Bumuntong-hininga ako at tumingin sa kaniya. "Wa-wala na siya. Ina. Wala na... wala na si Agustin. Nama... namatay siya nang dahil sa akin," hikbi ko.


Nakita ko kung gaano nanlaki ang kaniyang mga mata at dahan-dahan na kumunot ang kaniyang noo. Napaawang din ang kaniyang bibig na tila ba may nais na sabihin ngunit hindi alam kung ano at paano. Napaiyak naman akong muli dahil sa sakit na nararamdaman.


"A-ano? Pa-paano nangyari iyon?" naguguluhan niyang sabi.


"Sumunod siya sa akin... papunta roon. Tapos isang gabi ay nagpunta kami sa plasa... at pa-pag-uwi namin ay may mga taong nais manakit sa akin. Sinigurado niyang li-ligtas ako. May mga dalang... ba-baril ang iba tapos..," huminto ako at napaiyak pa lalo. "Tapos... binaril ni-nila si Agustin. Ina, kasalanan... kasalanan ko ang lahat."


"Hindi, hindi mo kasalanan, Kristina," kaagad niyang wika. "Kasalanan ng mga taong bumaril sa kaniya. Huwag mong sisihin ang iyong sarili."


"Hindi, Ina. Kung hindi ko lang sana siya niyaya na umalis ay hindi kami mahahantong sa ganoon. Kasalanan ko, Ina."


"Hindi, Kristina. Walang may gusto sa nangyari. Huwag mong sabihin iyan," pag-alo niya. "Nasaan na ngayon si Agustin?"


"Ina, hi-hindi ko alam. Umalis kaagad ako at iniwan ko siya... bumalik ako rito nang hindi ko nasilayan muli ang-ang kaniyang kalagayan. Nalaman ko ring may natagpuan bangkay sa ilog malapit sa p-pinangyarihan niyon... pero hindi ko na napuntahan."


Nakatitig lang siya sa akin ng ilang sandali. Alam kong hindi siya makapaniwala sa kaniyang naririnig ngayon. Mabigat na balita ito sa lahat. Kaya nga labis kong hinihiling na kung sana maaari ay maibalik ko pa ang nakaraan.


"Ipapaalam ko ito sa iyong mga kapatid at aasikasuhin namin ang nangyari. Huwag ka nang tumangis, masasagot din ang lahat ng ating mga katanungan. Alam kong masakit ito sa iyo, pero kung iyon nga ay kailangan mong tanggapin ang nangyari. Alam kong mahirap, Kristina, pero para rin ito sa iyong kapakanan. Tiyak akong hindi niya rin nais na tumangis ka at magdusa sa nangyari. Masaya siyang ginawa niya ang lahat upang hindi ka masaktan, ganoon ka niya kamahal, Kristina. At kaya ka nasasaktan at nagdurusa ngayon dahil mahalaga rin siya sa iyong puso."


Nagdugtong ang aking mga kilay nang marinig ang kaniyang sinabi. "Pa-paano niyo po nasabi at nalaman ang mga bagay na iyan?" naguguluhan kong sabi.


Ngumiti naman siya, "Ako ang iyong ina. Alam ko ang lahat at batid ko ang lahat. Matagal ko nang alam, anak."


Napayuko ako at napatitig sa damit ko. Kung ganoon matagal na palang nasa puso ko si Agustin? Bakit hindi ko iyon kaagad napagtanto?


"Ano palang nangyari kina Victorina? Nakausap mo ba sila? Kumusta si Joaquin? Nakausap mo ba?" sunod-sunod naman niyang tanong na ikinatingin ko uli sa kaniya.


Napabuntong-hininga pa ako nang maalala ko naman ang nangyari. Masakit pa rin ang ginawa niya a ang buong pangyayari. "Ina, kasi... ikinasal na si Joaquin sa iba. Nakita ko ang ka-kasal nila. Hi-hindi ko akalaing magagawa niya iyon sa akin. Alam... alam ko naman na malabo na ang aming relasyon pe-pero hindi ko lang inasahan na magagawa niya iyon sa akin gayong nangako kaming... hindi namin bibitawan ang isa't isa."

Sa Taong 1890Where stories live. Discover now