10

1.5K 90 42
                                    

"'LA, HINDI ako puwede ngayon."

Pinamaywangan si Aline ni Lola Pacing. Base sa ekspresyon ng mukha ng matanda, nakikita niyang hindi ito natutuwa sa kanya. "At bakit, aber?"

Mariin niyang nakagat ang kanyang ibabang labi, hindi makasagot. Naghihimagsik ang kalooban niya, ngunit alam din niya ang mga kailangan niyang gawin. Inis na inis siya sa sitwasyon niya.

"Magkalinawan nga tayo, Aline. Ikaw ba'y nakakalimot sa lugar mo rito sa pamamahay na ito?"

Nasaktan si Aline sa tinuran ng lola niya. Hindi iyon ang unang pagkakataon na pinaalalahanan siya nito ngunit iyon ang unang pagkakataon na nasaktan siya. "S-siyempre po, alam ko." Katulong siya—katulong sila sa Villa Cattleya. Lalong sumama ang loob niya.

"Iyon naman pala. Hala, puntahan mo sina Wilt at Amelia at sabihin mong hindi ka makakasama sa kanila. Napakarami nating kailangang gawin. Magmadali ka."

Nais pa sanang magprotesta ni Aline ngunit pinigilan na niya ang sarili. Alam naman niya na walang mangyayari kung gagawin niya iyon. Mag-aaway lang sila ng matanda at kahit na masama ang loob, ayaw niyang nagagalit ito sa kanya. Ayaw niyang sumasama ang loob nito.

Hindi niya napigilang magdabog habang palabas ng kusina. "Beinte anyos ka na, Aline. Hindi ka na dapat nagdadabog nang ganyan!" naiinis na pahabol ni Lola Pacing.

Nagdadabog pa ring pinuntahan niya sina Wilt at Amelia sa hardin. Bigla siyang napapreno nang makitang naghaharutan ang dalawa. Tawa nang tawa si Amelia habang kinikiliti ni Wilt ang tagiliran nito. Ginagawa din ni Wilt sa kanya iyon kapag naglalambing. Napansin niyang masayang-masaya si Wilt. Ngiting-ngiti ang nobyo. Hindi nga siya napansin ng mga ito.

Nais niyang bumunghalit ng iyak. Nais niyang magpapadyak sa sobrang inis na nararamdaman niya. Ngunit hindi niya ginawa.

Hindi nagseselos si Aline. May tiwala siya sa dalawa. Mas angkop na sabihin na naiinggit siya sa mga ito. Nagagawa nina Wilt at Amelia ang lahat ng gusto ng mga ito. Ang bakasyon ay bakasyon. Hindi kailangang magtrabaho.

Nitong mga nakaraang araw ay naging malapit sina Wilt at Amelia sa isa't isa. Palaging magkasama ang dalawa. Naging abala kasi si Aline sa mga gawain sa villa kaya ang dalawa muna ang palaging nagkakasama sa pamamasyal. Halos naikot na ni Amelia ang buong Mahiwaga dahil kay Wilt. Malaki ang pasasalamat ni Aline kay Wilt na nae-entertain nito ang kapatid niya. Nagi-guilty siya dahil wala siyang panahon para sa dalawa. Mukhang nawiwili naman ang mga ito na magkasama.

Hindi sana siya magiging masyadong abala kung hindi sila kulang ng kawaksi sa villa. Dalawang kawaksi ang nag-resign. Ang isa ay nag-asawa at dinala ng napangasawa sa Matalinhaga, ang kasunod na bayan. Ang isa naman ay maselan ang pagbubuntis, at pinayuhan ng doktor na manatili sa higaan hanggang sa makapanganak.

Wala naman sanang gaanong problema kung hindi lang nag-imbita si Doc Pepe ng ilang malalapit nitong kaibigang doktor. Abala sila sa pag-aasikaso sa pangangailangan ng mga bisita.

Hindi madaling linisin ang villa na ganoon kalaki. Madaling-araw pa lang ay gising na si Aline upang tumulong sa paglilinis at paghahanda ng pagkain. Kapag maraming tao sa villa, parang araw-araw ay fiesta sa dami ng pagkain. Ngayon ay kailangan niyang magtungo sa pinakaliblib na baryo sa Mahiwaga upang kumuha ng mga sariwang gulay. Dapat ay sasama siya kina Wilt at Amelia sa pagsu-swimming sa talon. Karaniwan kasi na may tauhan na nagdadala sa villa ng supplies na kailangan nila. Ngunit naaksidente raw ang tauhang magdadala dapat ng mga gulay at prutas. Walang ibang available na tauhan dahil abala ang karamihan sa anihan. Kailangan nila ng mga sariwang gulay at prutas para sa salad, juice, at smoothies ng mga doktor.

Villa Cattleya: Fated Love (Complete)Where stories live. Discover now