STORY 4: Twinkle

4 0 0
                                    

STORY 4: TWINKLE

"Hello, sis?" agad na bungad ni Sarah habang nakadikit sa tainga niya ang kaniyang cellphone.

"O, bakit?" alas-onse na ng gabi pero nagawa pa nitong tumawag nang sabihin niyang may problema siya.

"Hindi ako pinayagang sumama ni Dad. Nakakainis." Kahit alam niyang hindi naman siya makikita ng kaibigan ay nagpa-padyak pa rin siya sa inis.

Narinig niya ang malalalim na pagbuntong-hininga nito.

"Sayang naman, sis. Ngayon na nga lang tayo magkakasama-sama pero wala ka pa."

"Kaya nga eh. Subukan ko na lang magpaalam ulit bukas baka lumusot na." Umaasang wika ni Sarah sa kaibigan.

"Teka nga, hindi ba't grounded ka kasi nag cutting ka nung isang araw?" Natatawa niyang tanong nang maalala ang kinuwento ng kaibigan sa kaniya.

"Nasaan ba sila tito?" Pag-iwas ni Lianne sa tanong niya. Hindi na lang niya ulit tinanong ito.

"Tulog na sila ni mom. Nabuburyo na nga ako." Hinihintay niyang sumagot ang kaibigan pero wala nang nagsasalita sa kabilang linya maliban sa hindi niya maipaliwanag na mga pagkaluskos na nagpakunot ng noo niya.

"Hello Lianne? Nand'yan ka pa ba?"

Naputol ang tawagan nila pero ilang minuto lang ay nakatanggap siya ng text galing kay Lianne.

"Sorry, naubos na 'yung load ko hehe. Tawagan na lang ulit kita bukas baka sakaling pumayag na sila tito. And by the way, ang cute ng boses ng batang kumakanta d'yan."

Nagulat siya sa text nito kaya agad siyang nag reply.

"Anong batang sinasabi mo? Wala kaming batang kasama dito. Gaga ka, 'wag mo nga akong tinatakot. Mag-isa pa naman ako dito."

"Ha? Bakit naman kita tatakutin? Twinkle-twinkle little stars pa nga 'yung kinakanta e. Mabagal pa nga at medyo malapit din sa'yo 'yung boses."

Nanindig naman ang mga balahibo niya sa nabasang reply ng kaibigan niya. Kaya kahit nanginginig na sa takot ay pinilit niyang replyan ito.

"Wala akong nakikitang bata dito, Lianne. At imposibleng magkaroon ng bata dito. Tatlo lang kaming nakatira dito."

Nililibot niya ang kanyang paningin sa kwarto niya. Gusto niya na ring pumunta sa kwarto ng kaniyang mga magulang pero pinangungunahan siya ng takot. Hinihintay niyang tumawag o mag text ulit si Lianne pero mag iisang oras na siyang naghihintay ay wala pa rin ito.

Hindi siya mapakali sa kwarto niya kaya't naglakas loob na rin siyang puntahan ang kwarto ng mga magulang niya. Habang papalapit siya sa pinto ng kanyang kwarto ay kinakabahan siya. Dahan-dahan at nanginginig niyang pinihit ang seradura ng pinto. At nang mabuksan niya na ito ng kaunti ay sumilip muna siya.

Pero halos panawan na siya ng ulirat nang may isang bata siyang nakita! Nakatayo malapit sa hagdanan at mukhang nag-aambang tumalon. Naiiyak na siya at hindi malaman ang gagawin kaya't isinira na lang niya agad ang pinto. Naghahabol na siya ng hininga sa takot.

Gusto niya ng sumigaw ngunit hindi niya kaya dahil sa sobrang panghihina niya sa takot. Sinubukan niyang silipin itong muli. Baka kasi namamalikmata lamang siya kanina at imahinasyon lamang niya ang bata dulot na rin ng text sa kaniya ni Lianne.

Ngunit nang sumilip ulit siya, nakita niya ulit ang bata at gano'n pa rin ang posisyon nito pero mas nagulat siya nang may biglang lumitaw sa harap ng bata mula sa ibaba, nakatitig ito sa bata na nanlalaki ang mga mata, sobrang puti ng mukha nito at napaka kapal ng buhok na sobrang haba rin at nakabalot ng itim na tela ang buong katawan.

Ang mas nagpatayo sa balahibo niya ay ang kadahilanang nakangiti ito habang nanlalaki ang mga mata. Parang kakainin niya ang bata sa pagkakatitig dito. Isinara niya ulit ang pinto habang habol ang hininga.

Gustung-gusto niya na talagang lumabas ng kwarto at pumunta sa mga magulang niya. Halos harapan lang ng kwarto niya ang kwarto ng mga ito kaya binalak niyang tumakbo papunta roon.

Huminga muna siya ng malalim bago niya ginawa ang plano. Ngunit pagkabukas na pagkabukas pa lamang niya ng pinto ay agad na tumambad sa kanya ang nakangisi at labas ang ngipin ng maputing mukha na nakita niya kanina, nanlalaki pa rin ang mga mata nito at nakatitig sa kanya na parang kakainin siya.

Hindi niya nakayanan ang takot kaya nahimatay siya sa harap ng pintuan ng kwarto. Habang nakabulagta si Sarah ay nasa tabi niya ang batang nasa hagdanan kanina habang nakanta ng twinkle twinkle little star.

--

Kinaumagahan ay nagising na lamang siya at wala sa sariling nagtungo sa kwarto ng mga magulang ngunit naka-lock ang pintuan ng mga 'to kaya bumaba na lang siya habang iniisip ang nangyari kagabi.

Nang makababa ay nakarinig siya ng katok sa kanilang pintuan na ikinagulat niya. Naalala niya ang kaganapan kagabi kaya labis na lang ang pagkatakot niya.

"SARAH! NARIYAN KA BA?"

Nabuhayan naman siya at halos maiyak nang marinig ang tinig ng kaibigan niyang si Lianne kaya agad niya itong pinagbuksan ng pinto.

"Bakit naiyak ka? Anong nangyari?" Nag-aalalang tanong ng kaibigan niya.

"Matapos nating mag-usap kagabi—"

"Teka, nag-usap tayo kagabi? Hindi ba't grounded ako kasi nag cutting ako?" Nagtatakang turan sa kaniya ni Lianne.

Namuo naman ang takot sa kaniyang buong katawan at tila nakalimutan na niyang huminga.

"S-sino 'yung kausap ko kagabi?"

"Ako." Isang mahinang boses ang kanilang narinig sa kanyang likuran.

Nilingon niya ito at nagulat sila sa nakita. Ni-huminga ay nalimutan na nilang gawin dahil sa takot. Iyong nakita ni Sarah kagabi na maputi ang mukha at mahaba ang buhok, nakangiti sa kanilang dalawa at nanlalaki pa ang mga mata!


Horror CollectionsWhere stories live. Discover now