Kabanata 25

24 4 1
                                    

AMIL

Nagising ng maaga si Amil sapagkat kumakalam ang kaniyang sikmura. Gulat na lamang siyang napabalikwas sa kaniyang pagkakahiga ng mapagtantong nakatulog pala siya kagabi. Isang mahimbing na tulog. Matagal tagal narin siyang hindi nakaidlip ng maayos kung kaya't ganoon na lamang siya kasaya ng magising siya na hindi umiikot ang kaniyang paningin ng dahil sa puyat. Agad na nag bihis ang binata at bumaba patungo sa kusina. Hindi paman siya nakakapasok doon amoy na amoy na niya ang mga niluluto ng mga kasambahay. Imbes na gambalain ang kanilang pagtatrabaho pinili na lamang ni Amil na bumalik sa kaniyang silid at hintayin doon ang kaniyang pagkain.

Pagpasok na pagpasok niya sa kaniyang silid napansin niya kung gaano ito kagulo. Una niyang binuksan ang bintana upang makapasok ang sinag ng haring araw. Pagkatapos ay ibinalik niya sa estante ang mga nagkalat na libro sa mesa. Inayos rin niya ang mga nagliliparang papeles sa sahig at ang mga pagkaing hindi naubos ay itinapon niya sa basurahan. Kakaiba ang pakiramdam ni Amil sa araw na iyon. Tila ba ay gusto niyang baguhin ang takbo ng mga pangyayari. Alam niyang mayroon siyang mga kinakaharap na suliranin ngunit wala na itong dalang pangamba para sa kaniya. Para bang sa isang iglap lang ay kaya na niyang harapin at ayusin ang lahat ng gusot na nagawa niya.

Maya maya pa at dumating na ang kaniyang pagkain. Isang mainit na kape na mayroong pares na malambot na pandesal. Dinalhan narin siya ng sinangag na kanin at pinaresan din ito ng piniritong itlog kung saka sakaling hindi sapat sa kaniya ang tinapay at kape. Ikinagulat ng tagapagsilbi nang maubos ni Ginoong Amil ang mga rasyong dala dala niya. Binitbit nito ang mga hugasing pinggan pababa ng mayroong ngiti sa mga labi.

"Naubos ng Gobernadorcillo ang kaniyang pagkain ngayon." Wika niya sa kaniyang mga kasama.

"Tama ba ang aking narinig?" Tanong naman ni Manang Delya.

"Tama po manang, mukhang nanunumbalik napo ang gana sa pagkain ni Ginoong Amil." Saad pa nito.

"Pagpalain ang diyos at natupad rin ang aking mga panalangin." Nagagalak na wika ng Mayordoma.

Dumating kay Juli ang magandang balita. Hindi niya mapigilan ang kaniyang sarili na mapangiti. Alam niyang unang hakbang pa lamang ito ngunit abot langit na ang kaniyang saya sapagkat nagkakaroon na ng pagbabago sa Gobernadorcillo.

Nang matapos niya ang kaniyang almusal agad na bumalik si Juli sa kaniyang silid at kinuha ang kaniyang bibliya. Balak niyang magtungo sa opisina ng Gobernadorcillo upang basahan ito ng iilang taludtod. Hindi pa siya nakakalabas ng bigla siyang makarinig ng katok sa kaniyang pintuan. Ibinalik niya ang bibliya sa maliit na mesa sa tabi ng kaniyang kama at agad na pinagbuksan ang kaniyang panauhin.

"Magandang umaga po, Ginoong Amil." Wika ni Juli ng may ngiti sa mga labi.

"Magandang umaga rin, Binibini." Wika ng binata. Kapansin pansin ang kaniyang maayos na pananamit at halatang inayos rin niya ang kaniyang mga buhok. Ganoon parin ang kulay ng kaniyang mga balat at mga labi. Hindi naman iyon agad na manunumbalik. Kailangan niyang ipagpatuloy ang pagkain ng maayos upang manumbalik ang kaniyang dating pangangatawan.

Ilang saglit na naumid ang binata sa harapan ni Juli. Tila ba mayroon itong gustong ialok ngunit inuunahan ito ng kaba o di kaya ay hiya.

Si Juli na lamang ang bumasag sa katahimikan. "Mayroon po ba kayong kailangan?" Tanong ng dalaga.

"Kung hindi ka abala gusto ko sanang magpasama." Wika ni Amil.

"Handa po akong sumama, Ginoong Amil." Nakangiting wika ng dalaga.

"Bueno, hihintayin kita sa ibaba." Wika naman ni Amil at tinapik ang kaniyang sombrero bilang paggalang.

Ilang minuto matapos makapag ayos si Juli agad rin siyang bumaba at sinalubong naman siya ni Ginoong Amil sa tapat ng kalesa. Tinulungan niya ang dalaga na maka akyat bago siya sumakay. Walang kaalam alam ang dalaga kung saan sila patungo ngunit magaan ang kaniyang loob sapagkat mayroong kakaibang sigla sa mga mata ni Ginoong Amil.

The Red Moonflower  (Estrella Muerta Trilogy #3)Onde histórias criam vida. Descubra agora