"Gusto ko ng makalimutan ang lahat ng mga bagay na naging dahilan ng pagdurusa ko," bulong ko sa hangin habang nakapikit. "Ayos lang ba sa iyong maglakad-lakad muna tayo?" baling ko naman sa kaniya na napalingon sa akin. "Ayaw ko pa kasing matulog dahil magulo pa ang isipan ko. At saka, pakiramdam ko ang sikip ng puso ko – ng lahat, kapag naroon ako sa silid."


Nakangiti naman siya na tumango, "Kung iyan ang nais mo. Saan mo ba nais na pumunta?"


Napakibit-balikat tuloy ako sa tanong niya. "Hindi ko alam. Hindi ko naman kasi alam kung anong mayroon sa kanilang lugar."


"Kung ganoon, maglakad na lamang tayo. Bahala na kung saaan tayo dadalhin ng ating mga paa."


Mabilis akong tumango habang nakatawa ng kaunti. Naglakad na kami sa kasalungat na direksyon ng pinanggalingan namin. May mga tao ring kagaya namin ay nasa labas pa ng kanilang mga bahay. May ibang nakikipag-usap sa kanilang mga kapitbahay at may iba namang nagpapahangin. Pinagmasdan ko na lang sila habang dumadaan kami. Hindi rin nagtagal ay nakarating naman kami sa may parte na puro kahoy na ang nasa bawat gilid ng kalsada at wala ng mga bahay. Madilim-dilim din iyon, ngunit mabuti na lang at may mga dalang lampara ang mga taong nakaksabay namin na naglalakad papunta sa hilagang direksyon.


"Saan po pala ito patutungo?" tanong pa ni Agustin sa isang lalaking nasa tabi namin at napalingon sa kaniya. Pati na nga ang kaniyang kasamang bata na sa tingin ko ay walong taong gulang pa.


"Papunta ito sa plasa. Naroon din ang pamilihan," tugon niya. "Bago lamang kayo rito?"


"Opo, kadarating lang namin kanina," si Agustin.


"Magkapatid ba kayo? Kung hindi naman kaya ay mag-asawa?"


Mabilis na nanlaki ang mga mata ko dahil sa tanong ng lalaki. Sabay naman kaming napatingin ni Agustin sa isa't isa habang nakakunot ang mga noo. Bigla ko namang naalalang hindi pala binibigyan ng pagtanggap kapag magkasama ang babae at lalaki sa kapanahunang ito kapag hindi magkadugo. Kahit pa nga magkasintahan pa ay kailangan ay may kasamang iba ang babae. Kaya sigurado akong kapag malaman ng lalaking wala kaming ugnayan ni Agustin ay hindi na magiging maganda ang kaniyang tingin sa amin.


"H-hindi po —"


"Opo! Tama po kayo," mabilis kong singit nang sumagot si Agustin. Napalingon naman siya sa akin kasabay ng pagkunot lalo ng kaniyang noo. Pinanlakihan ko naman siya ng mga mata sabay ngiti sa lalaki nang tumingin siya sa amin.


"Saan?"


"Iyong tanong niyo po."


"Oo, alin doon?" naguguluhan na pagklaro niya. Natawa naman ako ng lihim nang napatahimik na lang si Agustin.


"Kung magkaano-ano po kami," nakangisi kong sagot. Sana mas maisip niyang magkapatid kami. Halata naman kasing mas bata ako kay Agustin dahil sa bata kong mukha. Si Agustin kasi kung sa Ingles pa ay ang manly ng kaniyang awra. Mapapalingon ka talaga kapag nakita mo siyang dumaan sa tabi dahil sa kakisigan.

Sa Taong 1890Where stories live. Discover now