Chapter 6

316 3 1
                                    

CHAPTER SIX

NAPAPADALAS ang sulyap ni Bayani sa nakasaradong pinto. Napabuntong-hininga siya. May kasama nga siya sa bahay pero mas madalas namang nagkukulong sa kuwarto kaysa lumabas at makipag-usap sa kanya.
Nitong mga huling araw ay halos hindi lumalabas ng kuwarto si Dana. Gabing-gabi na ay bukas pa ang ilaw nito sa kuwarto. Hindi nga niya sigurado kung kailan ito natutulog at kung kailan nagtatrabaho. Lalabas lang ito kapag kakain o gagamit ng banyo.
How he wished she would come out at makipagkuwentuhan naman sa kanya. Nakakainip din ang mapag-isa.
Isa iyon sa nakakabagot na parte ng kanyang trabaho—ang maghintay. Sa intelligence work, kailangan ang dobleng tiyaga. Dahil once na maging impatient ka, doon na nagkakaroon ng problema. Nagiging pre-mature ang mga plano. Nasisilat.
Napatingin si Bayani sa kalendaryo. May ilang araw pa siyang maghihintay. Kung totoo ang mga impormasyong nakalap niya, this time ay masasakote na nila ang pinakamalaking sindikato na nagpapasok ng mga droga sa bansa.
Pagkatapos ng operasyong iyon ay puwede na siyang magpahinga nang matagal-tagal. Ilang buwan na rin siyang hindi nakakauwi sa kanila. Nami-miss na niya ang farm. Lalo na ang kanyang mga kapatid.
Naisip din niya na baka nakapanganak na si Alta. Ang pagkakaalam niya ay kabuwanan na nito.
Nalulungkot siya para kina Alta at Malakas. Mag-aanim na taon na ang nakalilipas ay hindi pa rin matanggap ng mga magulang ng hipag ang kanyang kapatid.
Napangiti si Bayani. Alam niya kung gaano kamahal ni Malakas ang asawa. Saksi siya sa naging paghihirap nito nang bawiin si Alta ng mga magulang nang magtanan ang mga ito. At hindi lang ipinakulong ng mga magulang ni Alta si Malakas, ipinabugbog pa.
Teenager pa lang siya noon. Pero naipangako niya sa sarili na hindi niya mapapayagang mangyari din sa kanya ang ganoon.
Pero tulad ng ibang mga kapatid, hangad din niyang makamtan ng mag-asawa ang lubos na kaligayahan. At mangyayari lang iyon kapag tuluyan nang napatawad ng mag-asawang Valencia ang mga ito.
Umaasa sina Alta at Malakas na ang anak ng mga ito ang magiging susi para tanggapin sila ng mga magulang ni Alta.
Napatiim-bagang si Bayani. Naiinis siya sa pagiging matapobre ng mga magulang ni Alta. Naipangako tuloy niya sa sarili na kailanman ay hindi siya papatol sa isang mayamang babae.
So far, wala pa naman siyang nakikitang babae na gusto niyang makasama habang-buhay. Sa klase ng trabaho niya ngayon ay hindi pa siya dapat na magkaroon ng pamilya. And he loved his freedom too much.

"HEY, MUKHANG kasinglalim ng Pacific Ocean ang iniisip mo," untag ni Dana mula sa likuran ng binata. Kunot-noong lumingon ito.

NAPALINGON si Bayani. Hindi niya namalayan ang paglapit ni Dana. Napakunot-noo siya. At nabahala. He was usually alert. Kailangan iyon sa trabaho niya. Nalalagay sa panganib ang buhay ng isang agent kapag nagiging dull ang senses nito.

INILAPAG ni Dana ang dala-dalang pitsel ng juice at baso sa ibabaw ng center table. "May problema ba?" tanong niya na nakatitig sa mukha ng binata. Nakakunot-noo pa rin ito.
Naipilig nito ang ulo. "Wala. May iniisip lang ako."
"Juice?" alok niya. Sinalinan niya ng juice ang mataas na baso at iniabot dito.
"Salamat. Pero mas gusto ko ng kape."
"Sandali. Igagawa kita," sabi niya.
"Ako na lang," agap nito.
"Huwag na. Ako na lang. Lately, you waited on me hand and foot. Now it's my turn," sabi niya. Nagbalik siya sa kusina. Nang muling lumabas ay may dala na siyang isang tasa ng mainit na kape at sandwiches na nasa plato. "Baka 'kako nagugutom ka na. Nagugutom kasi ako."
"Mabuti't nakakaramdam ka rin pala ng gutom," matabang na sagot ni Bayani.
Bahagyang napaangat ang kanyang kilay. "My! My! We're in foul mood, aren't we? Akala ko, mga artist lang ang moody."
Saglit na tinapunan siya nito ng tingin. Pagkatapos ay kinuha ang tasa ng kape at tumalikod sa kanya. Tumanaw ito sa dagat habang humihigop.
Kinuha naman ni Dana ang kanyang juice at tinabihan ang binata sa kinatatayuan nito. "Sorry," hinging-paumanhin niya.
Lumingon ito sa kanya. "Pasensiya ka na rin. You're right, medyo masama ang timpla ko," amin naman nito.
Ngumiti siya. "Lahat naman ng tao ay may kanya-kanyang sumpong. Hindi naman pupuwedeng lagi ka na lang masaya o lagi ka na lang malungkot. Sandwich?" alok niya para maiba ang usapan.
"Salamat." Kumuha si Bayani at kumagat. "Hmm... masarap kang gumawa ng sandwich. Ano'ng inilagay mo rito?"
Napahagikgik si Dana. "Huwag mo nga akong bolahin. Ipinalaman ko lang diyan 'yong tira nating itlog at longganisa kaninang umaga."
"Pero ito na ang pinakamasarap na sandwich na natikman ko sa buong buhay ko." Muli itong kumagat. At muntik na itong mabilaukan.
Natatawang iniabot niya rito ang kanyang juice. "Ikaw talaga, ang bilis mong mag-switch ng mood."
"Ano ba ang gusto mo? Maghapon akong nakakunot-noo?" anito matapos uminom ng juice.
"No. Mas gusto ko ang ganito ka. Masaya," sabi naman niya. Malakas ang sense of humor ni Bayani. Lagi siyang napapatawa nito. Iyon ang kailangan niya.
"Mabuti't lumabas ka na sa kuwarto. Kung nagtagal-tagal ka pa ro'n baka hindi na ako nakapagpigil ay gigibain ko na ang pinto."
"Bakit naman?"
"Naiinip na kasi akong walang kausap. Hindi naman ako makapagpatugtog ng cassette. Baka maistorbo ka, bulyawan mo na naman ako."
"Sorry nga pala do'n," sabi niya. "Kapag nawala kasi ako sa konsentrasyon sa sinusulat, nahihirapan na akong ituloy iyon."
"Naiintindihan ko. Kumusta na ang isinusulat mo?"
Non-commital na ikinibit niya ang mga balikat. "It's one of those na hindi mo alam kung saan tatakbo ang kuwento." She was never comfortable kapag ang trabaho niya ang pinag-uusapan. Ayaw rin niyang ipabasa sa iba ang kanyang nobela hangga't hindi tapos.
She was always insecure of her novels kahit alam niyang maganda ang kanyang pagkakasulat. Hangga't hindi inaaprubahan ng editor ay kinakabahan pa rin siya. Nag-aalala rin siya na baka hindi iyon magustuhan ng readers.
At tulad ng lahat ng writers, gusto niyang magustuhan ng mga mambabasa ang kanyang mga isinusulat. Hindi naman siya nangangarap na maging isang Palanca Awardee. Ang importante ay tangkilikin siya ng mga mambabasa at subaybayan ang kanyang mga kuwento. Writing is her bread and butter now. Pero hindi lang iyon; iba ang kasiyahang kanyang nararamdaman tuwing makikita niya ang kanyang mga kuwento na naka-print na at nasa mga bookstore.
Nangawit na siya sa pagkakatayo. Naupo siya sa armchair na yari sa kawayan. Sumunod din si Bayani. Naupo ito sa tabi niya.
"Ikaw, kumusta naman ang trabaho mo?" Tumingin si Dana sa dagat. Napapansin niyang madalas itong nakatingin doon gamit ang telescope. Pero kahit anong tanaw ang gawin niya, wala naman siyang nakikitang kakaibang activities, sa dagat man o sa paligid. "Ano ba talaga ang hinihintay mo?"
Ito naman ngayon ang nagkibit-balikat. "Hindi ko nga alam kung may hinihintay nga ako o wala. Pero hangga't hindi ako nire-recall sa itaas, I have to stay here."
"Di hindi ka na nakakauwi sa inyo?" usisa niya.
"Hindi na nga, eh. Magtatatlong buwan na. Kung tutuusin ay tagarito rin ako; pero hindi ko magawang magpakita sa amin habang hindi natatapos ang misyon ko."
"Tagasaan ka ba?"

"SA TUGUEGARAO din. Sa baryo nga lang kaya malayo kami sa bayan. Bukid na ang tinitirhan namin."
He wanted her to know about him and his family. Kaya nagkuwento siya. Na pito silang magkakapatid at maagang naulila sa mga magulang.
"Ang panganay namin, si Kuya Umpay, ang tumayong ama at ina naming magkakapatid. Kahit hanggang ngayon. Mukhang tatandang binata na nga 'yon dahil sa pagsubaybay sa aming anim."
"Pang-ilan ka?" Patuloy si Dana sa pag-uusisa.
"Pang-apat. Matanda ako kay Dak ng limang minuto."
"May kakambal ka?"
Ngumiti si Bayani, sabay tango. "Identical twins kami. Pareho kaming makati ang paa. Nang magpulis ako pagkatapos na makakuha ng ilang units sa college, gusto na rin ni Dak na magpulis. Pero ayaw pumayag ni Kuya at ni Tata Pedring, iyong kapitbahay naming hepe ng pulisya. Siya ang nagpasok sa akin. Kung magkasama kasi kami ni 'Bal, kung ano-anong kabulastugan ang napapasukan namin. Dahil hindi pinayagang magpulis, nag-apply na lang siyang seaman. Hayun, nalibot na yata niya ang buong mundo."
"'Duck' ang pangalan ng kakambal mo? As in 'bibe'?"
Napahalakhak ito. "Hindi. 'Dak,' short for 'Dakila.' 'Umpay' is 'Tagumpay.'"
"Dakila, Tagumpay, Bayani... tell me ano'ng pangalan no'ng apat pa?" sa pagitan ng curiousity at amusement ay tanong ni Dana.
"Magiting, ang sumunod sa panganay. Si Malakas ang pangatlo. May asawa na ang dalawang 'yon. Dalawa na ang anak ni Manong Giting, isang lalaki at isang babae. Si Alta, ang asawa ni Lakas, ay buntis na rin. Halos limang taon din ang pinaghintay nila bago magkaanak. Siguro by this time, nakapanganak na si Alta. Si Marangal, ang pangalawa sa bunso, ay malapit nang maging abogado." Nasa tinig ni Bayani ang pagmamalaki. "Ngayon pa nga lang ay kinukuha na siya ng isang kilalang law office sa Maynila. Iyong bunso, si Trese, ay nasa medicine proper na sa UST. Hopefully, kapag naging ganap na siyang doktor ay makakahinga-hinga na rin kaming magkakapatid."

TOTOONG na-impress si Dana. "Siguro, malaki ang kabuhayang naiwanan ng mga magulang ninyo. Biro mong nakapag-aral kayong lahat."
Umiling ang binata. "Ilang ektaryang lupang sakahin lang ang naiwanan nina Tatay at Nanay. At hindi kami nakapag-aral lahat. Si Kuya Umpay ay nakatuntong lang ng unang semestre sa kolehiyo nang mamatay ang aming mga magulang. Si Dak ay high school graduate lang. Si Manong Giting ay high school drop-out. Wala kasing hilig 'yon sa pag-aaral. Si Lakas ay nagtapos ng tatlong taong kurso sa Agricultural Technology. Ako naman, nakailang units nga lang sa college. Nasa PNP na ako saka ako nag-schooling. Bukod tanging sina Rangal at Trese ang nakapagkolehiyo sa Maynila. Parehong scholar ang mga 'yon. Kaya lang hindi naman sapat iyon. Marami pa rin silang pangangailangan na hindi sakop ng scholarship nila. Kaya nga nagpulis ako para makatulong."
Lalong napahanga ang dalaga. "Someday, I would like to meet your brothers."
Napangiti si Bayani. "Hayaan mo, pagkatapos ng misyon ko, aanyayahan kita sa bahay para makilala mo sila."
"I like that." Hindi pa man ay excited na si Dana. "Curious lang ako, bakit Pilipinong-Pilipino ang mga pangalan ninyo?"
"Ewan ko ba sa tatay namin. Dati kasi siyang miyembro ng HUKBALAHAP noong araw— Hukbong Bayan Laban sa Hapon. Kaya may pagkamagiting talaga. Pero mas gusto ko na rin ang 'Bayani' kaysa bigyan ako ng pangalan na kinuha sa kalendaryo ni Lopez. Kung hindi, baka ang lumabas pang pangalan ko ay 'Policarpio' o kaya ay 'Serafio.'"
Napahagikgik siya. "Bakit iyong bunso ay 'Trese' ang ipinangalan?" muli niyang tanong.
"Dahil anim na kaming puro lalaki, gusto ng tatay ko ay magkaanak ng babae naman. Ayaw na nga sana ni Nanay pero humirit pa si Tatay. Nang lumabas ang bunso at lalaki pa rin ay pinangalanan na ni Nanay ng 'Trese.' Para daw tumigil na ang tatay. Paalala 'yon na baka umabot pa kaming magkakapatid sa trese."
"Talaga?" Inihit siya ng tawa sa kuwento nito.
"Oo. Iyon ang laging kuwento no'n ni Nanay sa mga kapitbahay namin. Isa pa, November thirteen kasi ang birthday ni Trese."
"Ayon! Niloloko mo naman ako, eh." Pinagkukurot niya ito sa tagiliran.

NAKATAYO si Bayani sa ilalim ng malaking puno. Itinutok niya sa dagat ang dalang high-powered telescope. Tinitingnan ang activities ng mga mangingisda roon. Pero wala sa ginagawa ang isip niya.
He has an analytical mind. Masusi niyang ina-analyze ang nangyayari sa kanya. Kanina, ni hindi niya namalayang nakalapit na pala si Dana sa kinaroroonan niya. Masamang senyales iyon. Nangangahulugan na wala na sa trabaho ang kanyang buong konsentrasyon. At mapanganib iyon para sa kanya.
Napabuntong-hininga si Bayani. Dana Martin was a big distraction. His senses were always on her. Kahit na ilang talampakan ang layo nito sa kanya, naaamoy pa rin niya ang scent ng shampoo at sabon na gamit nito; ang natural feminine scent nito na nakapagpapabilis ng daloy ng kanyang dugo.
Napailing siya. Daig pa niya ang trained dog na ginagamit ng mga pulis para maamoy ang mga ipinupuslit na droga.
Noon, kapag nasa misyon siya, one hundred percent na nakatuon doon ang kanyang konsentrasyon. Pero ngayon ay iba na ang laging nilalakbay ng isip niya.
Isang pagkakamali na hinalikan niya si Dana. Dahil tulad ng isang pagkaing bawal, sa oras na matikman ay siguradong hahanap-hanapin.

Braganza (Bayani) - Maureen ApiladoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon