Fallen Part 2: Fatum, Procer quod Angelus Chapter 11 and 12

Magsimula sa umpisa
                                    

Pinag-iisipan ko kung ano ba talaga ang mga nangyari. Noong una, hindi ko pinansin ang sinabi ni Kabaiel. Pero sa babala ng demonyo kanina, may hindi ako nalalaman. At alam kong malalaman ko lang yun sa pamamagitan ni Alyx.

"Sa pagkawala ng lahat sa'yo, kasabay noon ang pagkabuo ng lahat. Babagsak ka sa ayaw at sa gusto mo. Babagsak ka anghel, babagsak!"

"Itinakda ang lahat, anghel. Tandaan mo yan. Kahit ang impyerno, alam ang mangyayari. Imulat mo ang mga mata mo. Hindi pagkakataon lang ang lahat. At kung kailan mo maiintindihan ang lahat, saka naman magbabago ang takbo ng ikot ng tadhana."

At tingin ko, hindi ko magugustuhan yun.

Lumipad na ako pabalik kay Alyx, pabalik sa taong dapat kong ingatan at bantayan.


Chapter 12

(Alyx's POV)

Masaya ako na maayos na nakabalik si Iel. Naramdaman ko siyang bumalik habang nagpa-surprise quiz ang prof ko, kaya't hindi ako nagkaroon ng pagkakataong tanungin siya kung anong nangyari.

"Ano ba ang gusto nila?" tanong ko kay Iel ngayon. Nandito kami sa tambayan ko, at kakatapos ko lang kumain ng sandwich. Ayaw magkwento ni Iel hangga't hindi ako nakakakain.

"Ikaw," sabi niya habang nasa taas siya ng isang part ng rooftop. Ako naman ay nakaupo sa isang upuan.

"Alam ko yu—"

"Gusto nilang makuha ang kaluluwa mo."

Natigilan ako doon. Kaluluwa ko? Tapos parang nagfa-flash sa akin yung mga napapanuod ko sa TV, at tumaas ang mga balahibo ko.

"Hindi lahat ng nakikita mong gawa ng mga tao ay totoo."

"Kung ganun, ano ang totoo? Anong gagawin nila sa kaluluwa ko? Ipapakain sa isang demonyo para lumakas pa ito? Gagawing katulad nila? Ano, Iel?"

"Hindi ko alam, Alyx."

"ANONG HINDI MO ALAM? DAPAT ALAM MO! ANGHEL KA, IEL!"

"Yun nga yun. Anghel lang ako, Alyx. Hindi ko alam ang lahat. Oo, kanang-kamay ako ni Michael, pero kung anong alam ko, yun lang din ang alam ng isang ordinaryong anghel. Nakakahigit lang ako sa pakikipaglaban."

"Pwes, sabihin mo kung anong alam mo para kahit papaano maliwanagan ako!"

Bumaba na siya at lumipad sa may harapan ko, nakatayo lang siya at nakipagtitigan sa akin. Nakikita ko ang mga mata niya, nahihirapan siya, naguguluhan.

"Alyx, ang alam ko lang ay oras na manggulo ang impyerno sa balanse ng mundo at suwayin muli ang kalooban Niya, gagawin ko ang lahat para puksain yun. Oo, maraming tao ang gustong kunin ng mga demonyo dahil sa kasamaan nila at upang dumami sila sa impyerno. Pero iba ka, Alyx, hindi ka masama. Akala ko nung una, kalungkutan mo lang ang dahilan para kunin ka nila. Pero nung makausap ko ang demonyo kanina at binigyan niya ako ng babala, doon ko lang napagtantong... higit ito sa lahat ng alam ko."

"Binigyan ka niya ng babala?"

"Oo. Tatlong atake, Alyx. Gusto nila na ihanda kita. Hindi ko alam kung para saan, at yun ang nagpapagulo sa lahat."

"Hindi ko maintindihan, Iel. Napakadaming mas miserable, mas malalakas sa akin sa mundo, pero bakit ako? At matagal na akong miserable. Bakit ngayon lang sila umaatake?"

"Posibleng ngayon lang nila napansin ang kapangyarihan mo, nang matalo ko ang huling Grigori sa kwarto mo, kasabay ng pagkakaalam ng langit sa kapangyarihan mo. Posibleng nararamdaman na ng mga anghel sa paligid mo ang lakas mo. Nung makita mo ako, maaring doon lang naging malinaw ang lahat."

"Sandali, narinig ko na naman ang Grigori? Ano ba yun?"

"Watchers o Grigori, sila ang mga anghel na inutusan para bantayan ang balanse ng mundo. Pero sinuway nila ang utos sa kanila at nagkaroon sila ng mga anak sa mga tao. Sumunod sila sa kasamaan para makuha ang kalayaan na ninanais nila."

"A-anak sa mga tao?"

"Oo, mga Nephilim naman ang tawag namin sa kanila. Pero ang alam ko, matagal na silang nawala sa mundong ito dahil hindi papayagan ng langit na guluhin nila ang balanse ng mundo."

"Ibig sabihin mas malakas ang mga Grigori sa mga demonyong nagpakita pagkatapos niya?"

"Oo, kasi mga anghel pa rin sila. Sinasabi na ang mga Grigori ay mga 'Fallen Angels'. Yung mga nakalaban kong ibang demonyo, sila ay ang mga kaluluwa ng masasamang nilalang na nakuha sa mundong ito, o kaya ang mga pinagsama-samang kasalanan ng mga tao na binigyan ng isang katawan para mangwasak."

"Teka, sinabi mo kanina na malaya ang mga Grigori. Bakit, hindi ba malaya ang mga anghel?"

Lumayo siya sa akin at tumalikod. "Sa paniniwala ko, malaya ako. Pero iba ang kalayaan na ninais ng mga Grigori—kalayaan para magdesisyon para sa sarili nila, kalayaan para gawin ang gusto nila, kalayaan para maranasan ang mabuhay, kalayaan para sumaya at kalayaang magmahal."

"Pero malaya ka sa paningin mo?"

"Oo naman. Sapat na sa akin ang gawin ang tungkulin ko bilang isang anghel. Masaya ako na lumalaban para sa Kanya. At higit sa lahat, mahal ko ang Lumikha sa ating lahat."

Tumahimik lang kami noon, at dinadama ko ang hangin. Madami pang katanungan sa isip ko pero ang tanging lumabas lang sa akin ay, "Anong kaugnayan ng lahat ng ito sa akin?"

Lumingon na ulit siya sa akin. "Kung alam ko lang ang sagot dyan, sasabihin ko sa'yo, Alyx. Pero parehas lang tayong walang alam. Basta ang alam ko lang, hindi kita iiwan."

Tumingin ako sa madilim na langit, tapos tumayo na ako at tiningnan muli siya. "Tingin ko may silbi na ang buhay ko."

"May sil—"

"Oo, alam kong sinabi kong walang kwenta ang buhay ko at ayaw ko nang mabuhay pa. Pero hindi ako papayag na basta na lang kunin ang kaluluwa ko para sa isang bagay na hindi ko maintindihan. May mali dito, Iel, at alam kong kailangan kong mabuhay pa para masagot ang mga tanong natin. Kahit yun na lang ang rason ko para mabuhay, ang masagot lahat ng katanungan."

Nagsimula na akong maglakad, pero bago ko pa mabuksan ang pintuan ng rooftop...

"Kasama mo ako."

"Alam ko, Iel... alam ko."


FallenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon