Chapter 2

9 1 0
                                    

Nagising ako nang magsimulang mag-ingay ang alarm clock sa ibabaw ng table sa tabi ng higaan ko. Pikit mata ko iyong kinapa at pinatay, pagkatapos ay bumalik ako sa masarap na pagkakatulog. Ngunit maya-maya lang ay nakarinig na naman ko ng pag-iingay, and this time, hindi na iyon galing sa alarm clock ko. Kung 'di dahil galing na iyon sa nanay ko.

"Myrtle Grace! Anong oras na? Hindi ba at unang araw mo ngayon sa eskwela?" malakas na sigaw ni Nanay sa akin na siyang tuluyang nagpagising sa buong diwa ko.

Mabilis kong iminulat ang aking mga mata kasabay ng pagbangon ko. Sinulyapan ko ang oras sa alarm clock ko at nakitang less than forty minutes na lang ay male-late na ako sa school.

"Patay!" mahinang sambit ko sa aking sarili saka ako nagmadaling tumayo at nagtungo sa loob ng banyo.

"Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa iyong bata ka oo. Ang hilig mo kasing magpuyat sa kakabasa mo ng kung ano-anong libro. Kaya tinatanghali ka lagi ng gising eh," patuloy na panenermon ni Nanay sa akin habang naririnig ko ang pag-aayos niya ng mga plato at kutsara't tinidor sa aming hapag-kainan.

Hindi na ako nag-abalang tumugon pa sa kanya at sa halip ay nagmadali na ako sa pagliligo ng aking sarili. Pagkalipas ng anim na minuto ay lumabas na ako kaagad sa banyo at bumalik sa loob ng aking kwarto upang makapagbihis na.

"Tingnan mo. Pati tuloy pagligo mo binibilisan mo ngayon. Sigurado ka bang nakapagsabon ka ng maigi at nakapagbanlaw? 'Yong buhok mo baka hindi mo na naman na-shampoo ng maayos huh," narinig kong muling pagsasalita ni Nanay sa akin.

"Hay naku, Myrtle! Kung hindi ka sana nagpakapuyat ng wagas kagabi, eh 'di sana hindi mo naririnig ngayon ang panenermon ng nanay mo," panenermon ko sa aking sarili habang mabilis akong nagbibihis.

Nang matapos ako sa pagbibihis ay ipinuyod ko na lamang ang buhok ko kahit pa basa pa ito. Pagkatapos ay isinuot ko nang muli ang makapal na salamin ko saka ko kinuha at isinuot ang backpack ko. Lumabas ako ng kwarto ko at nadatnan ko si Nanay na nakaupo sa hapag-kainan habang naghihintay sa akin.

"Kain na," wika niya.

Nakita ko ang masasarap na pagkaing inihanda niya para sa akin, pero kung uupo pa ako at kakain ay tiyak akong male-late na talaga ako sa school. Baka masaraduhan ako ng gate, lunes na lunes at unang araw ng eskwela.

"Male-late na po kasi ako, Nay—"

"Kaya hindi ka na lang mag-aalmusal?" putol na tanong sa akin ni Nanay. Tumayo siya saka niya kinuha ang lunch box na inihanda niya para sa akin at inilagay sa maliit na bag. Naglagay siya ng dalawang pirasong saging doon at dalawang sandwich. "Naku, Myrtle, sinasabi ko talaga sa iyo. Baguhin mo na ang ganyang gawain mo. Senior high ka na ngayon at ilang taon na lang ay magco-college ka na. Hindi ka na dapat nagpapakapuyat ng sobra kung alam mong kinabukasan ay papasok ka ng maaga sa eskwela," panenermon ni Nanay saka niya iniabot sa akin ang lunch box ko. "Siguraduhin mong kakainin mo ang sandwich na iyan," dagdag na bilin niya pa sa akin.

Nakangiti kong kinuha mula sa kanya ang lunch box ko saka ko siya mahigpit na niyakap.

"I love you, Nay!" sambit ko.

"Hay naku," narinig ko namang tugon niya.

Alam kong napakahirap ng role niya sa pagpapalaki sa akin. Mula pagkabata ay mag-isa na niya akong pinalaki at kahit na hindi ko kasama ang tatay ko ay pinupunan naman niya ang lahat ng pagmamahal na kailangan ko. She was the best mom that I could ever ask for. At kahit na dalawa lang kaming magkasama sa buhay ay masayang-masaya ako sa piling niya.

Pagkatapos ko siyang yakapin ng mahigpit ay inabot ko naman ang pisngi niya upang halikan siya doon.

"Bye po, Nanay. Ingat po kayo sa pagpasok niyo sa trabaho mamaya," magiliw na paalam ko sa kanya.

"Mag-iingat ka sa pagpasok mo. Umuwi ka ng maaga huh," tugon naman niya na siyang tinanguan ko saka ako tuluyang umalis.

Mabilis akong naglakad patungo sa kanto ng lugar namin saka ako pumara doon ng Jeep na masasakyan. Ngunit hindi naging madali para sa akin ang makasakay kaagad dahil sa dami ng taong naghihintay din doon ng masasakyan. Bukod doon ay kalimitan pang mga punong Jeep ang dumadaan sa lugar.

Napasinghap ako ng ilang beses habang panaka-naka kong sinusulyapan ang oras sa cellphone ko. Fifteen minutes na lang at male-late na talaga ako.

Ilang sandali pa nang may dumating ulit na Jeep, at dahil sa kadesperadahan ko ay nakipagbalyahan ako sa ibang mga pasahero na nag-uunahang makasakay ng Jeep. Hanggang sa isa nga ako sa matagumpay na nakasakay doon at saka lamang ako nakahinga ulit ng maluwag.

Pero kapag minamalas ka nga naman talaga. Nakasakay nga ako sa Jeep pero grabe naman ang trapik. Kaya sa huli ay ten-minutes late din ako nang makarating sa harapan ng shool namin. At tulad ng inaasahan ko ay sarado na ang gate nito. Kasamang naghihintay ko na matapos ang flag ceremony ang ibang mga estudyante na late din kagaya ko.

After flag ceremony lang kasi nila ulit binubuksan ang gate para papasukin ang mga late na estudyante, tapos depende na lang sa teacher mo kung anong parusa ang gagawin sa iyo kapag nakita niyang hindi ka naka-attend ng flag ceremony. Tuwing Monday lang naman ganoon, pero ayon kasi sa bali-balita ay medyo strict ang adviser namin ngayon. Kaya kinakabahan akong mahuli niya.

Maya-maya pa, habang naghihintay ako ay may huminto na isang magandang sasakyan sa tapat ng school. At lumabas mula sa passenger's seat no'n ang isang maputi at matangkad na lalaki. May suot itong sunglasses at hindi maitatanggi ang kakaibang dating niya, na siyang pumukaw din sa atensyon ng lahat ng taong naroroon. Na para bang isang artista ang dumating dahil sa ilang pagtili pa ng ibang mga babaeng estudyante doon.

Dere-deretsyong naglakad ang lalaki palampas sa harapan ko. At nakita ko naman na binuksan ng guard ang gate para sa kanya, kaya mabilis akong kumilos at sumunod sa kanya. Ngunit tumama ang noo ko sa malapad na likod niya nang bigla itong huminto sa paglalakad.

"Aray," sambit ko.

Nilingon niya ako saka siya nagsalita. "At saan ka pupunta sa tingin mo?" malamig na tanong niya sa akin.

"Papasok sa loob malamang," sagot ko sa kanya na siyang ikinakunot ng noo niya.

Taming The Campus HeartbreakerWhere stories live. Discover now