Kabanata 1

89 7 0
                                    

Nagdudugo ang buwan sa kalangitan at malamig din ang simoy ng hangin. Sa mga ganitong oras madalas kwentuhan ng mga matatanda ang kanilang mga musmos na apo tungkol sa mga halimaw sa gubat at iba pang mga masasamang elemento. Napatitig si Danilo sa alapaap habang nasa tabi ng puntod ni Helio. Naiwan siya sa Hacienda Hermano upang mayroong mamahala doon. Gabi na ngunit hindi parin siya makatulog kung kaya't naisipan niyang dalawin ang yumaong kaibigan. Kung ibang tao ang naroroon siguradong kikilabutan sila sapagkat nakakatakot ang kulay ng buwan at isama mo pa ang puntod ni Helio at ang kakaibang dilim ng gabing iyon. Para kay Danilo isa lamang iyong masamang panahon.

Ilang buwan narin ang nakalipas simula ng pumanaw si Helio at umalis sila Aemilia at Lucas patungo sa Kapital, hanggang ngayon ay hindi parin sila nakakabalik. Maraming balitang nasagap si Danilo tungkol kay Aemilia. Mga bagay na hindi niya pinaniwalaan. Nagkasama na sila ng dalaga sa maikling panahon at sapat na iyon upang masabi niya na hindi masamang tao si Aemilia. Hindi siya nahihibang, sadyang marami lang siyang pinagdadaanan. Sigurado rin siya na kung nabubuhay pa ngayon si Helio hindi rin niya paniniwalaan ang mga paratang ng taong bayan sa dalaga.

Mas lalong lumakas ang ihip ng hangin dahilan upang mapapikit si Danilo. Sinayaw ng hangin ang kaniyang mga buhok at nagmistulan itong alon sa dagat. Ilang segundo rin ang tinagal ng kakaibang hangin na iyon at sinundan ito ng nakabibinging katahimikan. Hindi maunawaan ni Danilo ang kaniyang nadarama. Muli siyang napatitig sa kalangitan at napansin na mas naging pula ang bilugang buwan. Parang dugo ng isang hayop o tao.

Sigurado siyang bukas na bukas marami na namang imbentong kuwento ang mga matatanda tungkol sa pulang buwan.

Napatitig siya sa puntod ni Helio na napapalibutan ng bulaklak. Siya ang nagtanim noon sapagkat gusto niyang magmukhang maaliwas at masigla ang puntod ng kaibigan, hindi kagaya ng mga puntod sa pampublikong sementeryo na masyadong matamlay at walang kakulay kulay.

Hanggang ngayon hindi parin matanggap ni Danilo ang pagkawala ni Helio. Maaring hindi sila laging magkasundo tungkol sa iba ibang bagay ngunit ganoon naman talaga ang pagkakaibigan. Ang mahalaga ay iniintindi nila ang isa't isa at mayroon silang respeto para sa paniniwala ng isa't isa. Sa kabila ng pagdadalamhati ni Danilo kailanman ay hindi siya naghangad ng paghihiganti. Masyadong maikli ang buhay upang magtanim ng galit at mamuhay ng miserable, mas pinili niya ang magpatawad at tanggapin ang lahat. Ipinapasa diyos narin niya ang  kaparusahan na nararapat para sa mga taong pumatay sa kaniyang kaibigan. Siya na ang bahala, total siya naman ang nagmamay ari ng lahat ng buhay sa mundong ito.

Napahinga ng malalim si Danilo habang nakatitig sa puntod ni Helio. "Masaya ako sapagkat nakapagpahinga ka na. Kung alam mo lang kung gaano kagulo ang San Diego ngayon, siguro ay mas gugustuhin mong mahimlay na lamang ng payapa." Wika niya sa yumaong kaibigan.

Binalot ng kadiliman ang San Diego nitong mga nakaraang buwan. Hanggang ngayon ay nababalot parin ng karimlan ang kanilang bayan. Walang nakakaalam kung kailan ito magtatapos ngunit lahat sila ay iisa lamang ang hiling, ang mailuklok ang tamang tao sa puwesto bilang bagong Gobernadorcillo.

Ilang inosenteng buhay narin ang nadamay ng dahil sa pagaagawan nila sa puwestong iyon. Ganoon sila kasakim sa kapangyarihan, hindi nila iniisip ang mga taong naaaepektuhan sa kanilang paligid makuha o mapanatili lamang nila ang kanilang mga kagustuhan. Kung tutuusin dapat hindi na nadadamay ang mahihirap sa laban ng mga nakakaangat ngunit ano pa ba ang magagawa nila, wala silang kapangyarihan, wala silang pagpipilian, wala silang kalayaan. Sa huli, ang mahihirap parin ang magdurusa ng dahil sa lahat ng ito.

"Huwag kang mag alala." Wika ni Danilo sabay ngiti sa puntod ng kaibigan.

Kapag mayroong nakakita sa kaniya na mag isang nagsasalita doon siguradong iisipin nila na nasiraan na ito ng bait ng dahil sa labis na pagdadalamhati.

The Red Moonflower  (Estrella Muerta Trilogy #3)Where stories live. Discover now