"Magandang araw ho, Mang Tomas," bati pa nito sa matanda na siyang ikinalingon nito.

Isang malapad na ngiti ang naukit sa mukha ng Mang Tomas nang dali-dali itong tumayo at sinalubong si Joaquin.

"Aba'y naparito ka, Ginoong Joaquin. Kumusta ka na?" anito bago sila nagyakapan na dalawa.

Parang ang lapit nila sa isa't-isa ah.

"Ayos lamang po ako, Mang Tomas. Medyo matagal-tagal na rin akong hindi nakabalik rito. Kayo ho, kumusta?" tanong niya matapos bumitaw pero nakahawak pa rin ang mga kamay sa braso ng matanda.

"Oo nga, salamat naman at ikaw ay nasa maayos na kalagayan. Ako ay ganoon pa rin naman, mabuting mabuti," natawang tugon nito saka ako nilingon.

Nginitian ko ang matanda saka bahagyang yumukod, "Magandang araw po, Manong."

"Aba, may kasama ka palang kabighabighaning Binibini," ngisi ng matanda. "Iyo ba itong kasintahan? Kaya ka ba hindi na naparito?" may bahid ng pang-aasar at pagkalungkot ang boses nito.

Kaagad na nagdugtong ang aking mga kilay sa narinig at napalingon ako kay Joaquin at mabilis na tumingin uli sa matanda.

"Hindi–hindi po. Hindi po kami magkasintahan, oo. Magkaibigan lang po," paliwanag ko.

"Hindi po, oo tama siya. Mag–magkaibigan lamang po kami," aniya. "Ipinapakilala ko po sa inyo, si Binibining Martina Del Veriel."

Pagkasabi niya niyon ay kaagad akong napangiti at tumango sa matanda bilang pagsang-ayon. Napakunot naman ang ilong ng matanda saka ako bahagyang itinuro.

"Martin—Martina Del Veriel kamo? Iyong nag-iisang anak na babae ng Teniente Mayor?" may pag-aalangan na tanong niya.

Napangiti ako, "Opo, ako nga po. Ako po si Martina."

"Oh–oh, Martina," turo-turo niya pa ako na halatang hindi makapaniwala na nakita niya ako. "Pasensya ka na, Binibini, at hindi kita nakilala. Batid kasi ng lahat na ang unica hija ng Teniente Mayor ay hindi lumalabas ng kanilang mansiyon," medyo natatawa niyang ani.

Natawa rin ako ng kaunti saka hinampas ang hangin, "Ah, dati na ho iyon. Ngayon ay hindi na ho. Napagtanto kong maraming magagandang gawin sa labas kesa sa mamalagi lamang sa silid," paliwanag ko pa.

Humalakhak siya ng kaunti, "Tama ka riyan. Tama ka, at masaya akong ika'y isinama ng Ginoo rito. Karangalan kong pagsilbihan at ilibot ang isang napakagandang Binibini mula sa pamilyang kilala sa buong bayan sa aking hamak at simpleng tindahan," aniya saka ako iginiya niya papunta sa kaniyang ginagawa.

"Paano naman po ako, Mang Tomas?" rinig kong usisa ni Joaquin, "Iiwan mo na lamang ba ang iyong pinakamamahal na Ginoo rito?" dagdag niya pa na bahagya kong ikinangisi.

Nilingon namin sa at natagpuan doon sa kaniyang kinatatayuan na bahagyang nakanguso at magkarugtong ang mga kilay. Napataas ang aking kanang sulok ng labi nang masilayan ang tila isang batang naiwan ng nanay na kaniyang itsura.

"Hay naku, Ginoong Joaquin, halika na. Maiinip pa itong Binibini sa tagal mo eh," kunyari pang reklamo ni Mang Tomas.

"Naku, may nahanap na kasi kayong bagong paboritong mamimili eh," nguso ni Joaquin.

Natatawa na lang na umiling si Mang Tomas at iginiya na na ako paalis. Nginitian ko naman si Joaquin na mabilis nagbago ang kaniyang ekspresyon dahil ngumiti ito pabalik sa akin.

"Pasensya ka na pala, Binibini, at napagkamalan pa kitang kasintahan ni Ginoong Joaquin," bigla pang sabi ni Mang Tomas.

Natawa naman ako ng kaunti saka napailing, "Ay wala ho iyon. Hindi naman po ako ang kaniyang kasintahan, magkaibigan lamang po kami," paliwanag ko saka nilingon si Joaquin.

Sa Taong 1890Where stories live. Discover now