Matapang Ako

19 0 0
                                    

Matapang ako, hindi lingid sa kaalaman ng marami.
Kinaya ko ang bawat pagsubok ng buhay, hindi pinalagpas kahit sandamakmak na pasanin sa marupok na tulay.

Matapang ako, dinadakila ng karamihan.
Taas ]-noong tinignan lahat ng pinagdaanan. Kinaya ko maski buhatin ang problema ng kahit ninuman.

Matapang ako, nakikita ng lahat.
Hinarap ko ang malupit na mundo, na siyang ipinakilala ng aking mga magulang. Tinanggap ang masasakit na palo, at nakakapanghihinang mga salita. Bawat tadyak at sabunot na nakuha, hanggang sa maging bersyon na ninanais nila.

Matapang ako, iyan ang sabi nila.
Hinangaan ang pagtanggap ko sa parusang ipinataw ng mundo, binuhat ang problemang di ako ang nagpasimuno, inayos ang gusot na gawa ng pamilya ko, ginamot ang pasa't sugat ko na gawa ng ibang tao....

At pinunasan ang luha ko at tumayong muli upang ipakita ang ngiti sa ibang tao.

Ngumiti ako.

Kinaya ko
Nagawa ko
Ang lahat ng ito

Dahil sanay na ako


Sanay na ako,
magbago para sa tao.
Lumikha ng isang imaheng magugustuhan ng lahat.
Ipakita sa marami ang beryon na ninanais ninyo.

Sanay na ako,
na ipakitang maayos ako.
Kahit hindi, lahat ng pasanin ay may katumbas na sakit
Mga luhang itinago gamit ang isang ngiti.
Hikbing itinago para hindi kailangang intindihin.

Sanay na ako,
ang tanggapin ang pagsubok ng buhay.
Tumulong sa pasanin ng kahit ninuman, dahil alam ko ang pakiramdam ng nahihirapan. Inilahad ang sarili sa pangkalahatan, kung kailangan mo ng kaibigan na masasandalan.
Dahil alam ko, ang malubak na daang tinutungo mo ay aking nadaanan.

Sanay na ako,
iyan ang sabi ko.
Nang tinanong ako kung paano kong nakaya lahat ng ito.
Bakit mo ako hinangaan nang nakaya ko ang pagsubok ng mundo?
Pumalakpak nang binuhat ko ang kinahinatnan ng desisyon ng ibang tao?
Humiyaw kasama ang madla nang binuhat ko ang pasanin ng isang pamilya bang matatawag?
Bakit ka natuwa nang magamot ko ang mga sugat ko?
Bakit ka natuwa nang mapunasan ko ang luha ko at nasiyahan kang muli nang tumayo ako upang ipakita ang kirot sa pagpapanggap ng isang ngiti para maipakita sa ibang tao?

Tiningala nang nakaya ko ang parusang ipinataw ninyo?

Anong nakakatuwa sa pinagdaanan ko?
Anong kalugod-lugod sa natanggap ko sa mundong ito?
Anong kahanga-hanga sa nasaksihan mo?


Bakit ako tinawag na matapang
Kung hindi naman ako matapang, at nasanay lang ako?




Writer's Notes:
I was a child. I did not need to be strong.
And it's not something a child should be getting used to.

Y R S X L IWhere stories live. Discover now