Kabanata 24

5.8K 145 4
                                    

Kabanata 24


Araw ng Linggo at nag-iisa lang si Nadine habang naglalakad sa kahabaan ng mainit na daan. Katatapos lang kasi niyang magsimba. Isang sakayan lang naman ang simbahan mula sa apartment na kanyang tinitirhan kaya ayos lang kahit medyo magtagal siya sa paggala ngayon.


Wala naman siyang trabaho ngayon kaya susulitin na lang niya ang araw ngayon. Isa pa, tatlong araw na rin silang hindi nagkikita ni Jace.


Napabuntong hininga siya. Tatlong araw na itong hindi pumapasok. Hindi naman ito nagfile ng leave of absence sa opisina niya kaya AWOL ang ginawa nito at hindi iyon pwede ayon na rin sa patakaran ng kanilang kompanya.


Aaminin niya, nalulungkot siya dahil hindi rin ito nagtetext o di kaya'y tumatawag sa kanya na regular naman nitong ginagawa noon. Nais niya sanang ipaalam sa kinauukulan ang ginawang pag-absent nito ngunit hindi niya kaya. Baka kasi sabihin nito na inilaglag niya ito. Alam niyang hindi dapat isinaalang-alang ang personal na buhay niya sa trabaho pero hindi naman siguro iyon ikakasama ng loob ng kanilang boss. After all, he's still their boss' nephew.


Habang naglalakad ay tumitingin-tingin din siya ng mga display ng damit sa bangketa. Minsan kasi ay may nakikita siyang magagandang damit na pwede niyang isuot kapag pumapasok siya sa trabaho. Sulit naman ang kanyang ibinabayad dahil mura na nga, maganda pa ang kalidad ng telang gamit.


Napahinto siya sa paglalakad ng bigla na lang may humawak sa kanyang braso. Binundol ng kaba ang kanyang dibdib. Ano ba 'to, magnanakaw? Tanghaling-tapat pa naman.


Dahan-dahan niyang nilingon kung sino man ang humawak sa kanyang braso.


"Hija, magpapahula ka ba?"


Napabuga siya ng hangin. "Ginulat mo naman ako, manang," wika niya sa babaeng may-edad na.


Nakasuot ito ng bulaklaking bestida na hanggang talampakan. May bandana sa noo nito at marami rin itong mga burloloy sa leeg at pulsuhan. Sa isang kamay nito ay may hawak itong baraha.


Nakangiting umiling siya. "Hindi na po."


Naniniwala naman siya sa hula-hula dahil na rin sa kanyang lola. Malaki talaga ang impluwensiya ng kanyang lola pagdating sa mga bagay na may halong kababalaghan. Pero ayaw naman niyang pangunahan ang mangyayari sa kanya sa hinaharap. Isa pa, hindi naman lahat ng hula ay nagkakatotoo. Mas marami na nga ang nanloloko ngayon.


Akmang tatalikod na siya ng muli siyang pinigilan nito. "Alam kong binabagabag ka ng iyong mga napapanaginipan."


Napasinghap siya at muling napaharap dito.


"A-Anong ibig mong sabihin, m-manang?"


"Ang iyong mga napanaginipan ay may koneksyon sa iyong nakaraan."


Napalunok siya. Binundol na naman ng kaba ang kanyang dibdib. Ramdam niya ring namawis ang kanyang noo. Paano kaya kapag tama ang sinasabi ng matandang ito?

Under His Possession [Completed]Where stories live. Discover now