Anong ibig niyang sabihin doon? Sana sinabi ko na lang pala na napuwing ako. Baka sabihin at isipin pa nilang nawawala na ang pagkatigasin at angas ni Kristina.

"At pangako, makakarating ang kwentong ito sa apo ng aking apo. Kahit sino man siya, dahil sinabi mo ay nakakasiguro rin akong magugustuhan niya ang kwentong ito."

Hindi mo alam, Kuya, ngunit matagal ko na itong nagustuhan. Simula noong araw na ikinwento mo ito sa akin. Kahit pa masaklap ang naging katapusan, ito ang nagpapaalala sa akin na ganoon ang realidad ng buhay.

At kagaya ng kinuwento ni kuya Lucio ay namatay si Luisa at namuhay na lang ng payapa ang mag-amang Mariano.

Matapos ang pagtatanghal ay sabay-sabay naming pinalakpakan ang mga magtatanghal na magkasamang yumukod sa amin. Nakita ko kung gaano kasaya si kuya Lucio habang nakatingin sa kanila. Gusto ko mang malaman kung sino si Donya Aurelia ay hindi ko na lang itinanong kay Kuya dahil baka maghinala pa siya sa akin.

Nagsipagtayo naman ang mga manonood na nasa harap at baba namin. Kaniya-kaniya na ring bumababa ang iba at umaalis. Kaya napatayo na ako dahil medyo nagugutom na ako at gusto ko ng umuwi.

Sumunod naman na tumayo si kuya Lucio at si ate Guada at matapos niyon ay nagsipagtayo na silang lahat.

"Iyon na? Tapos na kaagad? Nakakabitin naman," reklamo ni Gabriel na nagkamot ng kilay.

"Ano ba ang gusto mong wakas? Hindi mo naman siguro bubuhayin si Luisa, hindi ba?" natatawang tanong ni kuya Marco.

"Hindi naman. Masyadong hindi kapanipaniwala iyon. Pero nakakalungkot lang na kailangan niya pang mamaalam. Napakahapdi lang niyon sa puso."

"Nasasaktan ka pala?" natatawang usal ni kuya Luis kaya napailing si Gabriel.

"Ayoko na nga na magsalita," aniya saka naglakad na pababa roon sa daan sa kaniyang banda. "Halina kayo't umuwi na tayo."

"Marahil ay naantig ang kaniyang puso dahil sa nasaksihan at napagtanto kailangan na niyang itigil ang kaniyang pagiging palikero," nakailing na wika ni Carolino habang nakatingin kay Gabriel.

"Ang tabas din ng iyong dila, Carolino," pahabol ni Gabriel. "Bumaba ka na nga lang diyan."

Natatawa na lang kaming pinagmasdan siyang umalis. Tumatawang sumunod si Carolino sa kaniya. Sumunod naman sa kanila sina ate Guada at kuya Lucas kaya kumapit na ako kay kuya Lucio para maglakad na pababa. Naglakad naman pababa si kuya Marco kaya agad na akong sumunod at hinila si kuya Lucio.

Napatigil naman ako nang hindi siya gumalaw kaya napalingon ako. Naroon pala sa kaniyang harapan ang babae kasama ang dalawa niyang kaibigan sa may likuran niya.

Nagdugtong ang mga kilay ko nang magngitian silang dalawa ni Kuya. Napasin ko na nakatingin si kuya Luis sa kanilang dalawa na nakatayo sa ibabaw na baitang ng kinatatayuan namin. Magkakilala kaya silang tatlo?

Bahagya ko na lang na hinila ang braso ni Kuya para kunin ang kaniyang atensiyon. "Kuya, halika na. Iniwan na nila tayo."

Nagbawi naman siya ng tingin mula sa babae at lumingon sa akin. "Siya, tayo na." Bumaling uli siya sa babae. "Mauna na kayo, Binibini."

Tipid naman na tumango ang babae at napangiti ng kaunti kay Kuya bago ako pagdugtungan ng kilay at pasadahan ng tingin. Napataas naman ang kilay ko sa ginawa niya. Anak ng.

Mabilis niyang binawi ang tingin mula sa akin at lumingon sa kaniyang mga kaibigan at naglakad na pababa. Ngumisi naman ang dalawa kay Kuya bago sumunod sa babae. Mas lalo tuloy na napataas ang kilay ko at umangat ang sulok ng labi ko dahil sa ginagawa nila.

Sa Taong 1890Where stories live. Discover now