, kumuha ng tatlong baso, inilagay ang mga iyon sa tray at muling lumabas.
Muntik na niyang mabitiwan ang dala-dala nang makita ang babaeng naghihintay sa veranda. Nahubad na ng babae ang jacket na maong. Naka-blouse ito na itim at body-hugger.
"Hi..." bati ni Bayani. Lumapit ang lalaki kay Dana at kinuha ang tray sa kanyang mga kamay. Inilapag iyon sa center table na yari sa kawayan.
"Miss Martin, siya si SPO4 Camacho, ang partner ko at kasamahan sa trabaho. Rita, si Miss Martin."
"S-siya ang sinasabi mong kasama mo?" di-makapaniwalang tanong niya. Napatitig siya sa babae.
Ngumiti ito. "Hi, Miss Martin. Tawagin mo na lang akong 'Rita.' Sinabi na sa akin ni Lieutenant na pumayag ka nang makipagtulungan sa amin. Thanks."
Alanganin ang naging ngiti niya. Buong akala niya ay lalaki ang kasamahan ni Lt. Braganza. At hindi lang basta babae ang pulis. Maganda, sexy, at matangkad ito. Mas mapagkakamalang modelo ang babae kaysa alagad ng batas.
Nakabawi siya sa pagkabigla. "It's Dana," sabi niya. "Hindi naman ako talagang pumayag. Your friend here, more or less, forced me to agree."
Kung nabigla man ang babaeng pulis sa sinabi niya ay hindi iyon mababakas sa mukha nito. Tumingin ito sa kasama.
Pilit na napangiti si Bayani. "You don't pull your punches, do you? Sa ngalan ng batas, kailangan naming gawin ito."
"How about my right of privacy?" reklamo niya.
"Miss Martin, napagdiskusyunan na natin ito kanina," malamig na paalala nito.
"Huwag kang mag-alala, Miss Martin. Pipilitin naming huwag kang magambala, lalo na 'pag nagtatrabaho ka. I was informed that you're a novelist," sabad ni Rita.
Hindi kaya alam ng mga ito na ang katotohanang may ibang tao siyang kasama ay sapat na para maistorbo siya?
"May problema tayo. Iisa ang kuwarto rito. Akala ko, pareho kayong lalaki, kaya 'kako puwede na kayong dalawa sa sala," mayamaya ay sabi ni Dana.
"Walang problema kung tulugan lang. We have slept in worst places," ani Rita.
Now, she was wondering kung ano talaga ang relasyon ng dalawa. Whatever it was, wala na siyang pakialam doon. "Are you sure—"
"Kami na ni Lieutenant ang bahala." Si Rita uli. "Matagal na kaming magkasama sa mga misyon," paliwanag nito sa kanya. "Ipinaliwanag mo na ba sa kanya ang set-up?" baling nito kay Bayani.
"Hindi pa," sagot ng huli. Tumingin ito kay Dana. "Supposed to be ay mga honeymooners kami para walang magkahinala kung bakit naririto kami. Since ayaw mo namang umalis, kailangang baguhin natin ang scenario, Rita."
"Walang problema. Di sabihin natin na kamag-anak tayo na dumalaw mula sa Maynila," sabi ni Rita. "Kung okay lang kay Dana." Tumingin ito sa kanya.
"S-sige, kung 'yon ang makabubuti," sabi niya.
"Wala nang problema kung ganoon," sabi naman ni Bayani.
"Sige, maiiwan ko muna kayo," paalam niya.
"Bababa na rin muna kami. Maglalakad-lakad," sabi ng lalaki.
Nasundan ni Dana ng tingin ang dalawa. Inalalayan ni Bayani ang babae sa pagbaba sa limang baitang ng hagdan ng cottage. Naglakad na ang dalawa papunta sa tabing-dagat. Hindi magka-holding hands ang mga ito but very apparent ang closeness sa isa't isa.
Malakas ang kutob niya, hindi basta magkasama lang sa trabaho ang dalawa.
Nagbalik na siya sa harap ng kanyang computer. Hindi pa niya mabigyan ng magandang wakas ang kanyang kuwento. Nagsimula na uli siya ng panibagong kuwento habang kinakapa pa sa isip kung paano niya gagawan ng wakas ang nauna.

PAGKATAPOS nilang kumain ng hapunan ay nagkuwentuhan sila sandali. Mayamaya ay nagpaalam si Bayani.
"Saan pupunta 'yon?" tanong ni Dana.
"Sa headquarters. Pinagre-report siya ng superior namin," sagot ni Rita.
"Matagal na kayong magkasama?" Hindi niya mapigilan ang mag-usisa.
"Matagal-tagal na rin. Magmula nang lumipat siya sa Provincial Command. Sige na, Dana. Naaabala ka na nang husto. Ako na ang bahala rito."
"Are you sure, okay ka lang diyan sa sofa?" may pag-aatubiling tanong niya.
Ngumiti ito. "This is a luxury kompara sa ibang tinutulugan namin ni Bayani kapag nasa misyon kami."
"Bakit ka nagpulis?" Hindi na niya mapigilan ang kuryusidad.
"Iyan din ang tanong ng mama ko. Kaya nga nang kumuha ako ng Criminology, ganoon na lang ang naging pagtutol niya. Pero bata pa ako, pangarap ko na talagang maging pulis. Nang makatapos ako, agad akong nag-apply sa police force. Kaso, itinali naman nila ako sa desk work sa PNP. I hate that job. Gusto kong nasa field, snooping on criminals. Until Lieutenant Braganza came. Malaki ang utang-na-loob ko sa kanya. Siya ang nag-alis sa akin sa napaka-boring na trabaho sa opisina. We became buddies. We did some very successful missions. We work together so well."

Braganza (Bayani) - Maureen ApiladoKde žijí příběhy. Začni objevovat