Chapter 10

469 8 0
                                    

CHAPTER TEN

NASA isang resort si Bayani sa kabilang bayan. Tahimik siyang umiinom sa isang sulok ng restaurant habang matamang nagmamasid sa paligid.
Ilang araw na niyang napupuna ang mga mamahaling sasakyang nakaparada sa kabilang restaurant. Tinted ang salamin ng mga iyon.
"Ang gaganda ng mga sasakyang 'yon, ano, pare?" sabi niya sa waiter. "Kanino ba ang mga 'yon?"
"Mga dayo," sagot nito. "Kaibigan siguro ni Allan, 'yong pamangkin ni Congressman Alvaro."
"Marami bang dayo sa lugar na ito?"
"Oo. May mga foreigners pa. Madalas ay Intsik at Puti, mga kasama ni Allan," sabi nito na mukhang ganadong magkuwento. At lihim na ipinagpasalamat iyon ni Bayani. "May derby kasi sa Linggo. Kay Allan ang malaking sabungan sa bungad ng bayan. Kaya naririto si Congressman, tiyak na makikisabong. Malakas magsabong 'yon, eh. Iyong bahay-bakasyunan nga niya, para nang sabungan sa dami ng alagang manok. Kaya hindi na kataka-taka ang mga bali-balita tungkol sa pangungurakot niya. Kung bakit ang mga tao naman, pagdating sa eleksiyon, matapalan lang ng ube, nagiging bulag at bingi na."

PALIHIM na sinundan ni Bayani ang pick-up na sinasakyan ng grupo nina Allan. Pumasok iyon sa compound ng bahay-bakasyunan ni Congressman Alvaro.
Napapalibutan iyon ng mataas na pader, pero ang likod ng bahay ay mesh wire lang. Ilog na ang katabi niyon na tuloy-tuloy sa dagat. May mga rest house sa likod ng bahay. Doon madalas mag-entertain ang congressman.
Umikot siya sa gawi ng ilog. Masukal ang kabila ng ilog. Natatamnan iyon ng malalaking puno ng nipa at malalaking gabi. Iniwan niya ang motorsiklo sa isang tagong lugar at naglakad papunta sa tabi ng ilog.
Mula sa pinagkukublihan ay natanaw ni Bayani na may kausap si Congressman Alvaro. Napakunot-noo siya nang mapagsino ang kausap ng congressman—ang regional director ng PNP sa Cagayan, at ang hepe ng pulisya sa bayan na iyon.

NAPATINGIN si Dana sa kanyang tabi. Bakante iyon. Tulad ng dati, hindi na naman niya nagisnan si Bayani. Ni hindi nga niya sigurado kung umuwi ito o hindi.
Matamlay siyang bumangon. Ginawa niya ang mga early morning ritual: maghilamos, magkape, maglinis at maligo. Pagkatapos ng mga iyon ay saka lang siya haharap sa computer.
Malinis na malinis na ang buong cottage nang huminto siya sa paglilinis. Pawis na pawis na siya. Sa ngayon ay useless lang na humarap siya sa computer. Masyadong magulo ang isip niya. Hindi siya makapag-isip nang tama. Kahit abala siya sa paglilinis, maya't maya ay natitigilan siya at napapatingin sa may pinto. Tuwing may maririnig na ugong ng motorsiklo ay napapaigtad siya, patakbong sisilip sa bintana, para lang mabigo. Dahil hindi si Bayani ang dumating.
Nagpahinga lang siya nang kaunti bago tinungo ang banyo at naligo.

NANG mga sandaling iyon ay kausap ni Bayani si Mang Luis. "Kailan ho tayo sasama uli sa pamamalaot?"
Kasalukuyang tinatahi ng matanda ang net nito. "Magpalipas na muna tayo ng sama ng panahon," sabi ng matandang lalaki.
Napatingala siya sa kalangitan. Maaliwalas naman ang panahon. "Maganda naman ho ang panahon, ah?"
Natawa ito nang mahina. "Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Hindi mo ba napapansin? Magalaw ang paligid."
Napatingin siya sa laot. Tahimik naman ang dagat. Nababaghang napatingin siya sa matanda. Mahilig itong magsalita nang patalinghaga.
Tumawa si Bayani. "Kayo naman. Wala naman hong weather forecast na may darating na masamang panahon. Isinasama pa nga ako ni Pareng Ramon sa lakad nila sa susunod na gabi."
Matagal itong napatitig sa kanya. "Huwag ka na lang sumama," payo nito.
"Bakit ho?"
Matagal bago nagsalita si Mang Luis. "Bakit hindi mo buksan ang iyong mga mata at magmasid ka sa paligid? Ano ang iyong nakikita?"
Nagpalinga-linga siya. May dumaang sasakyan papunta sa pinakadulo ng baybayin. Wala namang kabahayan sa bahaging iyon. Ang pinakahuling bahay sa bayan na iyon ay ang cottage na tinutuluyan nila ni Dana. Hindi rin maganda ang lugar. Mabato. Maraming coral reefs kaya walang dumadayo sa lugar.
"Iyan ang sinasabi ko sa 'yo," patuloy ni Mang Luis. "Hindi mo ba napapansin ang mga sasakyang naglipana sa paligid? May nangyayari sa lugar na ito na hindi natin nalalaman."
May kabang kumanti sa dibdib ni Bayani. Kaunti na lang ay may sapat na siyang batayan.
"Ang sabi ni Ramon, mas malaki ang kikitain dito. Bakit ho hindi tayo sumama?"
"Iwasan mo 'yang si Ramon, Bayani. Mapapahamak ka lang. Bata ka pa. Ni wala pa kayong anak ni Dana."
"Bakit ho ba? Mangingisda lang naman kami."
Huminga nang malalim si Mang Luis. "Nariyan si Allan. Hindi simpleng pagtatawag ng tao ang gagawin ninyo. May isasabat na kargamento ang mga 'yan sa dagat."
Napaawang ang mga labi niya. "Smuggler sila?"
Tumango ang matanda. "Noong minsan, eh, naisama na rin kami. Hindi namin alam. May kinuha kaming kahong-kahong mga sigarilyo sa isang Taiwanese fishing vessel. Binigyan nga kami ng tag-iisang pakete. Pero ang sama ng lasa. Unang hitit pa lang ay uubuhin ka na. Masangsang pa ang amoy."
"Saan ho nila dinadala ang mga 'yon?" tanong ni Bayani habang hindi inaalis ang mga mata sa matanda. Hindi na niya maitago ang nararamdamang excitement.
"Sa ibang lugar. Sa bayan na pinagdalahan natin ng mga isda. Doon namin ibinaba ang mga kahon ng sigarilyo."
"Matagal na ho ba nilang ginagawa 'yon?"
"Palagay ko, oo. Tingnan mo si Ramon, ang bilis niyang umasenso. Magmula nang siya ang mangasiwa sa bangka ni Allan, nakapagpatayo na siya ng bungalow. Kompleto na rin sila sa mga appliances. At balita rito, may nabili na siyang bahay sa Maynila. Kung sa kinikita lang sa pangingisda, hindi siya makapagpapatayo ng bungalow. Lalong hindi siya makakabili ng bahay sa Maynila."

PAPAGABI na naman. Napabuntong-hininga si Dana. Sinabi ni Bayani na wala siyang dapat na ipag-alala; pero tuwing aalis ito, tuwing hindi niya ito magigisnan sa kanyang tabi, hindi niya mapagil ang pag-aalala. Ang pangamba na isang araw ay tuluyan na itong hindi babalik.
Sa wakas ay narinig niya ang ugong ng motorsiklo ni Bayani. Patakbo siyang bumaba at sinalubong ito.
Mahigpit siyang niyakap nito at hinalikan sa mga labi.
Nagtaka siya sa halik na iginawad nito sa kanya. Mariin iyon, pero agad din siyang binitawan.
"Magbihis ka. May pupuntahan tayo." Nauna na itong umakyat sa itaas. Dinalawang-hakbang lang nito ang limang baitang na hagdan. Litong napasunod siya.
"Dalian mo," utos nito. "Magpantalon at jacket ka." Kinuha na nito ang isang bag at nilagyan ng mga damit niya. "Nasaan ang mga underwear mo?" Binuksan nito ang drawer. Padakot na kinuha ang kanyang panties at bra.
"T-teka... Bakit? Saan tayo pupunta?" Inagaw niya ang mga iyon sa kamay ng binata. Pero mabilis nitong inilayo ang mga underwear na hawak at isiniksik sa bag. Sunod na isinilid ang kanyang mga cosmetic na nasa ibabaw ng dresser.
"Mamaya na ako magpapaliwanag," ang sabi ni Bayani.
Nang makapagbihis na siya, at matiyak na naisara nang mabuti ang cottage, ay umalis na sila.

GABI na nang makarating sila sa farm. Bukas ang ilaw sa terasa. Naroroon sina Tagumpay at Malakas. Sinalubong sila ng mga ito.
Bumaba si Dana mula sa motorsiklo. At bago pa siya makabati sa mga dinatnan ay naiabot na ni Bayani ang bag sa kapatid na panganay.
"Kayo na muna ang bahala sa kanya," anito, pagkatapos ay bumaling sa kanya. Kinabig siya at mariing hinalikan sa mga labi. Wala itong pakialam sa presensiya ng dalawang kapatid. Hindi naman nagtagal at agad din siyang binitawan. "Hintayin mo ako rito. Babalik ako." Bago pa siya nakasagot ay pinaandar na nito ang motorsiklo.
"T-teka... Sandali!" habol niya pero malayo na ito.
"Halika na sa loob, Dana," sabi ni Tagumpay.
"Teka... Ano ito? Bigla na lang dumating ang lalaking iyon. He literally dragged me here pagkatapos ay iniwanan ako na wala man lang paliwanag?" sabi niya na mangiyak-ngiyak sa inis.
"Tara na sa loob. Doon ko na ipaliliwanag sa 'yo," banayad na ulit nito.
Gusto niyang tumutol pero alam niya wala rin siyang magagawa kundi sumunod sa sitwasyon. Hindi naman pupuwedeng doon na lang siya sa labas sa buong magdamag.
Naupo sila sa sala. Pumasok sa kusina si Malakas. Nang bumalik ay may dala nang isang tasa ng kape. "Wala na si Nana Saling kapag ganitong oras. Umuuwi iyon sa kanila. Magkape ka muna," alok nito.
"Salamat." Kinuha iyon at inilapag sa center table. Pagkatapos ay humarap siya kay Tagumpay.
Humigop na muna ito ng kape. Nasa mukha ni Dana ang pagkainip. Pero sa tingin niya, hindi ito ang klase ng lalaki na puwedeng apurahin. Tahimik siyang naghintay sa paliwanag nito kahit na nagpupuyos ang kanyang kalooban.
Sa wakas, ibinaba nito ang tasa ng kape at nagsalita. "Inihatid ka ni Ani dito dahil gusto niyang makatiyak na ligtas ka."
"Teka... Malabo yata. Bakit? Nanganganib ba ang buhay ko?" kunot-noong tanong niya. "Wala akong kaaway."
"Hindi rin niya masyadong naipaliwanag sa akin nang tumawag siya kanina. Sinabi lang niya na hintayin namin kayo at iuuwi ka niya rito. Sa trabaho ni Ani, hindi maiwasang marami siyang nakakabangga, Dana. Hindi ordinaryong mga kriminal ang mga iyon. At hindi mangingilag na idamay ang mga mahal niya sa buhay." Pagkasabi niyon ay tumayo na ito. "Magpahinga na tayo. Gabi na. Doon ka na sa kuwarto ni Bayani."
Inihatid siya nito sa kuwarto. "Huwag kang mag-alala, Dana. Ipagdasal na lang natin na ligtas siya."
Magdamag na hindi siya nakatulog. Madilim pa nang marinig niya na may kumikilos na sa kusina. Bumangon na rin siya at lumabas. Naroroon na si Nana Saling.
"Magandang umaga ho," bati niya.
Sandali itong natigilan, bago ngumiti. "Ikaw pala, Dana. Magandang umaga naman. Sandali, ipagtitimpla kita ng kape."
"Ako na lang ho. Ituloy na ho ninyo ang inyong ginagawa."
"Isasalang ko lang itong sinaing," anang matanda. Habang naghahanda ito ng almusal ay nakipagkuwentuhan naman si Dana.
Ipinagtaka niya na hindi man lang ito nagtanong kung bakit naroroon siya. Nakabukas ang radio sa pang-umagang balita.
"Nabuwag na ang pinaghihinalaang pinakamalaking sindikato ng mga nagpupuslit ng droga sa bansa. Kagabi ay nasakote ng mga awtoridad sa San Ramon ang sindikato sa aktong ibinababa ang mga kargamento mula sa mga bangka para ilipat sa naghihintay na sasakyan. Nagkaroon ng labanan. Limang pulis ang namatay..."
Namutla si Dana sa narinig. Hindi niya namalayan na nabitiwan niya ang hawak-hawak na tasa at bumagsak iyon sa kanyang paanan.
"Dana!" narinig niyang sigaw ni Nana Saling bago siya tuluyang nilamon ng kadiliman.
Nang muli siyang magmulat ay nakahiga na siya sa sofa. May bulak na ipinaamoy sa kanya.
Mabilis na nag-unahan ang luha sa kanyang mga mata.
"Hindi pa natin tiyak kung kasama do'n si Bayani. Pupunta ako sa headquarters," sabi ni Tagumpay. "Tibayan mo ang iyong loob."

Braganza (Bayani) - Maureen ApiladoWhere stories live. Discover now