"Sorry. Matagal na kasing hindi nabubuksan 'yong closet."

Ipinagpag ni Yael ang T-shirt. Nang makuntento ay isinuot na nito iyon. Pero sapat na ang panahon na iyon para tumatak na sa isip niya ang pipis na tiyan nito.

Her ex-husband had washboard abs.

Napalunok si Jackie.

"Nabuhusan ko na ng liquid sosa ayaw pa rin."

Napatingin si Jackie sa pintuan ng kusina kung saan pumasok ang papa niya.

"Tingnan ko na lang, ho," wika ni Yael. Inabot na nito ang mga gamit at sumuot na sa ilalim ng lababo.

Umupo ang papa niya at itinapat ang flashlight sa inaayos ni Yael. Pero makaraan ang ilang sandali ay narinig niyang nag-ring ang cellphone ng papa niya. Inabot niya iyon.

"Si Father Lito," aniya. Pareho ang papa niya at ang daddy ni Yael na miyembro ng Knights of Columbus kaya malapit ang mga ito sa kura paroko.

Bumaling ang papa niya sa kanya. "Ikaw nga muna ang humawak sandali nito, Jackie."

Lumapit si Jackie. Tumalungko siya sa tabi ni Yael.

"Lagi kang nandito 'pag birthday ni Papa?" tanong ni Jackie nang makaalis ang papa niya.

Mula sa kinakalas ay nag-angat si Yael ng ulo para sulyapan siya pero agad din nitong ibinalik ang atensyon sa ginagawa. "Invited ako, eh."

"Bakit hindi ko alam?"

"Nagtanong ka ba?" anito na hindi inilayo ang tingin sa ginagawa. May ibinaba itong tubo sa tabi niya.

Ipinilig ni Jackie ang ulo niya.

"See," anito. "At siyempre walang magbo-volunteer na magkuwento sa 'yo kasi baka bugahan mo ng apoy."

"Ganoon kasama ang tingin n'yong lahat sa 'kin?"

"Hindi naman. Wala lang gustong sumira ng araw mo."

Humugot si Jackie ng malalim na hininga. Malinaw nga naman noon sa lahat na bawal magbanggit ng pangalan ni Yael. Pero ang lubos na ipinagtataka niya ay kung bakit ganoon kalapit sa isa't-isa ang papa niya at si Yael. Pagkatapos ng lahat ng mga nangyari ay hindi niya lubos maisip na papapasukin pa ng papa niya si Yael sa pamamahay nila.

"Bakit close kayo ni Papa?" hindi na niya napigilang itanong.

"Para namang hindi mo alam na charming ako," anito.

Itinulak niya ang tuhod ni Yael. "Ano ba!" singhal niya.

Tumawa si Yael. "Kasi nga naaawa daw sa 'kin. Broken-hearted na nga daw ako, baon pa daw ako sa utang sa mga magulang ko dahil sa nagastos sa annulment."

Because Almost is Never EnoughWhere stories live. Discover now