Nakangiti naman sa amin ang kaniyang may-bahay. Pati si Ina ay nginitian din si Donya Mariela.

“Magandang gabi rin, aking amigo. At maligayang kaarawan sa iyo, hija,” baling niya naman sa akin.

“Maligayang kaarawan, hija. Mas lalo ka pang gumanda ngayong gabi. Nawa’y masaya ka ngayong araw na ito,” nakangiting bati naman ni Donya Mariela.

“Maraming salamat po, Don Timoteo at Donya Mariela. Salamat din po at dumating kayo. Isang karangalan po.”

Todo ngisi pa ako habang nagpapasalamat sa kanila. Pero ang totoo halos lumuwa na ang puso ko. Hindi ko alam kung bakit. Marahil ay dahil kaharap ko ang bigating pamilya sa bayan na ito.

“Napakabait at napakamagalang talaga ng inyong unica hija, amigo.”

“Maraming salamat.

Nakangiting tumango si Ama at matapos ay inimbita na sila ni Ama sa kainan. Giniya naman ni Tiya ang mag-asawa papunta sa mesa na uupuan nila. Kakain na raw yata para mamaya ay magchi-chikahan na.

Lumapit naman si ate Guada sa akin at kaagad akong niyakap. Natawa naman ako at niyakap siya pabalik.

“Maligayang kaarawan, Martina,” bati niya habang nakayakap sa akin. “Hiling ko ay sana maging masaya ka at matupad na ang iyong mga kahilingan.”

Bumitaw ako sa yakap ng nakangiti sa kaniya. “Maraming salamat, Ate.”

Hinawakan naman niya ang braso ko at pinisil ng kaunti at lumapad ang kaniyang mga ngiti. 

“Sige na, Ate, lumakad ka na at may naghihintay pa sa iyo,” usal ko saka sinulyapan si kuya Lucas na nakatingin pala kay ate Guada.

Hay naku, Kuya, inlababo ka talaga eh.

Natawa naman si Ate pati na rin sina Ina at kuya kaya itinulak ko na lang siya ng mahina papunta kay kuya Lucas. Tumawa pa. Asus, kinikilig naman siya.

“Magandang gabi po, Don Agaton at Donya Floren.”

Napalingon naman ako nang nagsalita si Carolino. Andito na naman ang kakambal ni kuya Marco sa kaguluhan.

“Maligayang kaarawan, Martina,” nakangiting bati niya sa akin.

Napangiti naman ako dahil sa ginawa niya. Minsan ko lang makitang totoo at sinsero ang ngiti na ibinigay niya. Puro kasi mga kabardagulan ang mga ngiti niya na laging nagbabalak ng hindi maganda.

“Maraming salamat, Carol. Mag-enjoy ka sa party ha?” tugon ko habang sinambit ang minsang naging tawag ko sa kaniya.

Natawa naman si kuya Marco na nasa may tabi ko kaya napailing na lang si Carolino saka natawa ng kaunti. Hindi rin naman niya itinanong kung ano ang sinabi ko at tumango na lang. At ayun nga, nagsama na sila ni kuya Marco papunta sa kainan.

Umalis na ang pamilya ng Gobyernadorcillo at may mga sumunod naman na hindi ako pamilyar. Panay na lamang ang pag ngiti ko at pasasalamat sa kanila. Kinakausap naman sila nina Ama’t Ina kaya minsan ay tumatahimik na lamang ako.

May iilan pa nga na nagbigay ng mga regalo. Nahiya naman ako dahil hindi naman sila dapat na nag-abala pa. Nagpasalamat na lang ako saka ko iniabot kay Isay na nasa may likod ko. Kami na lang apat ni Ama’t Ina saka kuya Lucio ang naiwan na binabati at kinakausap ang mga bisita dahil may kaniya-kaniya nang pinaggagagawa ang dalawa.

“Isang magandang gabi, amigo!”

Sabay kaming napatingin sa bumati at iyon ay si Don Miguel. Bagong dating lang yata kasama ang kaniyang pamilya. Hindi ko alam, ngunit marahil din ay kanina pa sila rito. Nakakapit sa kaniyang braso ang kaniyang may-bahay at nasa likuran nila ang kanilang mga anak.

Sa Taong 1890Where stories live. Discover now