Chapter 2

410 3 0
                                    

CHAPTER TWO

HINIHINTAY ni Dana ang dumarating na alon. Nang malapit na iyon ay sumasakay siya sa ibabaw niyon. Sumisinghap na pinunasan niya ang tubig sa mga mata, saka lumangoy siya nang patihaya sa tubig. Masarap sa balat ang tama ng sikat ng araw sa nakalutang na bahagi ng kanyang katawan.
Tuwing umaga, kapag maganda ang panahon, ay naroroon siya sa dagat. Lumalangoy. Iyon ang ehersisyo niya.
She could stay in the water forever; kaya lang ay may trabaho siyang kailangang tapusin. Muli siyang lumangoy ng ilang laps, saka umahon. Tinatamad na nagbalik siya sa cottage.

BINUKSAN ni Dana ang kanyang computer. Nang lumitaw ang date and time sa computer, nagulat siya. Mag-iisang buwan na pala siya sa lugar na iyon.
Nagtaka pa siya. Saan napunta ang mga araw? Ni hindi niya namalayan na nagdaan ang mga iyon. Napatanaw siya sa magandang tanawin sa labas—ang napakalawak na dagat; ang mangasul-ngasul na bundok sa dako pa roon.
This is a paradise! nasabi niya sa sarili. And she fell in love with the place at once. Tahimik. Sariwa ang hangin. Mababait ang kanyang mga kapitbahay na ang pinakamalapit ay may tatlong daang metro mula sa kinaroroonan niya.
Nagustuhan ni Dana ang simple at mabagal na takbo ng pamumuhay sa baryo. Kung saan puwede siyang huminto at makipagkuwentuhan sandali sa makakasalubong sa daan.
Everybody knew everyone's business. Hindi tulad sa siyudad. Ilang taon mo nang kapitbahay, pero hanggang ngiti at tango lang ang batian.
Natutuwa siya sa kanyang mga bagong kakilala. Nang malaman na isa siyang manunulat, they treated her like a celebrity. Lalo na nang magpamigay siya ng kopya ng kanyang mga libro. May mga nagpapirma pa sa kanya.
Natutuwa si Dana sa mga tao roon. Uso pa rin ang bayanihan. Madalas ay libre pa siya sa ulam. Pinahihingi siya ng isda. May nagsasabay din sa kanya sa pagluluto.
At marunong ding makisama ang mga ito. Kapag nakikitang hindi siya lumalabas ng bahay ay alam na ng mga ito na busy siya kaya hindi na siya inaabala.

ILANG chapters na lang at matatapos na ni Dana ang ikalawang nobelang sinusulat. Nagdadalawang-isip na tumayo siya sa harap ng computer. Kailangan na niyang pumunta sa palengke para mamili ng groceries. Wala na siyang sabon, toothpaste, kape, at kung ano-ano pa. Ubos na rin ang laman ng tangke ng Gasul. Wala na ring laman ang ref maliban sa mga nalanta nang gulay.
Nagmamadali siya. Gusto na niyang bumalik sa pagsusulat habang sariwa pa ang ideya sa isip niya. Paghinto ng sinasakyang tricycle, agad siyang bumaba. Ipinabuhat niya sa driver ang mga pinamili para ipasok sa patio.
Matapos niyang ibigay ang bayad ay umalis na rin agad ito.
Papanhik na sana si Dana sa cottage nang makitang may lalaki sa may likurang bahagi ng bakuran. Napakunot-noo siya.
Kinabahan siya nang lumapit ito. Para itong kontrabida sa isang action film; mukhang hindi dapat pagkatiwalaan.
Nakaitim na cap ito at naka-Ray Ban; at least, original iyon. Nakatali sa likod ang may-kahabaang buhok. Naka-jacket at pantalong maong na mukhang ilang araw nang hindi nalalabhan. Nike Air nga ang sapatos nito pero mula nang mabili ay mukhang hindi na iyon nakatikim ng brush at sabon.
Hindi niya masyadong makita ang mukha nito. Paano, bukod sa sombrero ay natatakpan pa ng makapal na bigote at balbas.
Nagtapang-tapangan si Dana kahit gusto na niyang kumaripas ng takbo at humingi ng saklolo sa kapitbahay. Pero alam niya, oras na ginawa niya iyon ay siguradong maaabutan siya ng lalaki.
"May kailangan kayo?" tanong niya na pilit pinatatatag ang loob.
"Miss Martin, 'yong nobelista?" Buo at malaki ang boses nito.
"Y-yes?" Lalo siyang kinabahan. Paano siya nito nakilala? Lihim niyang iginala ang tingin sa paligid. Tinitingnan niya kung may ibang tao sa malapit na puwede niyang hingan ng saklolo.
Lihim namang napamura ang lalaki nang makita ang takot sa kanyang mukha bagaman pilit niya iyong itinatago.

GUSTO niyang makuha ang tiwala ni Dana Martin.
Ngumiti siya.

LUMITAW ang mapuputi at pantay-pantay na ngipin ng lalaki nang ngumiti ito.
Bahagyang naalis ang pangingilag ni Dana. At least, malinis ang ngipin ng lalaki. Hindi puno ng nicotine at tartar.
"I'm sorry kung natakot kita, Miss Martin," hinging paumanhin nito. "Nang dumating kasi kami ay walang tao pero nakabukas naman ang cottage, kaya hinanap kita sa paligid."
Noong mga unang araw ni Dana roon, nagla-lock siya ng bahay kahit pupunta lang siya sa dagat. Pero bandang huli, nang makilala na niya ang mga tao roon ay tiwala na siya. Nakakaalis siya ng bahay kahit na hindi mag-lock. Almost zero ang crime rate sa baryong iyon. Ang pinakamalaking event sa lugar ay kapag nagmurahan ang mga nag-iinuman sa pondohan. Kahit nakawan ay walang nangyayari.
"Ako si Lieutenant Braganza mula sa PNP-Provincial Command," pakilala ng lalaki.
Pulis ito? Buong pagdududang tiningnan niya ang lalaki mula ulo hanggang paa. Mas mukha itong goon kaysa pulis. Awtomatikong napatingin siya sa tiyan nito. Pipis iyon. Hindi alsado.
May dinukot si Braganza sa bulsa. Lalong namutla si Dana nang makita ang baril sa may baywang nito.
Inilabas ng lalaki ang ID, driver's license, at iba pang pagkakakilanlan at ipinakita sa kanya. Tiningnan niya ang mga iyon.
Lt. Bayani Braganza. Nasa Anti-Organized Crime Group-Intelligence Unit ito. Marami siyang nababasang spy stories na napakadaling i-falsify ang mga iyon kung alam mo lang kung sinong tao ang dapat na lapitan.
Naghihintay ang lalaki. Nasa anyo na nito ang impatience.
Ibinalik ni Dana rito ang mga hawak. Palihim niyang ipinagkrus ang mga daliri na sana ay totoo ang sinasabi ng tenyente.
"B-bakit ho? May nagawa ho ba akong—"
"Miss, pupuwede bang pumanhik muna tayo sa itaas? Doon ko na ipaliliwanag ang sadya namin sa 'yo," anang lalaki. Bago pa siya nakapagsalita ay binitbit na nito ang kahon na may lamang groceries.
Wala siyang nagawa kundi ang sumunod.

NAPALUNOK si Dana. Muli siyang kinabahan. Kung totoong pulis ang kaharap, na sana nga ay totoo, bakit siya nito pinuntahan? Kahit anong pilit niya ay wala siyang maisip na kasalanan sa batas at sa kanyang kapwa.
Nang bigla ay maalala niya na hindi pa siya nakakapaghulog sa kanyang credit card. Pero wala pang isang libong piso ang balanse sa kanyang credit card. Iyon kayang bill niya sa cell phone? But for sure, hindi naman iyon aabot sa napakalaking halaga para ipaaresto siya sa pulis.
Don't panic! paalala ni Dana sa sarili. "Nasaan ho ang kasama ninyo?" tanong niya.
"Bumalik sa bayan. Bumili ng food supplies at ilang mga gamit. Kung pupuwede, umalis ka na muna rito. Ililipat ka namin sa hotel sa bayan. Kami ang bahala sa lahat ng gastusin."
Tumaas ang isa niyang kilay. Nanaig ang likas na katarayan niya. "At bakit? Ako ang nakatira dito, bakit kailangan n'yo akong paalisin? Sino ang nagbigay sa inyo ng permiso na paalisin ako rito? Kaibigan ko ang may-ari ng cottage na ito at sinabi niya sa akin na puwede akong tumira dito hanggang gusto ko. At wala pa akong balak na umalis dito."
"Miss, hayaan mo muna akong magpaliwanag. Iisa pa lang ang sinabi ko, nakarami ka na," sabi ng pulis na nagpakilalang Bayani. Halata ang pagkainis sa boses nito; mukhang ayaw sa babaeng maarte at mabunganga.
Humalukipkip si Dana. "All right. Go ahead. Gandahan mo ang paliwanag... Tenyente," may pag-aatubiling dugtong niya.
Hinubad ng lalaki ang suot na jacket. Lihim niyang nahigit ang hininga. Naka-T-shirt na puti ito na fit sa katawan. He has a muscular body. Pipis ang tiyan. Napatingin siya sa baril na nakasuksok sa baywang nito.
Inalis nito ang suot na shades. Napaawang ang mga labi ni Dana. She was a writer pero nang mga sandaling iyon ay wala siyang maisip na angkop na adjective para i-describe ang mga matang iyon. Sexy? Bedroom eyes?
Natawa siya sa sarili. Hindi niya sigurado kung ano talaga ang hitsura ng sinasabing "bedroom eyes." Makapal at mahaba ang mga pilik-mata ng lalaki. Makapal, itim na itim at maganda ang pagkakaayos ng mga kilay nito.
Malinaw ang pagkaitim ng mga mata nito na kapag tumitig, it seemed saying a thousand promises.

NAKADAMA ng bahagyang pagkaasiwa at iritasyon si Bayani habang pinag-aaralan siya ng kaharap. He never felt comfortable when somebody tried to dissect him.
Huminga siya nang malalim bago nagsalita. "Ang lahat ng sasabihin ko sa 'yo ngayon ay para sa 'yo lang. Huwag na huwag mong babanggitin sa iba. Maliwanag ba?"

NAIRITA si Dana sa lalaki. May kayabangan itong magsalita. "Why?"
"We are on a covert operation. At ito ang area namin."
Hindi makapaniwalang napatitig siya rito. Pagkatapos ay natawa siya. "That's ridiculous! Tenyente, mahigit isang buwan na ako rito. And I assure you, tahimik at payapa ang lugar na ito. Wala akong nakikitang kahina-hinalang nangyayari sa paligid."
"Alam namin iyon, Miss Martin. Pero may nangyayari sa lugar na ito na hindi ninyo alam. Matagal na naming sinusubaybayan ang kasong ito."
"Anong kaso?" kunot-noong tanong ni Dana.
May pagkayamot ang tingin na ipinukol nito sa kanya. "Isang big time syndicate. Drugs. Smuggling. Ayon sa impormante namin, sa baybaying ito ang dropping point ng sindikato. At dahil tanging ang bahay lang na ito ang nasa strategic location, ito ang kailangan namin."
"Ganoon?" Hindi pa rin siya naniniwala. "Okay, kayo ang bahala. But I assure you, nagsasayang lang kayo ng pagod." Tumalikod na siya para pumasok sa loob.
"Good. Tutulungan na kitang mag-empake," sabi nito.
Biglang napahinto si Dana sa pagpasok sa loob at humarap sa lalaki. Dahil hindi alam ni Dana na kasunod niya ang lalaki, bumangga siya sa dibdib nito.
Daig pa niya ang bumangga sa pader. Muntik na siyang matumba kung hindi siya maagap na nahawakan nito sa baywang.
"Oops! Sorry!"
Parang napapasong mabilis siyang lumayo. Nahimas niya ang ilong na pakiwari niya ay nabali sa lakas ng pagkakabunggo niya sa dibdib nito.
"Anong mag-eempake?" mataray na tanong niya.
"Miss, hindi mo ba naiintindihan ang sinabi ko? Kailangan mong umalis sa bahay na ito. I'm sorry for the inconvenience."
Pinamaywangan ni Dana ang lalaki. "Mamang pulis, ako ang nakatira sa bahay na ito. Alam ko kung ano ang karapatan ko. Hindi mo ako basta-basta mapapaalis." Naisip niya ang nobelang malapit na niyang matapos. No way! Lalong hindi siya dapat umalis. Tatapusin niya iyon. "Paano ako nakakatiyak na totoo ang lahat ng sinasabi mo?"
Muli siyang tinapunan ng lalaki ng nayayamot na tingin. Kinuha nito ang cell phone sa bulsa ng jacket at nag-dial. Saglit na may kinausap ito sa kabilang linya at pagkatapos ay iniabot iyon sa kanya. "You can talk to my superior."
May pag-aatubiling inabot ni Dana ang cellphone. "Yes?"
Ipinaliwanag ng lalaki sa kabilang linya na kung gusto niyang mag-verify ay pumunta na lang siya sa tanggapan ng PNP sa Tuguegarao.
"Hindi na ho kailangan," sabi niya. Malayo sa kinaroroonan nila ang Tuguegarao. Maaabala pa siya.
Halatang nakahinga naman ng maluwag si Bayani nang marinig ang sinabi niya. "Does it mean na payag ka nang umalis?" tanong nito nang i-off na niya ang CP.
"No. You can stay here. Pero iisa ang kuwarto sa bahay na ito. Dito kayo sa sala matutulog. Ililipat ko na lang ang computer ko sa kuwarto," sabi niya.
She knew she was taking a risk living with two men. Pero mas mabuti na iyon kaysa mapagsolo sila ng lalaking ito. Hindi pa siya handang umalis. Nang biglang may kumislap sa isip ni Dana. Matagal na niyang gustong sumulat sa Secrets at Bestseller ng Precious Hearts. Baka-sakaling makatulong sa kanya ang maging witness sa crime scene. Nakadama siya ng excitement. Tumingin siya sa paligid. Naghahanap ng puwedeng mapagtaguan kapag nagkabarilan na.
"Miss Martin, inilalagay mo sa panganib ang buhay mo. Mas makabubuting umalis ka na."
Higit na naging determinado si Dana nang marinig ang salitang "panganib." Sa buong buhay niya, ang pinakamapanganib na kanyang ginawa ay nang tumawid siya sa EDSA at eksaktong nag-"go" ang traffic light. Muntik na siyang masagasaan ng bus.

Braganza (Bayani) - Maureen ApiladoWhere stories live. Discover now