Kabanata 32 Vulnera et Sollicitudines

20 2 0
                                    

Wounds and Worries

JULI

Inurong ng dalaga ang mangkok na nakalapag sa mesa. Sinilip niya ang paligid, hindi niya mawari kung anong oras na, kung ilang araw na siyang nakakulong sa kubo na iyon na halos kasing liit ng dati niyang silid malapit sa kuwadra ng mga kabayo sa loob ng Hacienda Villahermosa. Gawa sa nipa ang dingding ng kubo kung kaya't lumulusot sa maliliit na butas nito ang sinag ng araw. Iyon lamang ang nag iisang palantandaan ni Juli na mayroon pang tunay na mundo sa labas ng kasuklam suklam na silid na iyon. Kapag puti ang sinag ng araw at hindi nakakapaso, umaga na. Kapag sobrang init na ng paligid na halos hindi na makahinga si Juli sa maliit na kuwadra, tanghali na. Kapag naman ang sinag ng araw ay unti unti nang nagiging kulay kahel, ibig sabihin ay hapon na. Ang gabi ay iisa lamang ang kulay—itim. Hindi na nakaposas ang mga kamay ng dalaga ngunit nakakadena naman ang kaniyang dalawang paa sa gitna ng silid. Nakakabit ito sa isang bakal na poste na kinakalawang na, sa tingin ni Juli ay bibigay na ito anumang oras mula ngayon. Hindi niya maabot ang dingding o ang pintuan. Ang maliit na mesa, isang silya, at ang bakal na poste lamang ang malapit sa kaniya.

Hindi na masikmura ni Juli ang laman ng maliit na mangkok. Habang tumatagal ay mas lalong pumuputla ang laman nitong lugaw. Halos hindi na ito matawag na lugaw sapagkat mas marami pa ang tubig na laman nito kaysa sa kanin. Tipid rin sa asin ang kung sino mang nagtimpla nito. Dahilan upang tuluyan nang mawalan ng ganang kumain si Juli.

Alam niyang walang pakialam sa kaniya si Don Tiburcio, ang tanging dahilan kung bakit pinapakain nila ang dalaga ay upang hindi ito mamatay sa gutom. Isang beses lamang bumubukas ang pintuan sa loob ng isang araw. Kabisado na ni Juli ang bawat galaw ng matandang babae na naghahatid ng mangkok sa kaniya tuwing umaga. Bilugan ang buong katawan nito na halos hindi na mawari ni Juli kung papaano niya nababalanse ang kaniyang mga paa. Hindi kailanman nagtagpo ang kanilang mga paningin. Sa tuwing papasok na ang matandang babae, nakasubsob ang mga mata nito sa mangkok na hawak hawak niya. Ilalapag niya ito sa mesa ng dahan dahan at pagkatapos ay dali daling magtutungo sa pinto. Kinabukasan, ganoon parin ang kaniyang mga kilos.

Pinagmasdan ni Juli ang mangkok na mayroong lugaw—kung maituturing pa iyong lugaw. Imbes na gutumin ay biglang nandiri ang dalaga. Hindi na iyon mukhang pagkain ng tao. Mas gugustuhin pa ni Juli na tiisin ang kaniyang kumakalam na sikmura kaysa sa isubo sa kaniyang bibig ang kung anuman ang laman ng mangkok na iyon sapagkat nakatitiyak si Juli na hindi na iyon lugaw.

Sinandal ng dalaga ang kaniyang ulo sa poste kung saan nakakadena ang kaniyang mga paa. Wala siyang makita sa itaas kundi ang maalikabok na bubong ng silid. Gusto niyang libangin ang kaniyang sarili upang malimutan ng kaniyang tiyan ang kagutuman ngunit nabigo ang dalaga. Iyon ang unang pagkakataon na makaranas ng labis na pagkagutom si Juli. Kahit ang kahirapan nila sa Aragon ay hindi umabot sa ganoong klaseng kawalan.

Nararamdaman ni Juli ang pagluwag ng kaniyang tiyan; naghihintay na ibuhos ng dalaga ang kung anumang pagkaing nasa loob ng mangkok. Pati ang kagutuman ni Juli ay umabot narin sa kaniyang nanunuyong lalamunan at dumaloy ito patungo sa kaniyang bibig. Sa kaniyang dila, wala siyang ibang malasahan kundi ang mga linya sa bubong ng kaniyang bibig. Binilang ni Juli ang kaniyang mga ngipin gamit ang kaniyang dila. Mula sa kanan patungo sa kaliwa, galing sa kaliwa hanggang umabot sa kanan. Paulit ulit niya itong ginawa sa pagbabakasakali na maaawa sa kaniya ang mundo at ipapadala nila ang hangin upang patulugin na lamang siya. Mas gusto pa niyang matulog kaysa sa kumain. Ang kapayapaang handog ng tulog ay nagmistulang medisina para siya'y makalimot. Makalimot sa kaniyang kumakalam na sikmura, makalimot sa ingay ng palitan ng mga bala sa labas, at makalimot sa dilim na nakayapos sa kaniyang mga balikat.

Narinig na naman ni Juli ang ugong mula sa kaniyang tiyan.

Ipinikit na lamang niya ang kaniyang mga mata at nilinlang ang kaniyang sarili. Sa kaniyang isip isipan wala siya sa lugar na iyon. Sa kaniyang munting paraiso, walang kumakalam na sikmura, walang kadiliman. Napapaligiran siya ng makulay na mga bulaklak, ang hangin ay nababalot ng kanilang halimuyak. Sa paanan ni Juli masagana ang berdeng damo. Sa kaniya namang itaas, sinasalamin ng kalangitan ang asul na kulay ng dagat. Wala ring ingay ng sagupaan doon. Ang tanging naririnig ng dalaga ay ang mga huni ng ibon, ang bulungan ng mga puno na tinangay ng hangin patungo sa kaniyang mga taenga, at ang pagdampi ng mga alon sa dalampasigan ilang metro ang layo mula sa kaniyang kinatatayuan.

The Red Moonflower  (Estrella Muerta Trilogy #3)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant