"Sobrang sakit..." naiiyak niyang sabi. Musmos siya ngunit may pakiramdam. Hindi siya tanga upang hindi maintindihan ang malamig na pagtrato ng mga magulang.

Napansin niya ang isang gunting na nakapatong sa side table. Pakiramdam niya ay nang-aakit ang gunting na iyon at gusto nitong lumapat sa kanyang murang balat. Hindi naman siya nagdalawang-isip at agad na kinuha ang gunting.

Patuloy lang sa pagbagsak ang kanyang mga luha habang unti-unti ay lumalapat sa kanyang balat ang matalas na dulo ng gunting. Unti-unti niyang ibinaon 'yon sa bandang pulso. Napapangiwi siya sa sakit habang tila pinupunit ang kanyang laman.

Walang-wala ang sakit na iyon sa kanyang nararamdaman ngayon. Tila kagat lang ng langgam ang sugat na nilikha ng gunting. Katiting lang na hapdi kumpara sa imyernong buhay na mayroon siya ngayon.

Sobrang dami ng dugo ang umaagos ngayon mula sa kanyang pulso. Matapos ang pagbaon ay isang mabilis na wasiwas ng gunting ang ginawa niya. Halos maghiwalay ang kanyang kamay mula sa braso dahil sa laki ng hiwa. Nanginginig siyang napaupo at agad na nabitawan ang gunting.

Pero nakaramdam siya ng kakaiba. Hindi niya maramdaman ang sakit, bagkus mas nagustuhan niya pa ito. Naaaliw siya habang nakikita ang napakaraming dugo na umaagos. May parte ng kanyang utak na gusto pang makakita ng dugo. Tila nasasabik siyang makakita ng dugo kasabay ang palahaw na pagsigaw ng mga nasasaktan.

***

"MOMMY!" bulalas ni Stef pagkauwi niya mula sa school. Nakangiti naman siyang sinalubong ng kanyang mommy na abala sa pagluluto ng merienda. "Mommy, may star ulit ako," saad ni Stef habang ipinapakita ang marka ng bituin na nakatatak sa kanyang kamay.

"Ang galing talaga ng baby ko," saad nito at saka hinalikan ang anak sa pisngi. Ginulo pa ni Jess ang buhok ng anak sa sobrang tuwa. "Oh, magbihis ka na muna para makapag-merienda ka na. Masarap itong niluto ko," utos ni Jess sa anak.

Tumango naman si Stef dahil sa tuwa.

"Yes, mommy!" Mabilis na pumanaog pataas si Stef habang ipinagpatuloy naman ni Jess ang naudlot na pagluluto. Kasabay ng pag-akyat ni Stef ay ang pagpasok ng kanyang Daddy na si Luke.

"Nakauwi na ako," bungad ni Luke. Lumapit naman ito sa asawa at binigyan ng halik. "Hon, wala ka bang pasok ngayon?" tanong ni Luke sa abalang asawa.

Umiling naman si Jess. "Hindi 'ata ako kailangan ni Direk doon ngayon. Saka nagsabi na rin naman ako na hindi ako papasok ngayon," paliwanag niya.

"Ganoon ba?" anito at saka inilapag ang bag sa sofa. "Oo nga pala. Sino pala 'yong gaganap sa isinulat mo? Usap-usapan kasi 'yan ngayon sa showbiz."

Humarap si Jess sa asawa bago sinagot ang tanong. "Sa pagkakaalam ko si Alex Farr. In demand kasi siya ngayon kaya siya ang napili. Saka magaling din kasi ang pagganap niya sa Red Tape 1 kaya siya talaga ang inaasahan na gaganap ulit sa Red Tape 2," kwento niya.

Lumapit si Luke sa asawa. "Pero siya 'yong pumalit kay Celine, 'di ba?"

Natigilan si Jess nang mga oras na iyon. Sa tuwing mababanggit kasi ang sinuman sa kanyang mga kaibigan ay parang bumabalik din ang bangungot niya, mahigit isang taon na ang nakararaan matapos mamatay nina Sam at Celine. Malaking sugat kasi ang naiwan ng kanyang nakaraan na ngayon ay pilit pa rin niyang ginagamot.

Nangunot naman ng noo si Luke dahil sa pagtataka. "May problema ba?"

"W-wala," pagsisinungaling niya at saka iniiwas ang mata. "Tapos na pala itong niluluto ko. Magbihis ka na muna para makakain."

"Sige. Gutom na rin ako, e." Sumunod naman si Luke at kinuha ang bag para dalhin sa kanilang kwarto.

Habang inaayos ang hapag, narinig ni Jess na tumunog ang kanyang cellphone. Mula ang tawag na iyon kay Cassie. Nagtaka naman siya kung bakit tumatawag sa kanya ang kaibigan. Agad niyang kinuha ang cellphone at saka sinagot.

"Hello, Cassie," bungad niya. Ramdam niya ang panginginig ng boses ni Cassie mula sa kabilang linya. Naramdaman niyang may hindi magandang sasabihin ang kaibigan. "A-anong mayroon?"

"J-jess, p-pinatay s-si R-Rick. Patay na siya," nanginginig nitong turan.

Naiyukom ni Jess ang kanyang mga kamay at pilit binubuka ang bibig para makapagsalita. Maging siya kasi ay nagulat sa natanggap na balita. "S-sigurado ka ba?"

"Oo. Nalaman ko sa balita," sagot nito.

Panandaliang tumahimik ang kanilang pag-uusap. Kapwa sila nakikipagramdaman. Wala ni isa sa kanila ang gustong sabihin ang nasa isip nila.

Si Cassie na ang bumasag ng katahimikang iyon nang biglang magsalita. "Sa tingin mo ba, walang kinalaman 'to sa nakaraan natin?" tanong nito. Hindi pa rin maitatanggi ang takot na kanilang nararamdaman. Parang bumabalik na naman ang nakaraan.

"H-hindi ko alam. Baka nagkataon lang. S-saka isang taon na ang nakalilipas. Paniguradong iba ang dahilan kung bakit pinatay si Rick," pagpupumilit ni Jess na paniwalain ang sarili. Kahit na gusto niyang paniwalaan na nagkataon lang ang lahat, hindi pa rin maalis sa kanyang isipan na si Rick 'yon na naging parte ng kanilang nakaraan.

Hindi niya namalayang naluha na pala siya dahil sa takot. "Pero kailangan pa rin nating mag-ingat. Hindi pa rin natin masasabi kahit na alam nating patay na si Sarah," babala ni Cassie sa kaibigan.

Tila nawasak ang masasayang araw ni Jess. Ang akala niya na ligtas na siya ay hindi pa pala. Kailangan niya muling mag-ingat dahil maaaring bukas ay siya ring huling araw niya.

"Mag-iingat ka rin, Cassie." Matapos 'yon ay ibinaba na niya ang cellphone. Natulala siya nang ilang saglit at minabuting isipin ang magiging mga hakbang.

"Hindi pa namin alam kung may kinalaman kami roon. Hindi pa dapat ako magpaapekto," saad niya sa sarili.

Pinilit niyang gumuhit ng ngiti sa labi at isinaayos ang sarili upang hindi mapansin ng kanyang asawa't anak. Kailangan niyang maging matatag sa mga ganitong sitwasyon. Sa tingin niya, nakaya niya noon kaya makakaya niya ulit sa pagkakataong ito.

)#q�6T�

Red Tape (Book Two of Red Ribbon)Where stories live. Discover now