STORY 9: Magulang

2 0 0
                                    

STORY 9: MAGULANG

Nasa gate pa lamang ako ng aming bahay nang marinig ang pagtatalo ng aming mga magulang. Araw-araw na lamang ganito ang nadadatnan ko. Nagsasawa na ako sa ganitong set-up ng aming buhay.

Uuwi akong pagod na pagod galing sa trabaho tapos madadatnan ko ang aking mga magulang na nagbabatuhan sa isa't isa o kaya nama'y nagsisigawan, kagaya na lamang ngayon. Mga magulang na dapat ay modelo at nagbibigay inspirasyon sa'yo sa buhay pero sila pa ang humihila sa'yo paibaba.

Huminga ako ng malalim bago pumasok sa aming bahay. Sa likod ako dumaan para hindi ako makita ng aming mga magulang at baka pag-initan pa ako.

Tahimik akong nagtungo sa kusina at naghanap ng makakain. Inangat ko ang takip ng kaldero, walang laman. Umasa rin ako na may ulam pero nabigo lang ako.

Sandali akong natigilan at nagmamadaling nagtungo sa aming kwarto. Nadatnan ko ang nakababata kong kapatid na umiiyak kaya agad ko itong niyakap at pinatahan.

"Nagugutom ako, kuya." Umiiyak nitong pinunasan ang basang basa nitong pisngi.

Napansin ko rin ang panibago nitong sugat sa braso. May bago na namang sugat ang kapatid ko. Kung hindi sugat, pasa o kaya nama'y bukol.

Nagpakawala ako ng malalim na paghinga bago ito tinanong.

"Saan mo nakuha ang sugat na 'yan?" Mahinahon kong tanong sa aking kapatid 'saka tinuro ang sugat nito. Malaman ko lang na ang mga magulang ko na naman ang may gawa nito sa kaniya, hindi ko na talaga alam ang gagawin ko.

Humihikbi itong umiling.

"Kanino?" Pag-uulit ko pero may diin na ang aking tinig.

"K-kay papa po. N-napaso niya po ako ng s-sigarilyo niya."

Nanginginig ako sa galit at napakuyom na lang ng kamao. Niyakap ko na lamang ito. Awang awa ako sa kapatid ko. Mga demonyo sila. Wala silang patawad, pati kapatid ko, idadamay pa nila.

"Ayoko na po sa kanila." Mahinang bulong ng kapatid ko.

Naningkit ang aking mga mata at isang nakakalokong ngiti ang rumehistro sa aking labi.

"Ayoko na rin sa kanila."

Kumawala ako sa pagkakayakap sa aking kapatid 'saka tumayo.

Nakangiti kong nilahad ang aking kamay na kaniya namang tinanggap.

Lumabas kami ng aming kwarto na magka-hawak kamay at nakangiti sa aming mga magulang.

Kapwa ito natigilan sa kanilang pagtatalo at naka-kunot ang mga noong nakatingin sa amin.

"Sino kayo? Paano kayo nakapasok sa pamamahay namin?" Ang nagtatakang tanong ng aming ina.

"Lagi niyo na lang akong sinasaktan kapag wala si kuya, papa." Sambit ng aking kapatid.

"Anong sinasabi mo riyan? Anong papa? Hindi ko kayo kilala."

Nanginginig sa galit kong pinakita ang malaking sugat ko sa aking tiyan. Nararamdaman ko rin ang uod na gumagalaw sa loob nito pero binalewala ko lamang ito.

Nanlalaki ang mga mata ng aming mga magulang. Nagtitili ang aming ina at si papa naman ay kinuha ang martilyo na nasa mesa.

"Noong natutulog ako, tinuklap niyo ang tiyan ko. Mabuti na lamang at hindi ako binawian ng buhay. Anong klase kayong mga magulang? Wala kayong kwenta!" Puno ng galit at poot kong sigaw.

"Kuya, nagugutom na talaga ako." Binaba ko ang tingin ko at ngumiti sa aking kapatid. Binigyan ko na ito ng permisyo kaya lumapad ang pagkakangiti nito at tumakbo sa dalawang matanda.

Pero hindi ko inaasahan ang nangyari, duguang bumagsak ang aking kapatid.

Nanlilisik ang aking mga matang tinapunan ng tingin ang aming ama at napasigaw sa galit.

"Walanghiya ka!" Puwersahan kong kinuha sa matanda ang martilyo nito at dala ng katandaan ay walang kahirap-hirap kong nakuha ito sa kaniya.

Bago pa man maka-kilos ang dalawang matanda ay napukpok ko na ang mga ito sa ulo dahilan para bumagsak sila sa sahig.

Napangiti na lamang ako. Naaalala ko na naman ang ginawa namin sa nauna naming mga naging magulang. Pero naningkit ang aking mga mata nang maaalala ang kahuyapang nangyari sa amin ng kapatid ko mula sa kamay ng aming unang magulang, orihinal na magulang.

Tinapunan ko ng tingin ang aking kapatid na ngayon ay nakatayo na at naglalaway na nakatingin sa dalawang duguan na matatanda.

"Sige na, kumain ka na."

Nagningning naman ang mga mata nito at mabilis na kinagat ang braso ng aming ama. Sinabayan ko na rin ito sa pagkain ng aming hapunan.

Isang gabi sa aming baryo, habang naglalakad kami ng aming kapatid ay may narinig kaming mga nagkukumpulang mga chismosa sa tabi at hindi namin maiwasang marinig ang mga pinag-uusapan ng mga ito.

"Alam mo ba mare, may namatay na namang mag-asawa. Sila Mario naman ngayon ang biktima. Kahindik-hindik naman talaga ang pagkamatay ng mga ito. Parang kinain ng aswang, jusko!" Panimula ng aleng may nunal sa mukha.

"Sus, dapat lang sa kanila 'yon. Nakaka-bulahaw sila sa mga kapitbahay at masyadong maiitim ang budhi ng mag-asawang 'yon. Mabuti nga't wala silang anak." Saad naman ng payat na ale.

"Pero hindi ba't familiar ang pagka-matay ng mag-asawa? Tinanggalan ng mga daliri ang lalaki, at wala namang dila ang babae." Pasimple akong napatingin sa nagsalitang babae.

"Naaalala niyo pa ba 'yung dalawang anak nila Kulas? Iyong minaltrato nilang mag-asawa at tinapyas pa nga ni Kuring 'yung tiyan ng anak niyang lalaki. At ginahasa naman ni Kulas iyong anak nilang babae." Pagpapatuloy pa nito.

Sandaling natahimik ang tatlong ale.

"Nasaan na kaya ang mga iyon? Simula kasi nang mawala sila, sunud-sunod nang namamatay ang ilang mag-asawa rito sa baryo natin." Napainom na lang ng softdrinks na nasa plastic ang aleng may nunal sa mukha.

Napangiti na lang kami ng aming kapatid at inayos ang suot na sumbrero 'saka naglakad palayo ng aming baryo.


Horror CollectionsWhere stories live. Discover now