STORY 12: Ate, wala kang ulo

2 0 0
                                    

STORY 12: ATE, WALA KANG ULO

Malalim na ang gabi nang makalabas na ng building mula sa pinapasukan si Abigail. Pasado alas dyes na kaya naman hirap siyang makahanap ng masasakyan. Hindi naman kalayuan ang bahay nila kaya naisipan nito na lakarin na lang.

Hindi naman siya matatakutin kaya kahit madilim ang kaniyang nilalakaran ay wala lamang ito sa kaniya.

Sa kaniyang paglalakad ay napadaan siya sa isang barung-barong at nahagip ng kaniyang mata ang batang lalaki na nakaupo sa labas at nakatingin sa kaniya.

Hindi niya ito pinansin at pinagpatuloy ang paglalakad pero ramdam nito ang mga tingin ng batang lalaki.

Nailing na lang siya at sa isip-isip ay baka pagnakawan pa siya ng bata.

Napahinto siya sa paglalakad nang marinig niyang sinitsitan siya ng batang lalaki. At sa gulat ay napalingon siya rito.

"Ate, bakit wala kang ulo?"

Sumama ang tingin niya sa bata pero hindi na lamang niya ito sinagot at nagpatuloy na lang sa paglalakad. Hindi siya natuwa sa sinabi nito. Balak pa kasi siyang takutin ng bata.

Nakauwi na siya sa kanila pero iniisip niya pa rin 'yung batang nakasalamuha niya kanina.

Hindi naman niya maitatanggi na alam niya ang paniniwala na iyon, na kapag nakita mo raw na walang ulo ang isang tao, nasa panganib ang buhay nito.

Pinilit niyang alisin sa kaniyang isipan ang bagay na iyon hanggang sa umaga na at hindi na siya nakatulog.

Kinabukasan ay hindi niya inaasahan na nakipagpalit ng schedule ang kaniyang katrabaho at nalipat siya sa panggabi. Ayaw niya pa naman na maging panggabi dahil naranasan niya ang hirap sumakay kagabi. At isa pa, baka makasalubong na naman niya ang batang hindi nagpatulog sa kaniya.

Kinagabihan nang siya'y makauwi ay naisipan niya na maglakad na lang muli. Hindi nga siya matatakutin na tao, diba? Kaya hindi siya magpapadala sa batang babae noong nakaraan at baka nagkataon lang 'yon.

Nasa barung-barong na siya kung saan niya nakita ang batang babae noong isang gabi at nakahinga naman siya ng maluwang nang wala ito sa labas kung saan ito nakapwesto nung nakaraan.

Pero natigilan na lamang siya nang may marinig siyang sumitsit sa kaniyang likuran.

"Ate, nasaan ang ulo mo?"

Lakas loob niyang nilingon ang bata at namumula sa inis niya itong sinigawan.

"Hoy bata! Hindi nakakatuwa iyang mga biro mo. At kung inaakala mong natatakot ako, nagkakamali ka. Tigilan mo na nga ako." Bulyaw nito sa batang babae.

Unti-unting gumuhit ang nakakalokong ngiti sa labi ng batang babae.

"Hindi ka nga ba natatakot, ate?" Bahagyang tinagilid ng bata ang ulo.

Aminado si Abigail na nagsisimula na siyang matakot sa batang babae na kaharap niya.

"Sinasabi ko lang naman na wala kang ulo, ate." Malungkot na umiling-iling ang batang babae pero may nakakalokong ngiti ito.

Hindi na nakasagot pa si Abigail, tinalikuran na lang nito ang batang babae at mabilis na naglakad. Ayaw niyang ipahalata na natatakot siya rito at baka lalo lamang siya nitong guluhin.

Sa mga sumunod na gabi ay matyaga na lamang naghihintay ng masasakyan si Abigail kahit na inaabot pa siya ng mag a-alas dose bago makasakay. Hanggang sa isang gabi, kinakailangan niyang makauwi agad upang tapusin ang na-iwang gawain.

Humugot ng isang malalim na hininga si Abigail bago nagsimulang maglakad. Panay ang dasal nito na sana ay hindi niya makasalubong ang batang babae. Kung may ibang daan lamang pauwi ay hindi na lang talaga siya dadaan pa rito.

Sinuot niya ang earphones niya at nilakasan ang volume nang malapit na siya sa barung-barong. Sa ganitong paraan, ay hindi niya maririnig ang pagsitsit ng bata kung saka-sakali.

Ito na, naglalakad na siya sa may barung-barong kaya bumilis ang kaniyang paghinga. Tumungo ito sa takot. Ayaw niyang makita ang batang babae.

At nang makalampas na siya sa may barung-barong na hindi manlang naka-salubong ang batang babae ay nakahinga siya ng maluwag at napapikit na lang 'saka nito inalis ang suot na earphones.

"Ate, wala kang ulo."

Nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan at nanuyot ang kaniyang lalamunan nang marinig ang pamilyar na tinig at natatakot siyang magmulat ng mga mata dahil ramdam niyang kaharap na niya ang batang babae!

"Ate, tignan mo. Hawak ko ang ulo mo."

Lumakad ang takot sa buo niyang katawan at mabilis siyang napamulat ng mata pero hindi niya pa man ganon nakikita ang mukha ng bata nang tumilapon ang kaniyang ulo sa sahig.

Napa-palakpak naman ang batang babae at nakangiting pinulot ang ulo ng dalaga.

"Oh diba, ate? Hawak ko ang ulo mo." Tumatawa-tawa nitong sabi at lulundag-lundag na pumasok ng kaniyang munting barung-barong habang hawak-hawak ang ulo ng dalaga at ang palakol nito.

Horror CollectionsWhere stories live. Discover now