CHAPTER 23: Not Too Late To Move (On)

18 3 0
                                    

Thursday

June 25, Royalty

Day 6 | 60 hours

PAGKABUKAS na pagkabukas ni Kuya Roy ng pinto ng opisina para sa akin, sinalubong ako ng napakabangong amoy na direktang nagpakalam ng tiyan ko. Amoy piniritong manok, tapos sinigang, tapos parang dinuguan. Nang unti-unti na akong makalapit sa desk ko para ilapag ang isang maliit na paper bag ng scripts, bigla namang umagaw ng atensyon ko ang parang pinaghalong amoy ng kape at tsokolate. At bago pa ako lumingon para magtanong sa mga tao sa office ay as usual, naunahan ako ni Kuya Roy.

"Master, ano'ng meron?" Inilapag niya ang malaking camera bag at tripod malapit sa desk niya.

Agad namang humarap si Ron sa direksyon namin. Ang laki ng ngiti ng kumag. "Nagpa-blowout si Ma'am." Tapos sabay tingin sa akin na ikinalukot nang bahagya ng mukha ko. "Na-approve kasi ng ACAP 'yong ad na ginawa mo. Gustong-gusto nila."

At bago pa ulit ako makahagilap ng reaksyon mula sa pagod na sistema ko mula sa biglaang shoot namin kanina sa Malabon para sa TBP, as usual, naunahan na naman ako ni Kuya Roy.

"Naks! Grabe! Congrats, Sandra Prinsesa!"

"Ang lakas mo talaga, Sandra!" si Karl na kanina pa hindi lumilingon mula nang dumating kami ay nakisali na rin.

"Oh my gosh! Congrats, Sandra!" halos patili nang sabi ni Miss Mae.

Lutang pa yata ako sa lahat ng naririnig ko dahil kahit pagkurap ng isang mata, hindi ko magawa. Hanggang sa...

"Geenee, great job!" Mabilis na lumapit at umakbay si Julian sa akin. Naramdaman ko ang sakop ng kamay niya sa kaliwang balikat ko na bahagyang nagpatayo sa mga balahibo ko sa batok. Doon lang yata ako bumalik sa katinuan nang sabihin niyang, "Galing!" tapos umapir pa sa akin sabay tanggal ng kamay niya sa balikat ko.

Hindi pa ako nakapag-iisip ng unang sasabihin, kaya sinimulan ko muna sa maliit na ngiti-hanggang sa lumaki. Nang lumaki. Nang lumaki. At pagkatapos ay hinanap ng mga mata ko si Ron para magtanong. "B-Bakit... P-Paanong..."

Pero mukhang na-gets niya 'yong nararamdaman ko, kaya... "Kumalma ka. Ha-ha! Totoo 'yong sinabi ko. Tumawag kanina si Ma'am kay Mary para magpa-deliver ng mga pagkain dahil tuwang-tuwa raw 'yong mga taga-ACAP. Hindi raw nila in-expect na gano'n kaganda 'yong video." Ang taas ng boses ni Ron, halatang excited din yata siya.

"Grabe, iba na talaga!" Ang laki ng ngiti sa akin ni Kuya Roy, tapos bumaling siya kay Ron. "Nasa'n nga pala si Mary?"

"Inaasikaso na 'yong ibang mga pagkain. Ang dami kasing in-order. Pi-pick up-in nila ni Kuya Manuel 'yong iba."

"Eh 'di, libre tayo sa lunch?"

"Mismo, Master!"

"'Yon!" Napapalakpak pa sa sobrang tuwa si Kuya Roy bago lumabas ng opisina at sabihing, "Yosi lang ako."

Sabi nila, nakangangalay raw ngumiti nang matagal, pero bakit parang hindi naman? Pakiramdam ko nga, ang sarap araw-arawin. Kahit na sa pagtitipa lang sa keyboard ko dahil sa mga ipina-e-encode ni Miss Mae na mga pangalan ng seaman, nakalabas ang mga ngipin ko. Kahit no'ng tinawag lang ni Karl ang pangalan ko para magtanong kung alin ang pinakamaganda sa ginawa niyang tatlong poster para sa new episode ng TBP, nakangiti pa rin yata ako kahit nahirapan akong pumili. Kahit yata no'ng lumapit sa puwesto ko si Julian para mag-congrats ulit, lumaki pa lalo ang ngiti sa mukha ko. How could I not smile this big? First project ko 'yon, and approved agad at walang revision!

Euphoria /you•for•eia/Where stories live. Discover now