EPILOGUE I

45 4 0
                                    

PINALAKI ako nina Mama at Papa na madaling masanay sa maraming bagay. Sinanay nila ako magmula pagkabata na deretso bahay pagkagaling sa school para gumawa ng assignments at maglaro sa labas pagkatapos. Lumaki akong laro ang reward ko sa tuwing nakatatapos ng mga gawain sa eskuwelahan, o kung minsan, gawain sa bahay kapag bakasyon. Kaya namulat akong hindi lahat ng bagay, kailangang mahal. Dahil kadalasan, kaya mong mahanap ang tunay na saya sa mga simpleng bagay.

"Taya!" sabi ni Joemar nang madaplisan ang balikat ko ng daliri niya. Tss. Sayang! Akala ko pa naman, mabuburot namin siya nina Emman sa sawsaw-suka gaya ng napagplanuhan.

"Time first! Nauuhaw na ako," bigla namang sabat ni EJ nang mahahabol na sana siya ni Joemar sa likod ng kotse ni Mang Carding. Ha-ha! Matalino talaga ang isang 'to!

"Hala! Madaya!" Dinig kong umangal na si Joemar kahit na parang hingal na hingal na. Nakahahalata na yata siya. "Uuwi na 'ko! Ang pangit niyo kalaro!"

Imbes na maawa sa kaibigan, natawa lang kaming lahat. Masarap kasing pagtripan si Joemar sa halos lahat ng laro. Pikon kasi. Magulang din minsan. Kaya 'ayun, minsan din, pinagkakaisahan namin.

"'Yaan niyo 'yan si Kulot. Tayo-tayo na lang. Moro-moro, kampihan. Dali!" yaya ni Louis na pawisan na rin ang mukha. Napansin naming lahat na papalubog pa lang ang araw, kaya pumayag kami agad sa gusto niyang laruin. Pero napansin din namin na kaunti lang kaming maglalaro. Hindi masaya sa moro-moro ang gano'n. Kaya...

"Sige, yayain din natin 'yong mga babae." Nakita kong ngumuso si Emman papunta sa chapel, tumatalon-talon ang mga babae na parang naglalaro ng Chinese garter. Pero kasi, "Mas marami, mas masaya!"

Nang halos mapuno namin ang half court ng Julio Street lumipas ang ilang minuto ng pagpipilit sa mga babae, napagdesisyunan naming magpilian na lang ni JJ. Tado 'tong si Emman, ako pa 'yong sinangkalan para maging lider, eh mas mautak siya kaysa sa akin.

Kanya-kanyang kuha ng partner ang bawat isa. Bahala na. Sana mapunta sa akin lahat ng magagaling.

Nagsimulang magharap-harap at pumila ang mga magiging miyembro namin ni JJ. 'Di ko na napansin kung sino 'yong ibang pagpipilian, basta ang alam ko, sampu kaming lalaki, at walo ang nayayang mga babae.

"Bato-bato pik!" sabay na sabi namin ni JJ. Sabi na eh, magbabato siya, kaya papel ang ginawa ko.

Malaki ang ngisi ko nang piliin si Emman kaysa kay Mark.

"Bato-bato pik!" Gunting kami parehas. "Bato-bato pik!" Nanatili ako sa gunting, si JJ, nag-papel.

Tuluyan na akong napangiti nang tapikin ko ang balikat ni EJ, hudyat na siya ang pinipili ko kaysa kay Leo. May kalakihan si Leo, hindi ko kailangan ng mabagal tumakbo sa grupo ko.

"Bato-bato pik!" Sa pagkakataong ito, mukhang nahuli na ni JJ ang strategy ko. Kumorteng bato ang kamay niya, samantalang nag-gunting ako.

"Dito ka, Louis," maangas na sabi ni JJ. Sayang! Pinakamabilis tumakbo si Louis sa aming lahat. Napunta tuloy sa akin si Paolo.

Dalawa pang sunod ang pagkapanalo ni JJ sa pilian. Mautak ang loko, pinili ang mga alam niyang mapakikinabangan niya sa laro. Kahit best friend niya si Raymart, mas pinili niyang maging kakampi ang kapatid nitong si Raymond dahil mas mabilis itong tumakbo.

Napunta rin sa kalaban sina Roxanne at Anna.

Last two na lang, magkakaalaman na.

Sumulyap ako sandali sa gilid ko. Apat na babae ang magkaharapan. Sina Ella, Lyka, Kim, at Sandra. Hindi pa ako gano'n ka-pamilyar sa bilis nilang maglaro, pero...

Euphoria /you•for•eia/Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon