Chapter 12

456 6 0
                                    

CHAPTER TWELVE

PATULOY pa ring pinagpipistahan ng media ang kaso nina Cong. Alvaro at Col. Linsangan. Nakadama ng frustration si Bayani habang nakikinig sa balita.
"Mukhang walang mangyayari sa kaso. Baka makalusot pa si Congressman Alvaro at Coronel Linsangan," malungkot niyang sabi.
Ngumiti si Marangal. "Hayaan mo silang magdiwang. Kapag lumabas ang star witness namin, mawawala ang ngiting 'yan ni Congressman."
Ang magaling na abogado na kasama ni Rangal sa law firm kung saan ito nagpa-part-time job ang defense lawyer ni Anton Panganiban, ang investigative reporter na nag-expose sa isa sa pinakamalaking sindikato sa bansa.
Iniba na ni Rangal ang usapan. "Buntis pala si Dana," kaswal na sabi nito. Matamang hinintay ang magiging reaksiyon ng kapatid.
Namutla si Bayani sa narinig. Matagal siyang nawalan ng kibo.
"P-paano mo nalaman?" sa wakas ay naitanong niya.
Pahapyaw na ikinuwento ni Marangal ang naging encounter nina Dana at Trese sa PGH.
Napatiim-bagang siya. Pagkatapos ay huminga nang malalim. "Kumusta na siya?"
"She's fine."
Muli siyang natahimik. Iniwan na muna siya ng kapatid. Hinayaan siya nitong makapag-isip.
Buntis si Dana! Unti-unting gumuhit ang tuwa sa kanyang mukha. Parang gusto niyang lumundag sa sobrang kaligayahan.

PAGBALIK ni Marangal, nakita nitong maaliwalas na ang mukha ni Bayani. May bakas na ng ngiti sa kanyang mga labi.
"Hindi ko na kailangang hulaan. Ikaw ang ama ng dinadala ni Dana, hindi ba?" May panunukso sa tinig nito.
"Walang duda, anak ko 'yon." May himig-pagmamalaki ang tinig niya.
"Ano'ng plano mo ngayon?"
Naipilig niya ang ulo. Nasobrahan yata siya ng anesthesia. Hindi na kasimbilis ng dati ang takbo ng isip niya sa pag-analisa ng sitwasyon.
"Of course, susuportahan ko ang bata," pagkatapos ay sabi niya. "Alam kong hindi naman 'yon ipagkakait sa akin ni Dana. It's better this way." Pagkasabi niyon ay tumayo na siya.
"Saan ka pupunta?" habol ni Marangal.
"Pupuntahan ko siya. Kailangang magkausap kami."
"Hindi ka muna magbibihis?"
Napatingin siya sa kanyang suot. Naka-shorts at T-shirt lang siya. Pumihit siya para magbihis.
"Baka naman mabigla si Dana kung bigla ka na lang susulpot doon. Hayaan mo munang kausapin ko siya. Nangako kasi ako sa kanya na hindi ko sasabihin sa 'yo na buntis siya."
Napatiim-bagang si Bayani. "Bakit? Balak niyang itago sa akin ang anak ko?"
"Hindi naman siguro. Right now, she's not feeling well. Baka makasama sa kanya ang bigla mong pagsulpot doon."
Napakunot-noo siya. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Naglilihi 'yong tao. Siyempre, masama ang timplada ng katawan," dahilan ng kapatid.
Napabuntong-hininga siya. Nasa mukha pa rin niya ang labis na pag-aalala. "Gusto ko siyang makita..."
"Hayaan mo. Kakausapin namin siya ni Trese."
"Okay. Kapag nagkausap kayo, sabihin mo sa kanya, hindi niya puwedeng itago sa akin ang anak ko. Kaya ko siyang sundan kahit saang lupalop ng mundo."
"Hey, relax! Right now, hindi magagawang magtago ni Dana. Hindi man niya inaaming ikaw ang ama ng magiging baby niya, alam naman niya na alam naming sa 'yo 'yon."
"Mabuti't hindi niya ipina-abort ang bata, kundi makakapatay ako ng tao," galit na sabi niya.
"Do you really believe na magagawa iyon ni Dana?"
Napipilan siya. Maikling panahon lang na nagkakilala sila ni Dana; pero tiyak niya, kahit ano ang mangyari ay hindi nito magagawa iyon. She's a decent woman.

NAKAHINGA ng maluwag si Dana. Sa wakas ay pinauuwi na rin siya ng kanyang doktor. Inabot siya ng tatlong linggo sa hospital.
"Huwag kang masyadong magkikilos. Huwag kang magbubuhat ng mabibigat. Huwag kang masyadong mag-iisip," bilin ng doktor. Patuloy pa rin ang pag-inom niya ng gamot. At linggo-linggo ay kailangan niyang magpa-check-up.
Ang tatay na lang niya ang sumundo sa kanya sa ospital.
"Ready?" tanong ni Trese na bigla na lang sumulpot.
Napatingin siya rito.
"Ihahatid ko na kayo. Hiniram ko ang kotse ni Marangal," alok ni Trese.
"Magta-taxi na lang kami ni Tatay. Maaabala ka pa," magalang na tanggi niya.
"Okay lang 'yon," anito, pagkatapos ay binuhat na nito ang bag niya. Ang tatay niya ang nagtulak sa kanyang wheelchair.
Lihim na napapailing na lang si Dana. Hindi kasintigas ng mga mas nakakatandang kapatid ang dating ni Trese; pero tulad ng iba pang Braganza brothers ay hindi rin ito marunong tumanggap ng salitang "hindi."
Sa backseat siya pinaupo. Ang tatay niya ang naupo sa tabi ni Trese. Matapos tiyaking komportable na siya sa likod, more or less ay inignora na siya ng dalawa. Ang mga lalaki ang nagkukuwentuhan.
Ang alam ng kanyang ama ay nakilala niya si Trese sa ospital at naging kaibigan. Madaling nakuha ng binata ang loob nito. Likas kasing madaling kagaanan ng loob si Trese.
Pagdating sa kanilang bahay ay kinausap siya ni Trese nang masinsinan bago umalis. "Gusto kang makausap ni Ani," sabi nito.
"'Di ba nangako ka sa akin na hindi mo sasabihin sa kanya?"
"Hindi ako ang nagsabi, si Rangal," katwiran nito.
Napabuntong-hininga si Dana. "Trese, I thought you understand. Ayoko na uling ma-involve sa kapatid mo. It's better we part this way. The pain will be lesser. Huwag kayong mag-alala, hindi ko naman ipagkakait ang baby ko sa inyo. Hindi man niya tataglayin ang apelyidong Braganza, makikilala niya kayo bilang mga tiyuhin. I'm sure, ipagmamalaki niya ang kanyang angkan."
Banayad na hinawakan siya ni Trese sa balikat. "Thanks, Dana. Pero kailangan pa rin ninyong mag-usap ni Ani. We can no longer put him off."
"Hindi na magbabago ang pasya ko, Trese. Habang ganoon pa rin ang trabaho niya—"
"Then talk to him," putol nito. "Anu't anuman ang mangyari, ituring mo pa rin kaming kaibigan. Handa kaming tumulong in anyway we can."
"I'll always remember that." Bahagya siyang ngumiti. Huminga siya nang malalim bago sinabi, "All right, kakausapin ko siya."
"Thanks!" Sa labis na tuwa ay nahalikan siya ni Trese sa pisngi. At masayang nagpaalam na ito.

HINDI mapakali si Dana. She was nervous. Alam niyang makakasama sa kanya iyon kaya she tried to relax. Nahiga siya. Nilagyan niya ng unan ang kanyang pang-upo. Kahit ano ang mangyari, ayaw niyang may mangyaring masama sa kanyang baby.
Mayamaya'y narinig niya ang paghinto ng sasakyan sa tapat ng bahay nila. Alam niyang si Bayani na iyon. Sinikap niyang magpakahinahon. Muli siyang bumangon at humarap sa salamin. Hindi niya gusto ang nakikitang repleksiyon. Humpak ang kanyang pisngi. Maputla siya. Inis siyang tumalikod sa salamin at lumabas na.
Kalmado siyang naghintay sa sala habang pinatutuloy ng ina ang dumating.
Nakatutok ang paningin niya sa pinto. She wasn't prepared in what she saw. Si Ani! Pumayat ito nang husto. Maputla pa rin ang kulay. Ang damit nito'y ang malimit pa ring isuot— puting T-shirt. Hindi na nga lang iyon gaanong fit sa katawan nito. At ang pantalon ay bahagyang nalalaglag sa baywang.
Napatigil naman si Bayani sa may pinto. He looked at her. Higit siyang payat kaysa dati. At maputla. Inilang-hakbang nito ang espasyo sa pagitan nila.
Namalayan na lang ni Dana ang sarili na mahigpit na nakakulong sa mga bisig nito. Mayamaya pa ay mariin siya nitong hinalikan sa mga labi. Kapwa sila luhaan.
Samantala'y nabigla si Aling Lourdes. Malakas na naisara nito ang pinto.
Nagulat ang dalawa sa ingay na nilikha niyon. Parehong napabitiw sa isa't isa.
"N-Nanay..." sambit ni Dana.
"Ano'ng ibig sabihin nito?" Galit na nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanila. Humakbang ito palapit. Hinarap si Bayani. "Ikaw ang ama ng dinadala ni Dana, hindi ba? Hoy, lalaki! Hindi kami papayag na hindi mo pakasalan ang anak ko."
"Nanay?!"
"Maria Magdalena, nagkakamali ka kung inaakala mong papayag na lang ako sa katwiran mo na isisilang mong walang ama ang anak mo."
Kasalukuyang nasa likod-bahay si Mang Johnny. Nang marinig ang malakas na boses ng asawa ay mabilis itong pumasok sa loob.
"Bakit? Ano'ng nangyayari dito?"
"Heto ang magaling na lalaki na nakabuntis sa anak mo!" galit na sabi ni Aling Lourdes.
Tumingin kay Bayani ang matandang lalaki. "Totoo ba?" tiim-bagang na tanong nito.
"Oho," walang-gatol na amin ng binata.
"Pakakasalan mo ang anak ko o hindi?" malamig na tanong ni Mang Johnny.
Tumingin muna kay Dana si Bayani bago sumagot. "Handa ko ho siyang pakasalan kahit anong oras. Pero ang anak ho ninyo ang magpapasya kung tatanggapin niya ang alok ko."
"Dana?" baling ni Mang Johnny sa anak.
"T-Tatay, N-Nanay, hayaan na muna ninyo kaming mag-usap. Marami kaming bagay na dapat munang pag-usapan."
"Huwag mong sabihin na tatanggi ka, Dana?" galit na tanong ng nanay niya.
Hinawakan ito ng kanyang tatay sa kamay. "Hayaan mo muna silang mag-usap. Malaki na ang anak mo. Alam na niya kung ano ang makabubuti at makakasama sa kanya."
"Hayan ka na naman!" usig ni Aling Lourdes sa asawa. "Napakaluwag mo sa anak mo kaya nagkakaganyan." Pagkasabi niyon ay muli nitong hinarap ang anak. "Try to be sensible this time, Dana. Huwag na ang sarili mo ang isipin mo, kundi ang magiging anak ninyo. Kailangan niya ang isang ama."
Iniwanan na sila ng mag-asawa. Kapwa tahimik ang dalawa. Napatingin si Dana sa binata.
"Inahit mo na pala ang bigote at balbas mo," bigla ay iyon ang kanyang nasambit.
Hindi napigilan ni Bayani ang sarili. Napahalakhak ito. Dahil doon ay nawala ang tensiyon sa pagitan nila. Napailing ito. "You still say the most unexpected things."
Napangiti rin si Dana. Now, she really looked at him. Maiksi na rin ang buhok nito. And this time, he looked less formidable.
Huminga ito nang malalim. "Naiintindihan ko kung bakit hindi ka na nagpakita sa ospital pagkatapos mong malamang ligtas na ako. But understanding didn't make it less painful. Matagal kong pinag-isipan iyon bago ko natanggap. It's better if we part this way."
Anyong magsasalita si Dana pero maagap siya nitong pinigilan. "Hayaan mo muna akong makatapos. Nang sabihin sa akin ni Rangal na buntis ka, I wanted to see you, pero pinigilan niya ako at ni Trese. No'ng isang araw ko lang nalaman na nasa ospital ka pala. Gusto kong buntalin ang dalawang 'yon! Ang sabi ko sa sarili ko, ang importante lang sa akin ay ang aking magiging anak. Kung ayaw mo akong tanggapin on my terms, so be it. Handa kong harapin ang aking pananagutan sa kanya, suportahan ang kanyang mga pangangailangan."
"Ikaw ang ama, karapatan mo 'yon," sabi ni Dana. "Sinabi ko na sa mga kapatid mo, hindi ko siya ipagkakait sa inyo."
Matagal na napatitig si Bayani sa kanya. "Iyan ba ang gusto mo?"
Umiwas siya ng tingin. "It's for the best, Ani," banayad niyang sabi. "Ayokong mabuhay sa takot at pangamba. Na tuwing aalis ka at pupunta sa misyon mo, ay mag-aalala ako na baka iyon na ang huling pagkikita natin. Na hindi ka na babalik. I can't live with that kind of fear forever."
"I told you, it was safe!"
"Safe?" Mapait siyang tumawa. "Bakit muntik ka nang mamatay? Safe ba 'yon?" Mabilis na nag-unahan ang luha niya sa magkabilang pisngi. Mariin niya iyong pinunasan.
Napamura ang binata at saka huminga ito nang malalim. Pilit na pinakakalma ang sarili. "Alam ko, hindi patas na ilagay kita sa ganoong torture. Pero mahal kita, Dana. At mahal ko rin ang magiging anak natin. Aminin mo, kailangan niya tayong pareho. Marry me, on whatever terms you want. Sabihin mo sa akin na iwanan ko ang trabaho ko, gagawin ko, alang-alang sa 'yo at sa magiging baby natin."
Matagal na napatitig si Dana sa binata. "I-is that what you really want?"
"Kung iyan ang tanging paraan para mapasaakin ka."
Bagama't naliligayahan ang kanyang puso ay napailing siya. "No. It would be unfair to you. Alam ko kung gaano mo kamahal ang trabaho mo."
"Trabaho lang iyon." Pagkasabi niyon ay niyakap siya ni Bayani. "Please, Dana. Mas gugustuhin ko pang mawalan ng trabaho kaysa tuluyan kang mawala sa akin. Mahal kita. Mahal na mahal. Say you will marry me." Hindi lang ang tinig nito ang nakikiusap, kundi pati ang mga mata.
At tuluyan nang bumigay ang kanyang damdamin. "Yes!" nakangiting sabi niya. At napaiyak na siya.
"Para saan ito?" He licked the tears on her face.
"Luha ng kaligayahan. Mahal din kita, Bayani Braganza. Let's compromise. Hindi mo kailangang iwanan ang trabaho mo. Dahil kapag ginawa mo 'yon, wala kang ibubuhay sa aming mag-ina," sabi niya sa pagitan ng pagluha at pagtawa.
"Puwede naman akong magsaka. Malawak ang lupa namin sa Cagayan," nakangiti ring sabi ni Bayani.
"Alam kong mahal mo rin ang pagsasaka; pero malaki na ang ipinuhunan mo sa trabaho mo. Can't you get a desk job?"
"Papayag ka?" di-makapaniwalang sabi nito.
Tumango siya. "As long as hindi ka na lalabas sa field."
"Hindi pa ako pupuwede sa field work for a while. Kaya in-assign nila akong training officer sa kampo pagbalik ko. How's that?"
Tuwang niyakap at pinaghahalikan ni Dana ang binata.

Braganza (Bayani) - Maureen ApiladoWhere stories live. Discover now