19

1.8K 86 37
                                    

KASAMA ni Aline si Kiyora sa pagluwas niya sa Maynila. Ibinahagi niya sa dalaga ang plano niya at kaagad nitong sinabi na tutulungan siya. Dahil hindi niya kabisado ang Maynila, tinanggap niya ang tulong ni Kiyora. Hindi lang niya inasahan na kasama nila sa pagluwas si Wilt Ervin. Kaagad niyang tiningnan nang masama ang dalagang naghihikab habang pasakay sa backseat ng sasakyan. Alas-kuwatro pa lamang ng madaling-araw. Nais nilang makarating sa Maynila bago mag-alas-diyes.

"Ang sabi mo, kaya mo nang magmaneho hanggang sa Maynila?" naiinis na tanong ni Aline kay Kiyora habang hindi tumitingin kay Wilt na walang anumang inilalagay sa trunk ang mga bag nila. Ilang araw na niya itong iniiwasan mula nang mangyari ang insidente sa mall. Minsan ay napagtatagumpayan niya, ngunit madalas ay hindi. Masyadong malaki ang Villa Cattleya ngunit palagi siya nitong nahahanap. Kahit na magtungo siya sa gubat ay nahahanap pa rin siya ni Wilt.

Tinotoo ni Wilt ang sinabi nito sa kanya. Hindi na ito banayad. Mas malinaw na ipinaparating sa kanya na gusto siya ng binata. Mas naging hayag ang panliligaw ni Wilt. Ninanakawan siya ng halik tuwing may pagkakataon. Mas ginigitgit na siya nito ngayon. Mas nape-pressure na siya sa mga overtures ng binata. At ayaw man niyang aminin sa sarili, kinikilig siya.

"Tinatamad akong magmaneho," inaantok na tugon ni Kiyora habang yakap ang unan. "Hayaan mo na si Wilt at gusto naman talaga niyang sumama."

"You owe me a date," ani Wilt habang palapit sa kanya.

Inirapan niya ito. "Wala akong kahit na anong utang sa 'yo."

Paglapit ni Wilt sa kanya ay yumuko ito. Nahulaan kaagad niya ang planong gawin ng binata kaya mabilis niyang iniatras ang kanyang ulo, ngunit naagapan iyon ng kamay nito. Mariing hinagkan ang kanyang mga labi. Hinampas niya ang dibdib ni Wilt habang magkahugpong ang kanilang mga labi. Nakangisi ito nang pakawalan siya. Tila siyang-siya dahil nakuha na naman ang gusto. Muli niyang hinampas ang dibdib nito, kunwari ay inis na inis ngunit iba ang nararamdaman ng puso niya.

"Sa 'yo nanggaling ang date na iyon. Magdi-dinner tayo sa isang romantic restaurant."

"Sabi ko pagka-graduate ko. Hindi pa ako guma-graduate!"

"Same thing." Muling yumuko si Wilt at pupuntiryahin na naman ang bibig niya ngunit naging maagap ang kanyang kamay. Kaagad niya iyong itinapal sa bibig nito. Hinawakan nito ang galanggalangan niya, walang anuman inalis ang kamay niyang nakatakip sa bibig nito, at hinagkan ang kanyang mga labi. Lalong tumamis ang ngiti ni Wilt, mas kumislap ang mga mata.

"Good morning, honey." Mayamaya ay papito-pito itong naglakad patungo sa pintuan ng driver. "Hop in."

Tatabihan sana niya si Kiyora sa backseat ngunit humilata ang bruha at wala siyang mapuwestuhan. Napilitan siyang sumakay sa passenger seat.

"Huwag kang matutulog," sabi kaagad ni Wilt pagsakay niya. "Kuwentuhan mo 'ko para hindi ako antukin."

Hindi niya pinansin si Wilt. Sumandal siya sa upuan, niyakap ang isa pang unan na dala ni Kiyora, at ipinikit ang mga mata. Matutulog siya hanggang sa makarating siya sa Maynila. Bahala itong antukin!

NAGISING si Aline na may malambot na mga labing nakadaiti sa kanyang mga labi. Nang maramdaman nito ang paggalaw niya ay kinagat-kagat nito ang kanyang ibabang labi. Hindi pa gaanong gising ang kanyang diwa kaya hindi kaagad niya ito itinulak palayo. At bakit niya ito itutulak palayo? Masarap kaya sa pakiramdam. Matamis. Malambot.

"God, will you stop it already?"

Biglang nagmulat ng mga mata si Aline nang marinig ang pamilyar na tinig ni Kiyora. Kaagad na nagising ang diwa niya, kaagad na naalala kung nasaan siya. Naiinis na pinaghahampas niya ang dibdib ni Wilt na natatawa lang. Tumingin siya sa paligid, nakahimpil na sila sa harap ng bahay nina Kiyora na nakababa na ng sasakyan.

Villa Cattleya: Fated Love (Complete)Where stories live. Discover now