Chapter 1

1.7K 13 0
                                    

CHAPTER ONE

TINULUNGAN ng tricycle driver si Dana na maipasok sa loob ng bakuran ang kanyang mga pinamili. Inabutan niya ito ng singkuwenta pesos.
Napakamot ito sa ulo. "Naku, Miss, wala akong ipansusukli. Kapapasada ko lang."
"Sige, hayaan mo na," sabi niya.
"Ang laki naman nito. Limang piso lang hanggang dito. Baka may barya kayo."
"Wala, eh. Sa 'yo na 'yan."
"Salamat. Hayaan ninyo, sa susunod na sasakay kayo, libre na lang. Tawagin lang ninyo ako. Doon lang ang bahay namin sa bungad ng baryo."
"Sige. Ano nga pala'ng pangalan mo?" tanong ni Dana.
"Almario Santiago, Miss. Tatay ko ang kapitan ng barangay dito. Bakasyunista kayo?" usisa nito.
"Oo," maikling sagot niya.
"Huwag kayong mag-alala, Miss. Mababait ang mga tao dito. Hindi kayo maaano."
"Salamat. Sige, Almario," nakangiting sabi niya sa driver. Hindi pa man ito nakakatalikod ay sinimulan na niyang sinupin ang mga pinamili. Supply niya iyon sa loob ng ilang linggo. Wala siyang planong lumabas ng cottage na iyon hangga't hindi siya nakakatapos ng isang kuwento.
Writer si Dana ng mga Tagalog romance novels sa Precious Hearts Romances. Nagsisimula na siyang magkapangalan. Maganda ang resulta ng mga nauna niyang nobela. Pero nakakailang kuwento pa lang siya, hindi pa man siya ganap na sumisikat ay wala na siyang maisip na maisulat. Nauubusan na siya ng ideas.
Ilang linggo nang tuwing uupo siya sa harap ng kanyang computer ay wala siyang maisip. Ultimong pangalan ng kanyang magiging hero o heroine ay wala siyang maisip na maganda. Kaya ang nangyayari, naglalaro na lang siya ng solitaire sa computer. Akala ng mga kasambahay, dahil inaabot siya nang ala-una hanggang alas-dos ng madaling-araw ay marami na siyang natapos na nobela. Hindi alam ng mga ito na nagsosolitaryo lang siya; na pinipilit niyang maka-score ng five thousand.
Dana was desperate. Kapag hindi siya nagsulat, wala rin siyang kita. Dati siyang clerk sa city hall ng Quezon City. Tagabigay ng sedula. Nang sunod-sunod siyang matanggapan ng nobela sa PHR ay umalis na siya sa trabaho bilang clerk at ipinasyang mag-concentrate na lang sa pagsusulat.
Tutol ang kanyang mga magulang sa naging desisyon niya.
"Maganda na iyong may tinatanggap ka buwan-buwan, 'tapos ipagpapalit mo sa walang kasiguruhang hanapbuhay," sabi ng tatay niya. Empleyado rin ang mga ito sa city hall. Sa postal services nagtatrabaho ang tatay ni Dana. Sa assesor's office naman ang nanay niya. Dalawa silang magkapatid. Pareho silang napagtapos ng mga magulang sa college at ngayon ay may kanya-kanya na silang trabaho.
Ang Kuya Chito niya ay nangibang-bansa na. Pero mula nang umalis ang kapatid may anim na taon na ang nakakaraan ay hindi na ito bumalik. Paminsan-minsan ay nakatatanggap sila ng post card mula sa kapatid. Para lang marahil ipaalam sa kanila na buhay pa ito.
May trabaho silang lahat. Moderate lang ang kanilang income pero nabubuhay na rin sila nang maalwan. May sarili silang bahay. Hinulugan iyon ng kanyang ama sa loob ng dalawampu't limang taon.
"Lalo naman hong wala akong asenso sa city hall, 'Tay," katwiran ni Dana sa ama. Taon ang binibilang bago nagkakaroon ng promotion sa city hall. Unless na marami kang kilala na hihila sa 'yo paakyat sa itaas.
Ayaw niyang maging failure. Hindi pa man siya sumisikat bilang writer ay mukhang malalaos na siya. Naidaing niya iyon kay Even, ang matalik niyang kaibigan.
"What you need is a change of surrounding. Ano nga bang inspirasyon ang makukuha mo sa apat na sulok ng kuwarto mo?" sabi nito.
"Saan naman ako pupunta?" tanong ni Dana.
"Sa isang lugar na tahimik at sariwa ang hangin. Like... sa tabing-dagat."
"Ang tabing-dagat lang na alam kong puntahan ay sa may Roxas Boulevard at hindi tahimik doon," sabi niya.
"May rest house kami sa Aparri. Nasa tabing-dagat iyon. Matagal-tagal na rin naming hindi napupuntahan. Kung gusto mo, you can stay there for as long as you want."
"Aparri?! Por Dios, saang lupalop iyon?" bulalas niya.
"Hoy! Huwag mong snub-in ang lugar na iyon, ha? Kahit nasa dulo ng Pilipinas iyon, kahit paano ay progresibo na rin ang lugar. Narating na iyon ng kuryente at cable television, 'no! At huwag kang mag-alala, puwede na do'n ang cell phone. At least, you are still in touch with the outside world," natatawang sabi ni Even.
Hindi na nagdalawang-isip pa si Dana at agad siyang nagpaalam sa mga magulang. Noong una, tutol ang mga ito na umalis siya. Pero likas na sa kanya na kapag nakapagpasya na, kahit na sino ay walang makapipigil sa kanya.
Agad siyang nag-empake at sumakay sa aircon bus papuntang Aparri. Noong una ay na-amuse siya nang makitang may TV at CR na sa bus. Pero nang malaunan ay nalaman niya na dapat ngang may mapaglilibangan ang mga pasahero dahil sa haba ng biyahe.
Pakiwari ni Dana ay hindi na siya makararating sa pupuntahan. Ilang beses silang huminto sa mga restaurant sa tabing-daan para kumain, uminom, at maiunat man lang ang kanilang mga paa.
Alas-kuwatro ng hapon sila umalis ng Maynila. Kinabukasan na ng umaga sila nakarating sa Aparri. Malayo pa sa bayan ang pupuntahan niya. Tumawag siya ng tricycle at nagpahatid. Hinanap niya ang caretaker ng cottage, si Mang Luis. Ibinigay niya rito ang sulat ni Even. Pagkabasa sa sulat ay agad naman siya nitong sinamahan sa cottage.

ANG BAHAY-BAKASYUNAN nina Even ay nasa pinakadulo ng mga bahayang iyon. Malayo sa karamihan, pero hindi naman masyadong isolated ang lugar. Natatanaw pa rin ang mga bahayan.
Buong kasiyahang pinagmasdan ni Dana ang paligid. Tahimik, maaliwalas, at maganda ang tanawin. Hindi pa man ay marami nang ideyang pumapasok sa isip niya. Hindi na siya makapaghintay na mai-set ang kanyang computer at magsimulang magsulat. Pero may mga kailangan na muna siyang gawin.
Kompleto naman sa gamit ang cottage. May isang maliit at lumang refrigerator sa kusina. Ang sabi ni Mang Luis ay gumagana pa naman daw iyon. May gas stove rin. Kailangan lang niyang mag-stock ng pagkain para hindi na siya maabala sa pagpunta-punta sa bayan.
Nang maiayos ang mga pinamili ay inayos na rin ni Dana ang kanyang computer sa tabi ng bintana. Nakapaharap iyon sa dagat. Tuwing mag-aangat siya ng mukha ay matatanaw niya ang maberdeng tubig.
Napangiti siya sa sarili. Akala niya lahat ng dagat ay asul o gray ang kulay dahil iyon ang nakikita niya sa Manila Bay.
Gustong-gusto niyang lumabas at magtampisaw sa tubig pero maagap na pinigilan niya ang sarili. Hindi siya nagpunta rito para magpasarap, kundi para makapagsulat. Tinapunan niya ng nanghihinayang na tingin ang dagat at naupo na sa harap ng computer.

"YES!" ISANG sigaw ng kasiyahan ang pinakawalan ni Dana matapos mai-type ang salitang wakas sa dulo ng kuwento. Pagkatapos ng dalawang linggong tuloy-tuloy na pagsusulat, sa wakas ay nakatapos siya ng isa. She felt like celebrating pero kailangang i-polish na muna niya iyon. Muli niyang binasa ang buong manuscript. Nag-edit din siya at gumawa ng minor revision.
Naglagay rin siya ng foreword—For myself. Napangiti siya. Siguradong magtataka ang mga editorial staff. Iisiping napaka-conceited niya. Pero talagang gusto niyang i-dedicate ang kuwentong iyon para sa kanyang sarili.
Nagsalin siya ng kopya sa diskette at agad na nagpunta sa bayan para ipadala iyon sa publication via LBC. Saka niya tinawagan si Jane, ang seksing sekretarya ng Precious Hearts Romances. Inabiso niya rito ang pagpapadala niya ng diskette.
And now, Dana's ready to celebrate. Nang bigla siyang matigilan. She had no one to celebrate with. Naging abala siya sa nakaraang dalawang linggo. Ni hindi siya nag-abalang makipagkilala sa mga kapitbahay.
Tanging si Mang Luis at ang asawa nitong si Aling Rebecca na nakatira sa di-kalayuan sa cottage ang nakakausap niya. She promised to remedy that soon. But first she had to celebrate. Bumili siya ng isang bote ng tequila at cracker nuts na siya niyang ipupulutan.
Pagbalik niya sa cottage ay nagpalit siya ng pampaligo. She was tempted to wear her bikini; pero alam niyang hindi sanay ang mga tao roon na makakita ng babaeng naka-bikini. Kaya pinatungan niya iyon ng T-shirt at shorts.
Isinampay ni Dana ang tuwalya sa leeg. Bitbit ang alak at pulutan ay nagtungo siya sa tabing-dagat. Uminom na muna siya. Napangiwi siya. Mabilis niyang sinundan iyon ng chaser at kumain ng mani. Nag-init ang kanyang dibdib nang kumalat ang matapang na likido sa katawan niya. Pagkatapos ay patakbo siyang lumusong sa tubig.
Mababaw sa gawi niya kaya berde ang tubig. Nalaman niya iyon kay Mang Luis. Mainit-init ang tubig-dagat kahit papagabi na. Nagpakasawa siya sa paglangoy.
Kahit naliligo ay may nabubuo uling ideya sa kanyang isip. Gusto niyang bumalik sa harap ng computer at muling magsulat pero napakasarap maglunoy sa tubig. Nagpatangay si Dana sa tentasyon. Anyway, nakatapos na naman siya ng isa.
Kapag ganito siya ka-productive, siguradong hindi na mapipigil ang kanyang pag-asenso. Napahalakhak siya nang malakas.
Napatingin sa kanya ang mangingisdang nagdaan sa kanyang tapat. Agad itinikom ni Dana ang mga labi. Ayaw niyang mapagkamalan siyang sira-ulo ng mga kapitbahay.

Braganza (Bayani) - Maureen ApiladoWhere stories live. Discover now