"Hindi ka pala abala?" pag-iiba ko ng paksa. Alam ko naman na ang pag-uusapan lang namin ay ang nalalapit na kasalan.

          "Hindi. Nilaan ko ang araw na ito upang ika'y dalawin."

           Minsan, sa sitwasyon na ito naiisip ko si Agustin. Dati rin ay ganito rin siya kaso hindi ko naman masyadong pinapansin ang kaniyang nararamdaman para sa akin. Pero, ang kaibahan lang ay kaibigan lamang talaga ang tingin ko kay Primitivo at hindi na magbabago iyon. Gagawin ko rin naman ang lahat hindi lang mamamatay sa kasal.

          "Kumusta ka pala, Binibini? Sana ay maayos lamang ang iyong kalagayan. Nabanggit ni Ina na tutungo siya rito anumang araw para tulungan kang maghanda."

          "Ayos lang naman ako. Mas mainam na huwag na lang mag-abala pa si Donya Amelia. Tiyak akong gagawin ni Ina ang lahat para maging maayos ang lahat."

          Hindi ko gusto na may mangungulit at manggugulo sa akin. Ayaw ko ng maraming atensyon na nakatuon sa akin sa darating na mga araw dahil mahihirapan akong kumilos kapag nangyari iyon.

          "Sasabihin ko iyan kay Ina ngunit alam kong hindi talaga iyon nagpapapigil. Nasasabik din iyon sa kasalan."

          Naiintindihan ko naman si Donya Amelia, lalo na at panganay na anak niya ang ikakasal. Ngunit, mas mainam talagang hindi na siya makialam pa. gusto kong payapa ako at ayaw ko ng may magdidikta sa akin sa kung anong gagawin, susuotin, o kung ano pa man. Sana hindi na lang siya darating.

          Wala na akong nagawa kundi ang tumango. Patuloy lang ang naging kumustahan namin ni Primitivo. Madalas siya lang din ang nagsasalita na sinasagot at tinatanong ko rin naman pabalik. Kahit pa hindi ako sang-ayon sa kasunduan ay ayaw ko naman na ipawalang-bahala siya. Mabait si Primitivo pero ayaw ko rin na bigyan siya ng motibo. Hindi rin naman nagtagal ay umuwi na siya. Kahit inimbitahan ko siyang kumain muna ay tinanggihan niya iyon dahil doon na lang daw siya sa kanilang tahanan kakain.

          Umakyat na ako pabalik ng mansiyon at napatigil sa may pintuan ng azotea nang makasalubong ko ang tao simula pa lamang ng napunta ako rito ay pinakulo na talaga ang aking dugo. Si Dueña Hilda. Papalapit siya sa akin mula sa itaas. Nang masilayan ko siya ay kaagad na bumalik sa akin ang lahat ng galit at pagkamuhi ko sa kaniya. Mas lalo pa iyong lumala nang ngumiti siya sa akin. Hindi iyon ngiti na sinsero, nakakainis na ngiti iyon.

           "Binibining Kristina, akala ko'y ikaw ay mayroong panauhin? Bakit hindi mo pinatuloy muna?" aniya pa saka huminto isang dipa ang layo mula sa akin.

            "Huwag mo akong kausapin na para bang wala kang kasalanang ginawa sa akin." Matutulis na mga tingin ang ibinigay ko sa kaniya na ikinataas lalo ng kaniyang mga kilay.

            "Hindi kita maintindihan."

            Napaismid naman ako dahil sa kaniyang sinabi. "Huwag ka nang magmaang-maangan pa. Alam ko na ang lahat."

            Napatigil naman siya kasabay ng pagkawala ng kaniyang mga ngiti. Blanko na siyang nakatingin sa akin na nakataas pa ang kaniyang noo. "Ginawa ko iyon para sa iyo. Para hindi masira ang pangalan mo."

            "Para sa akin?! Hindi ko kailangan ng tulong mo!" Hindi ko na pinigilan pa ang galit ko. "Anong ginawa mo nang dahil lamang sa dahilan mong para sa akin? Dahil doon nawala sa akin ang mga taong mahalaga sa puso ko. Dahil sa ginawa mo, hindi mo lang ako sinaktan, pinatay mo na rin ako. Tapos sasabihin mong ginawa mo para sa akin? Hindi iyon para sa akin, para iyon sa kagustuhan mo at sa taong sinusunod mo!"

           "At may lakas ka pa ng loob na ako'y pagtaasan ng boses?"

          "Bakit? Akala mo ba ay hindi ko magagawa iyon? Akala mo ba dahil malapit tayo sa isa't isa dati ay hindi na ako magagalit sa iyo? Nagkakamali ka. Wala akong pakialam kung sino ka pa o kung ano ka pa, dahil nagkasala ka sa akin. Pinangunahan mo ang lahat."

Sa Taong 1890Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon