11

1.5K 78 7
                                    

NAMASA ang mga mata ni Aline ngunit hindi niya hinayaan na tuluyan siyang maiyak pagkatapos niyang balikan ang masasakit na alaala. Labis-labis na ang mga luhang pinakawalan niya. Quota na siya.

Hindi niya alam kung ano ang nais mangyari ni Wilt nang sabihing gusto nito ng isa pang tsansa.

Hindi na sila nagkausap mula noon. Wala na siyang naging balita sa naging relasyon ni Wilt kay Amelia dahil napagpasyahan niyang burahin na lang ang kanyang Facebook account. Halos dalawang taon na hindi umuwi si Wilt sa Villa Cattleya. Ang dinig niya, nagtrabaho raw ito sa isang malaking kompanya sa Amerika.

Walang nagsabi kay Aline na nakauwi na pala ng bansa si Wilt. Alam naman niyang sa malao't madali ay uuwi ito sa villa, ngunit nahiling niya na sana ay makaalis muna siya roon. Hindi na yata kailanman magiging madali para sa kanya ang lahat. Kunsabagay, kailangan din niyang pasalamatan ang sorpresang pagdating ng binata. Kung hindi ito dumating kasama si River nang gabing iyon, hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanila.

Napapabuntong-hiningang bumangon siya sa kama at lumabas ng silid. Tinungo niya ang kusina upang kumuha ng maiinom. Nagulat siya nang makita si Kiyora na nakapangalumbaba sa mesa. Nginitian siya nito nang makita siya.

"Ano'ng ginagawa mo dito?" tanong niya habang palapit sa malaking ref. "Gusto mo ba ng merienda? Igagawa kita." Malapit siya sa dalaga dahil halos magkasing-edad lamang sila. Napakabait din ni Kiyora at hindi siya kailanman itinuring na iba. Inaway pa nga nang matindi ni Kiyora ang pinsan nito noon dahil sa mga picture na naka-post.

Nginitian siya ni Kiyora. "Gusto ko sanang gumawa ng strawberry shake kaya ako lumabas, kaso hindi ko naman alam kung nasaan ang mga gamit at saka kung may strawberry na totoo."

Natawa siya. Sinimulan niya ang paghahalungkat sa loob ng ref. "Strawberry na totoo. Mayroon bang hindi totoo?"

"Powder. Ayoko ng powder." Kahit na hindi niya ito lingunin, alam niyang lukot na ang maganda nitong mukha. Sa mga apo ni Lola Ancia, si Kiyora ang pinakamahilig sa shake. Kahit na gulay ay ginagawa nitong shake. Zucchini shake ang pinakapaborito.

Naglabas siya ng strawberries at sariwang gatas sa ref. Nilapitan niya ang blender at isinaksak.

"Ahh, 'andiyan lang pala ang blender, 'kala ko, 'asa drawer."

Natatawang nilagyan ng yelo ni Aline ang blender. "Kung hindi ko pala naisipang lumabas ng kuwarto, eh, di wala kang strawberry shake?"

Nakangiting tumango si Kiyora. Hinintay nitong matapos siya sa pagbe-blend saka muling nagsalita. "Bakit gising ka pa? Late na."

"Ikaw, bakit gising ka pa?" tanong ni Aline sa halip na sagutin ang tanong nito. Isinalin niya ang shake sa tall glass.

"Hindi ako makatulog."

"Dahil?"

"May iniisip ako."

"Sino?" Inilapag niya sa harap nito ang baso na nilagyan niya ng straw.

Sumipsip muna si Kiyora sa strawberry shake bago siya sinagot. "Sino pa ba? Alam mo na kung sino siya. Huwag na nga nating pag-usapan pa ang lalaking 'yon."

Nakikita niyang ayaw nitong pag-usapan ang isang partikular na tao kaya pinagbigyan niya si Kiyora. Siya ang higit na nakakaintindi sa kalagayan nito. Nagsalin siya ng tubig sa isang baso at naupo sa tapat ni Kiyora.

"'Musta ang date n'yo ni Doc Gary?"

"Hindi 'yon date."

"Eh, ano ang tawag do'n?"

Nagkibit-balikat si Aline. "Nilibre lang niya ako sa sinehan... saka sa restaurant."

"Date na 'yon. Kailan mo ba siya sasagutin?"

Villa Cattleya: Fated Love (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon